JERRY OLEA
Malabo nang gawin ni Kathryn Bernardo ang action-drama film na Elena 1944, na naka-focus sa comfort women noong Panahon ng mga Hapon.
Magastos siyempre ang ganitong period film, lalo pa’t may maaaksyong eksena para ma-recreate ang mga huling araw ng World War II.
Noong nakaraang Semana Santa ay minanifest ng ilang digital creators na gawin ng tinaguriang "Asia’s Superstar" ang remake ng horror movie na Feng Shui (2004) na pinagbidahan ni Kris Aquino sa direksyon ni Chito S. Roño.
Meron pa silang pa-subtitle na “Curse Reborn,” at pa-tagline eme na “A New Soul. A New Curse.”

CHITO ROÑO ON CALL FOR FENG SHUI REMAKE WITH KATHRYN
Labintatlong (13) linggo ang lumipas matapos ang Semana Santa, nakahuntahan namin si Direk Chito sa babang luksa ni Manay Lolit Solis noong Hulyo 3, 2026 sa Oriental Palace restaurant sa Tomas Morato Avenue, Quezon City.
May nakarating ba siya tungkol sa remake ng Feng Shui na bida si Kathryn?
“Sa akin? Hindi ko pa alam!” bulalas ng premyadong direktor.
“Wala namang nakarating sa akin na ganoon.”
OK lang sa kanya sakaling iba ang magdidirek ng remake o reimagination ng Feng Shui?
Mabilis na tugon ni Direk Chito, “Hindi.”
Aawayin niya?
“Hindi ko sasabihing aawayin ko. Pero alam ko, ako lang ang may rights nun.”
Aprub ba sa kanya na magbida si Kathryn sa remake ng Feng Shui?
“Oo, wala akong problema dun.”
Read: Ian vs Lotlot and Matet: A timeline of the family dispute over Nora Aunor's legacy
NOEL FERRER
Natatandaan pa ba niya nang idirek niya si Kathryn Bernardo sa historical political drama film na Dekada ‘70 (2002) kung saan bida sina Vilma Santos, Christopher de Leon, at Piolo Pascual? Yung ang unang pelikula ng Asia’s Superstar…
“Hindi, honestly. Bagets pa lang siya noon. Naalala ko lang, yung mga flower girls-flower girls doon,” sey ni Direk Chito S. Roño.
“Pero hindi ko na siya maalala.”

Gusto ba niyang maidirek si Kathryn, just in case?
“Oo naman. Oo naman. Magaling naman siya, ah?! Napanood ko siya sa A Very Good Girl.”
Nakita ba niyang may mailalabas na bago o kakaiba si Kathryn kapag idinirek niya?
“Definitely. Definitely,” wika ni Direk Chito.
Read: Lolit Solis' handwritten letter surfaces during her babang luksa
GORGY RULA
Sixto Kayko ang pseudonym ni Chito S. Roño sa unang pelikulang idinirek niya, ang Private Show (1984) na pinagbidahan ni Jaclyn Jose kasama sina Gino Antonio at Leopoldo Salcedo.

Spiritual sequel ng Private Show ang pelikula ni Direk Chito na Curacha, Ang Babaeng Walang Pahinga (1998) na pinagbidahan ni Rosanna Roces.
Nasa cast din niyon sina Jaclyn Jose, Ara Mina, Lito Legaspi, Mike Magat, Ruby Moreno, Lucita Soriano, Richard Bonnin, Dick Israel, Maureen Mauricio, Tom Olivar, at iba pa.

SPIRITUAL SEQUEL OF CURACHA
Inaasam ni Direk Chito na gumawa ng spiritual sequel ng Curacha, pero wala pa siyang nakikita na puwedeng magbida para rito.
“Puro pa-cute ang mga artista, e,” sambit ni Direk Chito.
Aba! Maraming palaban sa VMX, ahh?!
Napabuntong-hininga nang malalim si Direk Chito: “VMX? Parang bisikleta. VMX. Ha! Ha! Ha! Pag merong matino…
“Kasi napanood ko yung VMX, Dyusko day, parang sa tabi-tabi lang. Inutusan mo lang bumili ng kalahating kilo ng asukal, umakting na.”
Sa tingin ba niya, keri ni Kathryn Bernardo na maging mapangahas sa level ng Curacha?
“Hindi! Ha! Ha! Ha! Nakakaloka ka! Curacha, tayo lang yon, Curacha! Ha! Ha! Ha! Tayo lang ang puwedeng mag-Curacha!” natatawang sabi pa ni Direk Chito.
Read: VMX continues Pinoy erotica domination with 9 titles in June 2026
