GORGY RULA:
Exciting ang mga bagong programang in-announce ng GMA-7 sa kanilang countdown noong bago mag-bagong taon.
Kaabang-abang itong pagbabalik-drama at action ni Dingdong Dantes sa The Master Cutter.
May hiwalay na team daw ito para lang sa mga gagawin niyang action scenes, at iba rin ang sa drama. Talagang ginastusan!
Curious din kami dito sa mga PBB housemates na bibida sa The Secrets of Hotel 88. Malakas ang following sa karamihan sa kanila, kaya tingnan natin kung aalagwa ang ratings.
Nagbabalik naman si Raymart Santiago sa Never Say Die, at dito rin susubukan ang tambalang Jillian Ward at David Licauco.
Magbabalik sa drama series si Alden Richards via Code Gray, at mag-aaksyon pa rin si Ruru Madrid sa Hari ng Tondo.
May ilan pang napagtanungan ng PEP Troika. Maraming drama series ang naka-line-up sa GMA-7 dahil mabilis daw ngayon ang pagpapalit-palit nito.

Mas tinututukan at toprater talaga ang nasa afternoon prime ng GMA-7 kaya mas pinatindi nila ang naka-line up na mga drama series, kagaya ng Apoy sa Dugo at House of Lies.

Hindi pa malinaw kung panghapon din ba o sa primetime ang musical drama na Born to Shine na pagbibidahan nina Zephanie at Michael Sager.
Pagdating sa musical shows, steady pa rin daw ang All-Out Sundays kahit gegewang-gewang ang ratings. Kailangan talaga ng malalakas na Kapuso artists na popronta rito.
Nandiyan pa rin ang seasonal shows na The Voice at The Clash dahil consistent na nagre-rate ang mga ito.
Pagdating sa comedy shows nila, going strong pa rin daw ang long-running shows nilang Bubble Gang at Pepito Manaloto.
In-announce na rin nila ang malaking pagbabago ng The Boobay and Tekla Show.
Bagong format nga raw ito na sinabi nga ni Boobay na sila raw mismo ang pupunta sa mga tao. Maganda ang rapport nina Boobay at Super Tekla.
Magaling sila makipag-ugnayan sa mga tao, kaya puwedeng mag-ikut-ikot sila sa mga bara-barangay at probinsya.
Iyan ang ating aabangan sa bagong TBATS! May nasagap din kaming posibleng may mababago raw sa lunchtime programming.
Totoo bang papalitan na ang TiktoClock? Totoo bang wala pang katiyakan ang renewal ng It’s Showtime sa GMA-7?
Ano kaya ang ipapalit sa dalawang programang ito kung sakali? Waley na rin daw si Camille Prats sa TiktoClock dahil magbabakasyon na raw muna siya.
Si Camille dapat ang kapalit kay Pokwang na hindi na-renew ang kontrata, pero mukhang ayaw na rin daw ng aktres na tumuloy sa programang ito. Ilan lamang ito sa mga pagbabagong abangan natin sa taong 2026.
Read: Kathryn, nagulat sa pagiging co-producer ni Mommy Min ng UnMarry
NOEL FERRER:
May isa pang bagong game show na binanggit sa mga bagong aabangan sa Kapuso Network, itong The People Have Spoken na wala pang ina-announce kung sino ang magho-host.
Medyo nagkakaideya kami sa format nitong bagong game show, at agree ang lahat na swak na swak dito si Michael Sager.
Pawang positive feedbacks ang hosting job ni Michael sa 51st Metro Manila Film Festival, mula sa mga premiere nights hanggang sa itinuloy na siya sa Gabi ng Parangal.
Kaya tama namang mabigyan siya ng hosting job. Kaya lang si Michael na rin ang lead actor sa Born To Shine katambal si Zephanie. Kakayanin pa kaya ni Michael ang isa pang show na siya mismo ang magho-host?

Marami ang nagtatanong kung ano ba ang format nitong The People Have Spoken.
Kasinsaya rin kaya ito ng Celebrity Bluff dati ni Eugene Domingo?
Pang-masa raw ito kaya bagay ding mag-co-host si Paolo Contis o ipasok na nila si Pokwang na bagay makipagbalahuraan sa mga tao.
Read: MMFF 2025 Gabi ng Parangal: Full list of winners
JERRY OLEA:
Bagong taon, bagong programming! Simula ngayong Enero 2, 2026, Biyernes, wala na sa Kapatid Network ang FPJ’s Batang Quiapo, Roja, at What Lies Beneath.
ABS-CBN SHOWS ON ALLTV
Ang Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS), na nagmamay-ari at nagpapatakbo ng ALLTV, ay nakakuha ng lisensya mula sa ABS-CBN para maipalabas ang Kapamilya Channel sa ALLTV simula ngayong Biyernes.
Mapapanood ang FPJ’s Batang Quiapo ni Coco Martin Lunes hanggang Biyernes, 8:00 P.M. sa ALLTV2, Kapamilya Online Live, at A2Z.
Mapapanood din ito sa iWant at TFC.
Ang Roja nina Donny Pangilinan at Kyle Echarri, palabas kung weeknights ng 8:45 P.M. sa ALLTV2, Kapamilya Online Live, at A2Z. Mapapanood din ito sa iWant at Netflix.
Ang What Lies Beneath naman ay nasa 9:30 P.M. slot ng ALLTV2, Kapamilya Online Live, at A2Z.
TV5 PROGRAMMING
Sa TV5, umpisa ngayong Biyernes ay nasa 8:00 P.M. slot na ang Totoy Bato nina Kiko Estrada at Diego Loyzaga.
Nasa 8:45-10:45 P.M. naman ang Cine Cinco Primetime, na ang unang handog ay ang pelikulang GomBurza nina Cedrick Juan, Dante Rivero, at Enchong Dee.
Naka-line up na rin sa Cine Cinco Primetime ang mga pelikulang Penduko ni Matteo Guidicelli, Babae at Baril ni Janine Gutierrez, Maledicto ni Tom Rodriguez, Hindi Tayo Puwede nina Lovi Poe at Marco Gumabao, at Confidential Assignment 2.

Marami pa tayong aabangang programa sa Kapatid Network, sa pangunguna ng romance thriller na A Secret in Prague starring Enrique Gil and Andrea Brillantes.
Andiyan din ang My Bespren Emman nina JM de Guzman at Shaina Magdayao, The Good Doctor ni Iñigo Pascual, at epic saga na The Kingdom: Magkabilang Mundo starring Piolo Pascual, Sue Ramirez, Ryza Cenon, at ang mag-ex na sina Derek Ramsay at Cristine Reyes.
Read: PEP Troika’s Choice: Most Noteworthy Films of 2025

Dalawa ang TV project ni Dylan Menor! Una, ang mystery and suspense series na Project Loki with Marco Gallo and Jayda Avanzado.
Pangalawa, Magic Boys with Joao Constancia, Kych Minemoto, and Baileys Acot.
Ni-revive ng Singko ang Artista Academy, na iho-host nina Julia Barretto at Xian Lim.
Meron din silang dance competition na Isayaw Mo.
Ngayong Enero ang TV comeback ni Willie Revillame sa Wilyonaryo, na milyun-milyon daw ang ipamumudmod. Harinawang huwag itong maging “Sermonaryo”!!!

