GORGY RULA
May mga ipinu-post sa social media na total gross ng walong pelikulang kalahok sa 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Inalam muna ng PEP Troika kung tama ang lumabas na figures.
Ang sabi ng aming reliable source, hindi accurate ang figures, pero tama ang ranking.
Ayon sa nakuhang box-office results ng aming source, hindi ganoon kataas ang box-office figures ngayong taon kung ikukumpara sa nakaraang MMFF.
Kaya ang ipinadalang figures sa amin ay ni-round off na.
Read: The 51st MMFF Gabi ng Parangal ushers in a new era for Philippine cinema
MMFF 2025 BOX-OFFICE SALES
Ang nakuha ng PEP Troika ay ang kita nito mula December 25, 2025 hanggang January 6, 2026.
January 7 ang huling araw ng filmfest, at hindi naman daw ganun kalaki ang idinagdag. Na-extend pa ang ilang pelikula hanggang sa January 14.
As of January 6, kumita raw ang Call Me Mother ng PHP312M.
Sumunod ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins na may PHP105M, at ang UnMarry ay may PHP48M.
Pang-apat ang Bar Boys: After School na naka-PHP46M; at halos nagkadikit ang Love You So Bad na PHP22M at ang I’mPerfect na PHP21M.
Ang Manila’s Finest ay PHP17M daw, at panghuli ang Rekonek na naka-PHP3M lamang umano.
Hindi official figures ang mga ito.
Ang MMFF lang ang puwedeng maglabas ng official gross at ranking ng walong pelikulang kalahok.
MMFF 2025 ANALYSIS
Ang daming opinyon ang nababasa natin sa social media tungkol sa di magandang performance sa takilya ng MMFF 2025.
May ilang producers kaming nakakausap na nalulungkot sa resulta.
Ang isa sa tingin nilang dahilan ay iilan lamang ang genre ang nakapasok. Iyong topgrosser na Call Me Mother ni Vice Ganda ay comedy ang genre, ngunit usap-usapang nakakaiyak ito.
Karamihan ay drama at walang pambata, action, at comedy. Nagpaluha rin sa mga manonood ang Unmarry at Bar Boys: After School.
PRODUCER'S OPINION
Sabi ng producer ng Mavx Productions na si Mr. Erwin "Lucky" Blanco, sana raw sa susunod na MMFF ay mas maraming pagpipilian.
“Ako as an audience, ha? For eight years of watching all the movies, ang napansin ko last year and this year, talagang feeling ko, wala lang yung pagka-festive.
"To think Christmas, masaya dapat, ang dami na ngang problema. So, parang nangyayari kasi, pag nanonood ako ng MMFF, again last year and this year, ang bigat-bigat sa pakiramdam, kasi lahat drama. Parang ganun," pakli ni Lucky.

Sana sa susunod daw ay mas maraming pagpipiliang klase ng pelikula.
Aniya: “Baka kailangan gawin pa nating diverse yung choices? Baka dapat may certain number lang na drama, may certain number lang na comedy, action or sana diverse.
"Para, halimbawa ngayon, parang feeling ko mahirap kuhanin ang mga tatay. Kasi, hindi sasama sa mga anak, sa asawa, kasi puro drama, di ba? Parang ganun!
"Ang mga bata din, walang pambata. Sana yung selection, yung kumpleto, may action, may pambata, may drama, may comedy, may adventure kung kaya.
"Pero sana at least, huwag bumaba sa limang genre that cater to everybody."
Sabi pa ni Lucky, marami pa rin daw silang mga producers ang gustong sumali sa susunod na MMFF. Ngayon pa lang ay umaasa silang mas maganda na ang pagpili ng mga pelikulang kalahok.
Ang naisip lang daw niya ay sana finished films na ang pagpipilian ng selection committee.
Napapansin naman natin sa ilang taon ng MMFF, karamihang matitino at nagkaka-award na entry ay napili sa finished films.
Ani Lucky, "Let’s make an effort sana na ano, mabago yung selection. Saka siguro ano na rin, para ma-filter natin nang maayos yung pelikula. Baka dapat finished film na lahat. Para makita talaga natin yung ganda."
Posible kaya ito? Papayag kaya ang mga malalaking film production?
"Yung script kasi alam mo, interpretation yan, e, di ba? And from insider, alam naman natin, yung script naman, hindi naman script ang binabasa, artista, di ba?
"Saka marami naman tayong na-experience na maganda yung script pero pangit yung pelikula. And vice versa, pangit yung script biglang ang ganda sa pelikula.
"Since festival naman siya, anuhin na natin. Yung parang panoorin na muna natin lahat. And it will be easier also for the jury to decide, kasi napanood natin lahat. Mas close yung interpretation natin."
Tuloy pa rin daw ang producer gaya niya sa paggawa ng pelikula, at marami pa silang naka-line up.
Ang first movie ng Mavx na ipalalabas ngayong 2026 ay ang The Lotto Winner, tampok sina Albert Martinez, Kylie Padilla at Sienna Stevens.
Kinunan ang mahahalagang eksena ng pelikula sa Canberra, Australia. Sa February 18 na ang showing nito sa mga sinehan.

