GORGY RULA
Nakakabilib ang suporta ng fans nina JM Ibarra at Fyang Smith sa pelikula nilang Almost Us ng Regal Entertainment.
Sa nakaraang media conference ng Almost Us noong Linggo, April 12, 2026, ang JM-Fyang fans ang nag-sponsor ng masarap na pagkaing inihanda para sa mga dumalong entertainment media.
Kaagad pinag-trending ng fans ang mediacon, at talagang nakatutok silang lahat.
Kaya may tsansang titipak ang Almost Us sa showing nito sa mga sinehan simula sa Mayo 6.
Ngayon pa lang ay marami na raw silang nagpa-schedule ng block screenings.
EFFORTS TO LOWER THE COST OF TICKET PRICE
Pero aminado ang mga taga-Regal na may pangamba pa rin sila sa kalalabasan ng JM-Fyang movie sa takilya, dahil sa sitwasyon ng ating bansang nahaharap sa krisis.
Tuloy pa rin daw sila, paniniguro ng Regal Entertainment executive na si Keith Monteverde, sa kabila ng maraming nangyayari sa mundo na hindi nila kontrolado.
May mga nagsasabi pa raw na baka makabubuting ipagpaliban ang playdate ng Almost Us.
“For us, like, we wanted to keep everything the same na,” pakli ni Keith.
“We wanted to at least deliver for the people that are still looking for it na rin. Para there’s something, like, they can afford na to watch a movie na they’re interested.”
Ginagawan pa rin daw nila ng paraan at inaayos nila ngayon sa mga sinehan ang posibleng pagbaba ng presyo ng ticket.
Saad ni Keith: “At the same time, there are things like increasing cost, taas ng gas, that make that harder for people to go to theaters.
“So, ever since in the beginning, myself, my mom and others have been in constant conversation with the theaters, the cinema exhibitors. Trying to find ways to make it more affordable.
“Ahhh so we have to make affordable pricing… we will announce more of that soon.”
Opo, bababaan nila ang presyo ng ticket para kayanin ng mga gustong mapanood ang naturang pelikula na idinirek ni Dan Villegas.
May special participation si Dustin Yu sa Almost Us.
Nasa cast din nito sina Yukii Takahashi, Sam Samarita, JM Salvado, Baus Rufo, Che Ramos, at Lotlot Bustamante.
Read: JM Ibarra "impressive" ang acting; Fyang Smith, ikinumpara kay Maricel Soriano

NOEL FERRER
Aminado rin si Roselle Monteverde na nagwo-worry sila, pero tuloy pa rin daw sila sa paggawa ng pelikula.
Ani Roselle: “Of course, we worry about what’s gonna happen. Who’s not, di ba?
“But then, yeah, we’re committed. We’re committed na talaga. Actually, patapos na rin yung pangalawang pelikula.
“So, we’re hoping na, as what Keith said talaga, na to lower the ticket price, to give them a chance through the crisis that’s happening right now.
“Para naman, in a way, na mapasaya pa rin natin yung mga tao.
“There’s a way for them na even a little time to feel something that there’s a way to escape from what’s happening.
“Kasi even me, I’m affected.”
DAN VILLEGAS' FIRST FILM WITH REGAL ENTERTAINMENT
First time magdirek ni Dan Villegas sa Regal para sa Almost Us.
Pero yung production company ni Direk Dan na Project 8 Project ay unang naka-collab na ang Regal sa pelikulang Cuddle Weather (2019) na pinagbidahan nina Sue Ramirez at RK Bagatsing.
Base sa trailer, halatang pinagkagastusan ang Almost Us. Hindi tinipid.
“Siyempre, Dan Villegas!” bulalas ni Roselle.
Kabilang sa mga pelikulang idinirek ni Dan Villegas ang English Only, Please (MMFF 2014), The Breakup Playlist (2015), Walang Forever (2015), Always Be My Maybe (2016), Changing Partners (2017), All Of You (2017), Exes Baggage (2018), at Uninvited (2024).
JERRY OLEA
Topgrosser sa 21st Cinemalaya filmfest noong Oktubre 3-11, 2025 ang Child No. 82 (Anak ni Boy Kana) kung saan title role si JM Ibarra.
Itinanghal na best supporting actress sa Cinemalaya ang gumanap na ina ni JM, si Rochelle Pangilinan.
Kahit wala sa cast si Fyang Smith ay todo suporta siya sa pelikula ng ka-loveteam.
Pero hindi epal si Fyang, huh?! Hindi siya nakaw-eksena sa gala premiere ng Child No. 82 (Anak ni Boy Kana). Marunong siyang lumugar.
Nakasama sina JM at Fyang sa "2025" episode ng Shake, Rattle & Roll: Evil Origins, na pumangalawa sa takilya ng MMFF 2025.
May shining moments kahit paano ang JM-Fyang sa nasabing episode, na nagtampok din kina Francine Diaz, Seth Fedelin, Manilyn Reynes, Alex Calleja, Kaila Estrada, Sassa Gurl, Karina Bautista, Althea Ablan, Arkin Lagman, Raven Rigor, Dylan Yturralde, at iba pa.
Dito sa Almost Us, bidang-bida sina JM at Fyang.
Take note na mauunang ipalabas ang FranSeth movie na She Who Must Not Be Named, na Abril 29 ang playdate.
Nag-presscon na ba ito, Oskee Recabar?
Alin kaya sa She Must Not Be Named at Almost Us ang mas tatangkilikin sa takilya?
Yung pelikula nina Donny Pangilinan at Belle Mariano na Tayo Sa Wakas ay sa Mayo 27 pa ang playdate.
Read: Enchong Dee, naglitanya sa hindi magandang karanasan sa Air France
