GORGY RULA: Kagabi, April 29, dumating si Vic Sotto at ang kanyang pamilya galing sa tatlong araw na bakasyon sa Siargao Island.
Doon nila ipinagdiwang ang 64th birthday ni Bossing Vic nung nakaraang Sabado, April 28.

Ilang birthdays nang ginagawa ng Eat Bulaga! host na nagbabakasyon sila tuwing birthday dahil gusto niyang makasama ang kanyang mga anak, mga apo at asawang si Pauleen Luna.
Sabi ni Bossing Vic, corny man, pero totoo raw na ang birthday wish lang niya ay good health at long life.
Tuwang-tuwa namang ikinukuwento ni Pauleen na ang baby nilang si Baby Tali ang bidang-bida sa bakasyon dahil pinag-aagawan daw ito ng mga kapatid niya.

"Super addict ang mga sisters niya sa kanya!" natatawang pahayag ni Pauleen.
Alam niyang si Vic ang pinakamasaya sa celebration ng kanyang 64th birthday sa Siargao.
NOEL FERRER: Ganyan naman yata talaga ang hiling lang natin—good health at long life—habang tayo ay nagkakaedad.
Habang nadadagdagan ng taon, parang mas gusto na ni Bossing Vic na pagtuunan ng pansin ang kanyang pamilya.
At kung career naman ang pag-uusapan, stable at toprating pa rin naman ang kanyang home base na Eat Bulaga! at continuous pa rin naman ang kanyang endorsements.
Siguro, sa susunod, “legacy” projects na ang pagtutuunan ni Vic in terms of his own productions sa TV man o sa pelikula.
Hangad ko pa ring makagawa siya ng pelikula na mala-Ang Tatay Kong Nanay o yung mga memorable films ni Tito Dolphy, yaman din lang na si Vic ang sinasabing heir apparent ng Comedy King.
JERRY OLEA: Health is wealth, 'ika nga.
Sa estado at edad ni Bossing Vic, siyempre pa ay wish niyang manatiling malusog at lumawig ang kanyang buhay upang pagsaluhan nila nina Pauleen at Baby Tali ang masasayang sandali.
Cheers!
