GORGY RULA
Mukhang pinaghahandaan na ni Albert Martinez ang pagtatapos ng karakter niya bilang Roberto Guerrero sa FPJ’s Batang Quiapo.
Nang nakatsikahan ng PEP Troika si Albert noong nakaraang linggo sa premiere night ng pelikulang The Lotto Winner, sinabi niyang pagkatapos niya sa Batang Quiapo ay gusto muna niyang magpahinga kasama ang kanyang mga anak at apo.
Gusto raw talaga niyang maka-bonding ang kanyang apo.
“Malapit na. Maraming time. Ngayon kasi busy pa ako sa Batang Quiapo. Pagka soon… I’ll have more time for myself, for my grandchildren, and for my kids,” sabi ni Albert.
Read: TV: Kapamilya primetime shows promo sa ALLTV; Sang'gre No. 1 pa rin

ALBERT MARTINEZ TO TAKE A BREAK AFTER BATANG QUIAPO
Gusto na rin daw niyang magbawas ng trabaho, na maaring papunta na sa retirement.
Sabi ng premyadong aktor, pagkatapos ng Batang Quiapo ay hindi muna siya tatanggap ng trabaho.
“Hindi muna. Pahinga muna. Enjoy muna ang family and friends, and me time,” nakangiti niyang pahayag.
Halos sunud-sunod pa ang taping ni Albert para sa Batang Quiapo, pero isinisingi niya ang pagpu-promote ng The Lotto Winner nila ni Kylie Padilla, under Mavx Productions.
Magso-showing na ito sa Miyerkules, February 18, 2026.
Read: ASAP Family Band, nabuo sa birthday ni Martin; Gary V, bakit hindi kasama?
NOEL FERRER
Iba pa rin talaga ang pelikula kapag gumagawa ang isang magaling na aktor kagaya ni Albert Martinez.
Proud siya sa The Lotto Winner na first time nilang pagasama ni Kylie Padilla.
Aware ang aktor mahina pa rin ang mga pelikula natin sa takliya ngayon.
Pero naniniwala si Albert na tatangkilikin pa rin ang mga pelikulang atin basta maganda ito.
Saad niya: “I believe that… we need to be more creative, we need to come up of out of the box kinds of narrative.
"Kasi siyempre, sa dami ng mga lumalabas na streaming sa Hulu, Netflix, parang you have seen it all.
“Pag hindi ka lumabas ng magandang Tagalog…ako sa tingin ko, the best, it will be something that touches the hearts of the Filipino. Kung Tagalog ang pinag-uusapan natin, ha?
“Huwag na tayong mangopya. Gawin natin yung atin. Yung Pinoy!
“Like The Lotto Winner. Hindi ko naman sinasabing… but it’s something simple pero it touches the heart. It touches the Filipino soul.
“I believe, if we do more Filipino films like this, makaka-recover tayo somehow,” saad ni Albert.
Read: Feng shui expert’s forecasts on Kathryn, Vice Ganda, Marian, Dindong, Coco, Heart, Barbie

JERRY OLEA
Mag-ama ang papel nina Albert Martinez at Kylie Padilla sa pelikulang The Lotto Winner.
Kasabay nitong magso-showing sa Ash Wednesday ang Batang Paco nina Empoy Marquez at Ai-Ai delas Alas.
Kung si Albert ay nasa FPJ’s Batang Quiapo, napapanood naman si Kylie sa katapat nitong Sang’gre: Encantadia Chronicles.
Natawa si Kylie: “Ha! Ha! Ha! Nagtatanong nga ako, e. Kumusta na yung ratings?”

BATANG QUIAPO THIRD ANNIVERSARY
Noong Friday the 13th ay ikatlong anibersaryo ng FPJ’s Batang Quiapo.
Umabot sa 553,863 ang peak concurrent viewers nito sa YouTube.
Sa tatlong taon ng FPJ’s Batang Quiapo ay may clip na nga sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment kung saan ipinakita ang twenty (20) times Tanggol (Coco Martin) cheated death.

Taos-puso ang pasasalamat ni Primetime King Coco sa patuloy na paghahari ng FPJ’s Batang Quiapo sa puso ng mga Pilipino kasabay ng pagdiriwang nito ng mas maaksyon na ikatlong anibersaryo.
Sa ilang social media posts ng Dreamscape Entertainment, iginunita ang anibersaryo sa pagpapasalamat ng mga die-hard Kapamilya kay Tanggol sa pagbibigay nito ng todo-todong aksyon, drama, saya, at inspirasyon sa loob ng tatlong taon.
Sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng anibersaryo, handog ng serye ang makapigil-hiningang bakbakan sa pagbubukas ng linggo kung saan haharapin na ni Tanggol ang panibagong misyon na maaaring magbago ng kanyang buhay.

Dapat abangan ng viewers ang ratratan sa pagitan ni Tanggol at ng tropa laban sa batalyon ng kapulisan.
Maiipit sina Tanggol sa engkwentro nang mang-holdap sila ng isang tindahan ng alahas.
Ang hindi alam ng grupo ay may mas malaking dagok pa silang haharapin dahil malalaman nilang na-setup sila ng sarili nilang tropa na si Enteng (Jojit Lorenzo).
Mapipilitan si Enteng na traydurin ang kanyang mga kaibigan dahil hawak na ni Rigor (John Estrada) ang buhay ng nanay niya, kapalit ang ulo nina Tanggol.
Magkakaroon ng malaking gulo kapag inanunsiyo na si Tanggol ang totoong nanalo bilang mayor ng Maynila at hindi ang karibal nitong si Miguelito (Jake Cuenca).
Napapanood na ang FPJ’s Batang Quiapo sa Kapamilya Channel sa ALLTV2.
Buksan ang inyong digital black box, pindutin ang scan button sa remote control, at hanapin ang ALLTV2.
Tunghayan ang maaaksyong kaganapan sa FPJ’s Batang Quiapo gabi-gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes ng 8 P.M. sa Kapamilya Channel sa ALLTV2, A2Z, iWant, at Kapamilya Online Live.
Napapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
Read: StarStruck alum Alvin Aragon draws backlash over anti-gay remark