Read: Marian Rivera says “power couple” blind item not her and Dingdong
NOEL FERRER
Nasa Dubai, U.A.E. pa ang karamihan ng kasamahan namin sa MMFF dahil may konsyerto pasa sa mga manonood bilang dagdag na promo rin sa mga pelikulang ipalalabas.
Pagkatapos nito, may Hong Kong leg din na pinagpaplanuhan.
Kailangan talagang mas higit pang hikayatin ang mga kababayan natin para manood ng sine sa sinehan.
Hintayin natin ang magiging opisyal na box-office gross ng mga pelikula sa katapusan nito next week.
Sino ba ang hindi magkakagustong magkaroon ng masayang pambatang entry? Kaso mo, nakadepende rin lang kami sa isinumiteng mga pelikula.
Dahil sa madalas na pag-ulan at cancellation ng work, e, napakahirap talaga ng kondisyon para mag-shooting. Limitado ang pagpipilian.
Sana this coming year, maaga pa lang, planuhin at simulan nang gumawa ng magandang pambatang pelikula at yung mga entries na susuportahan talaga ng mga kababayan natin.
Sana, sana talaga!
Read: Rica Peralejo says allegation that she steals tithes is unfounded
JERRY OLEA
Kung hindi ako nagkakamali, dati ay finished films ang pinagpipilian ng MMFF Selection Committee.
May dahilan kaya naging two batches ang pagpili—ang unang batch ay base sa script, at ang pangalawa ay base sa finished films.
Sinubukan din noon na may mauunang ipalabas by December 25, at iyong iba ay by New Year.
Nakalimang dekada na ang MMFF, at maraming pagbabago sa viewing habits ng mga Pilipino.
Dati ay hindi pa uso ang internet, cellphones at tablets. Lumaganap ang pandemya umpisa 2020. Nasanay ang mga tao sa panonood sa streaming platforms gaya ng Netflix, Amazon Prime Video, HBO Max, Disney+, at iba pa.
Nagmahal ang bilihin. May inflation. Mas hirap ang ekonomiya ng bansa.
TOPGROSSING FILMS OF 2025
As we write this, ayon sa Box Office Mojo, ang Top 15 na pinakamalalakas na movies worldwide ay ang mga sumusunod: Ne Zha 2 ($2.26B), Zootopia 2 ($1.59B), Avatar: Fire and Ash ($1.10B), Lilo & Stitch ($1.04B), at A Minecraft Movie ($958M).
Kasama rin ang Jurassic World: Rebirth ($869M), Demon Slayer: Kimetsu no Yaiba Infinity Castle ($724M), How to Train Your Dragon ($636M), F1: The Movie ($632M), Superman ($617M), at Mission: Impossible - The Final Reckoning ($599M).
Top-grosser din ang The Fantastic Four: First Steps ($522M), Wicked: For Good ($521M), Detective Chinatown 1900 ($500M), at The Conjuring: Last Rites ($495M).
Noong Nobyembre 2025 ipinalabas sa local cinemas ang Meet, Greet & Bye, Wicked: For Good, at Zootopia 2.
Disyembre naman umarangkada ang Avatar: Fire and Ash, na patuloy na namamayagpag sa takilya ng iba’t ibang bansa.
Madrama na iyong Meet, Greet & Bye na umariba sa box-office, tapos more and more ang mga kadramahan sa 51st Metro Manila Film Festival.
Hindi kasalanan ng MMFF Screening Committee na walang kaabang-abang na fantasy movie, o aksyon, na isinumite sa kanila.
May ibang mga horror movie na isinumite, ngunit malayo ang kalidad ng mga iyon sa Shake, Rattle & Roll: Evil Origins.
Nagwaging best actor si Vice Ganda para sa Call Me Mother, na sinasabing best film ever ng Unkabogable Star.
Pero baka iyong Call Me Mother din, na bagamat topgrosser ng 51st MMFF, ang siya ring pinakamahinang movie na pinagbidahan ni Vice Ganda. You can’t have it all, ikanga.
Sa Disyembre 2026 ay magpapayanig sa takilya ang Avengers: Doomsday, kunsaan tampok si Robert Downey Jr. bilang Victor von Doom/Doctor Doom.
Andiyan din ang characters nina Thor, Invisible Woman, Captain America, Winter Soldier, Black Panther, at Ant-Man.
Idagdag pa sina The Thing, Xu Shang-Chi, Beast, Sentry, Falcon, Red Guardian, Yelena Belova, Human Torch, at Ghost.
Kasama rin sa aabangan sa cast sina Loki, Professor X, Magneto, Nightcrawler, Mystique, Cyclops, Gambit, at Mister Fantastic.
Makakaapekto kaya ang Avengers: Doomsday sa 52nd MMFF?
Related Stories:
- REVIEW: I’mPerfect, a movie with a massive heart
- REVIEW: Manila's Finest is visceral and deeply affecting
- REVIEW: Rekonek is a pretty fun ride
- REVIEW: Bar Boys: After School is a reunion worth attending
- REVIEW: Love You So Bad, a solid rom-com and not just fan service
- REVIEW: UnMarry is mature, sensitive look at the end of love
- REVIEW: Call Me Mother is Vice Ganda at his best
- REVIEW: Shake, Rattle & Roll: Evil Origins crackles with life and scares
