GORGY RULA: Hanggang ngayon ay halos ayaw pang lumabas ng bahay ang nagbabalik-aktor na si Frank Garcia.
Ito ay dahil sa trauma na inabot niya nang na-holdup siya ng riding-in-tandem sa labas lang ng bahay niya sa Boyle St., Brgy. Palanan, Makati City.

Kasama ni Frank ang non-showbiz girlfriend na lumabas noong Huwebes April 5, mag-a-alas dos ng madaling-araw.
Bibili lang daw sana sila ng Paracetamol sa pinakamalapit na drug store nang biglang hinarang sila ng tatlo kataong lulan ng dalawang motor.
Pilit na pinapalabas sa kanila ang dala na pera at cellphone.
Mabuti na lang at 200 pesos lang ang bitbit nila para sa pambili ng gamot. Naiwan nila sa bahay ang kanilang cellphone.
Inilapag nila sa kalsada ang pera, na ang buong akala nung holdaper ay marami dahil 100 pesos at tigbi-beinte pesos na ang iba.
Itinaas na raw nila ang kanilang kamay, dinampot nung isang holdaper ang pera, habang ang dalawa ay nakatutok ang baril.
Kaagad na tumakbo ang mga holdaper.
Nagpasalamat pa rin si Frank dahil hindi raw napansin nung mga holdaper ang diamond earrings na suot ng kanyang girlfriend.
Pero traumatic pa rin daw ito sa kanila, at halos hindi na raw sila nakatulog nung gabing yun.
Ipina-blotter nila ang naturang insidente, pero hanggang ngayon ay wala silang lead kung sino ang gumawa dahil hindi nila nakita ang mukha ng tatlong holdaper na may suot na helmet.
Parang ayaw na raw ni Frank na lumabas ng bahay sa takot na balikan nung tatlong holdaper dahil sa 200 pesos lang ang nakuha sa kanila.
Magbabalik-akting si Frank sa bagong drama series ng GMA-7 na My Guitar Princess.
NOEL FERRER: Welcome back sa showbiz, Frank! (Wala ba kayong mga kamay?)
Paano kaya tatanggapin si Frank ng mga dating nakasama niya, partikular na ang mga kaibigan ng yumaong Direk Wenn Deramas at ang dati niyang girlfriend na si Sunshine Dizon?
Tututukan natin 'yan.
Dahil nasa GMA-7 siya, di malayong magkasama pa sila ni Sunshine ulit, posible kaya?
JERRY OLEA: Ingat-ingat!
Nakaka-trauma talaga ang mga riding-in-tandem na iyan lalo na kung kalaliman ng gabi.
Hindi man lang ba nahagip ng CCTV ang mga hinayupak?
To think na maraming pulis sa Makati City!
