GORGY RULA
Type na type talaga ng karamihan ang isyu ng mga nag-aaway sa showbiz.
Akala namin, hindi magiging interesante sa kanila ang bangayan ni Direk Erik Matti at ng cinematographer na si Neil Daza.
Pero ang daming nagtanong sa amin kung bakit sila nag-aaway.
Nagpalitan sila ng maanghang na pahayag sa social media, pero hindi nilinaw kung saan nag-ugat ang kanilang hidwaan.
May kinalaman ba ito sa Eddie Garcia Law o Republic Act No. 11996, na pinuprotektahan ang "welfare, health, and safety of movie and television industry workers?"
Nag-set ang Film Academy of the Philippines (FAP) ng meetings tungkol sa isyu, pero hindi nagkita roon sina Neil at Direk Erik.
Kaya noong July 22, nag-post si Neil ng: "So much passion for making films yet no passion to show up when it comes to labor issue."
Hindi pinalagpas ni Direk Erik ang patutsada ni Neil.
Sa kanyang mahabang sagot, sinabi ni Direk Erik: "Alam kong ako yan dahil galing ka lang sa FAP mediation at hinahanap mo kami ni Dondon [Monteverde, producer]."
Aniya pa: "Marami akong ginagawa. Hindi ibig sabihin noon wala na akong pakialam sa industriya.
"Ang nakakatawa, parang gusto mong sukatin ang pagmamahal ng tao sa pelikula base sa attendance sa meeting."
Narito ang kabuuan ng post ni Direk Erik:

ED'S NOTE: Ang naunang screenshot na makikita sa artikulong ito ay Facebook post ni Neil noong February 3, 2025.
Nakasaad dito: "It's exploitation disguised as passion. And the very reason why the EGL was created."
May komento sa post si Direk Erik.
Ayon sa PelikuLove page ng filmmaker at producer na si Ellen Ongkeko-Marfil, linya ito mula sa pelikulang BuyBust ni Direk Erik.
Ayon naman sa direktor na si Raymond Red, "misquoted" si Direk Erik.
Pero ang screenshot ay posted as is. Dati na ring nai-publish ito sa isa pang article noong February 2025.
Para bigyan ng context, isinama ang screenshot sa artikulong ito para ipakitang dati nang nagkasalungat ang dalawa dahil sa EGL.
Read: Erik Matti at Neil Daza, nagtatalo dahil sa Eddie Garcia Law
What sparked Erik Matti–Neil Daza rift
Pero ano ang nag-trigger para magkaroon ulit sila ng maanghang na palitan sa social media.?
Wala pa kaming nakakausap sa dalawa, pero may mga ilang reliable sources na may ideya umano sa hidwaan nila.
Ayon sa ilang napagtanungan namin, nagsimula raw ito sa hinaing ng namayapang aktres na si Sue Prado, na kasama sa BuyBust: The Undesirables na ginagawa ni Direk Erik.

May shooting daw silang naka-lock in, pero hindi naman lahat ng araw ay nagagamit ang mga artista.
Diumano'y binabayaran ang artista kung may shoot. Kung wala raw trabaho sa lock in, walang bayad.
Ito raw ang inireklamo ni Sue dahil nanghihinayang siya sa mga araw na hindi siya nakasalang at nakatengga lang sa location.
Sana, nakatanggap pa raw siya ng ibang trabaho kung hindi siya naka-lock in.
Hindi namin alam kung paano nakarating kay Neil Daza, pero siya ang nakipaglaban para kay Sue.
Hindi na namin inurirat kung ano ang koneksiyon ni Neil kay Sue, na pumanaw noong Abril 14, 2026.
Nakamatayan na ng aktres ang isyu, na nabuhay dahil sa post ni Neil.
Umabot pa ang isyu sa assistant director na diumano'y idinamay rin ni Neil.
Kaya lalong tumindi ang rift.
Sabi ng ilang napagtanungan namin na kakilala ang cinematographer, may ganung ugali raw siya na pag nakaka-relate sa isang issue, he will make a firm stand.
Wala pang balita kung na-resolve ba ng FAP ang naturang isyu.
May mga nasagap pa tuloy kaming ibang kuwento kaugnay nito, at lalo na kay Neil na hindi namin personal na kilala.
Read: Vice Ganda apologizes over criticized It’s Showtime jokes
NOEL FERRER
Oo, nasa jurisdiction ng FAP ito.
At umaasa tayong maresolba at magkaroon ng maayos na kahihinatnan and concerns ng mga taong involved..
Iba na talaga ang panahon.
At dahil may social media na, yung mga dati-rating gusot ay nabibigyan ng lunas at nailulugar nang tahimik.
Sa mga isyung nilalantad sa publiko, may tendency talagang nahahati tayo.
At nakakapag-comment ng masakit at imbes na maresolba, lumalalim, at (huwag naman sana) lumalala pa ito.
Sana talaga, humantong ito sa maayos na resolusyon. Ceasefire muna sa parunggitan at personal na tirada.
Sa huli’t huli, sana’y manaig yung ikabubuti ng tao at ng ating industriya!
JERRY OLEA
Nagtanong kami kay FAP Director General Paolo Villaluna via Messenger kung maghaharap muli ang mga panig nina Direk Erik Matti at Neil Daza.
Ang tugon ni DG Paolo: “The Film Academy can't discuss or comment regarding ongoing legal processes—and urges all parties involved to refrain from further commenting publicly in order to protect the integrity and impartiality of the Academy’s process.”
