GORGY RULA
Natupad ang pangarap ni Eman Bacosa Pacquiao na makita at makilala ang "crush" niyang si Jillian Ward.
Nangyari ito sa premiere night ng pelikulang KMJS’ Gabi Ng Lagim The Movie na ginanap sa Cinema 6 ng TriNoMa Mall noong Lunes, November 24, 2025.
Maagang dumating si Eman kasama ang ilang taga-Sparkle at nagtiyaga siyang maghintay sa pagdating ni Jillian.
Nakatayo si Eman sa may entrance ng sinehan na animo’y bahagi ng welcome committee na sumasalubong sa iba pang bisitang dumarating.
Si Jillian ang bida sa "Sanib" episode ng KMJS’ Gabi Ng Lagim The Movie na idinirek ni King Mark Baco.
Read: Anak ni Manny Pacquiao, panalo sa Thrilla in Manila 2
JILLIAN-EMAN FIRST MEETING
Nang in-announce ang pagdating ni Jillian sa black carpet, kitang-kita sa mukha ni Eman ang sobrang tuwa.
Sobrang nagulat naman si Jillian nang nakita si Eman na umakyat ng stage.
“Hindi ko talaga alam!” bulalas ni Jillian.
Hindi napigilan ni Eman na yumakap nang makita si Jillian. Tatlong beses yata siyang yumakap.
Pagbaba nila ng stage, hinarang namin si Eman para interbyuhin sandali, yumakap ito ulit at natawa na lang si Jillian.
“Na-starstruck lang ako sa kanya,” pakli ni Eman.
“Ang ganda po pala talaga niya. Sobrang ganda! Wala po akong words na masabi. Na-starstruck po talaga ako.”
Read: Eman Pacquiao opens up about being acknowledged by Manny

NOEL FERRER
Nang in-interview ni Boy Abunda si Eman Bacosa sa Fast Talk With Boy Abunda, sinabi niyang nasa Level 5 (out of 10) ang interes niyang ligawan si Jillian Ward.
Ngayon ay nasa 7 na raw.
Pati ang mommy ni Jillian ay kinikilig.
“Kinikilig ako sa kanila, pero ang anak ko naman ang magde-decide niyan. Kinikilig lang ako!” natatawang pakli ni Mommy Jennifer Ward.
BOXING FIRST FOR EMAN
Paglilinaw ni Eman, magpo-focus muna siya sa trabaho, lalo na ngayong pinasok na niya ang pag-aartista.
“Actually, ipinag-pray ko po yun bago po ako pumasok dito, kami po ng family ko.
"Nag-pray po kami bago kami pumayag sa ganyan po,” tugon ni Eman nang tinanong bakit siya pumayag na pasukin ang showbiz.
Pero hindi pa rin daw niya iiwan ang boxing. Ipa-proritize daw niya ito kapag may laban siya.
“Hindi naman po, kasi mina-manage naman po namin yung oras, lalo na pag may fight ako. Hindi po ako available sa mga ganyan,” sabi ni Eman.
Hindi pala naipaalam ni Eman sa kanyang amang si Manny Pacquiao na mag-aartista siya at tatanggapin ang alok ng Sparkle.
Sinabi rin niyang "Eman Bacosa" ang gagamitin niyang screen name bilang pagbibigay-pugay sa kanyang ina.
Read: Anak ni Manny na si Eman Bacosa, binansagang "Piolo Pacquiao"
KMJS INTERVIEW
Samantala, hiningan din ng reaksiyon si Eman sa komento ng netizens pagkatapos ng interview sa kanya sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS).
Ang simple lang kasi ng bahay ni Eman, at bakit hindi man lang daw ito nabigyan ni Manny Pacquiao ng maayos na tirahan.
Ipinagkibit-balikat na lamang ito ng batang boksingero. Hindi na lang daw niya ito pinapansin, dahil lahat na lang daw merong masasabi.
“Wala naman ako masyadong iniisip tungkol sa bagay na yun, kasi lagi namang may nasasabi ang ibang tao, e.
“So, yun… sa mga nagsasabi ng mga negative things, huwag niyo na po yun masyadong ano, pakialaman.
“Kasi, about me and my dad ano, okay naman po kami.
"Kasi kahit anong explain sa mga tao, meron naman pong iba against dun. May iba silang mundo,” saad ni Eman.
Read: Eman Pacquiao opens up about being acknowledged by Manny
JERRY OLEA
Suportado ng Kapuso stars ang premiere night ng KMJS' Gabi Ng Lagim The Movie.
Bukod sa mga bida ng pelikula na sina Miguel Tanfelix, Sanya Lopez, Rocco Nacino, Jon Lucas, Joel Saracho, Eva Darren, at Jillian Ward, dumating din ang ibang Kapuso stars para suportahan ito.
Nandoon sina Dingdong Dantes, Barbie Forteza, Ricky Lee, Arra San Agustin, at Ysabel Ortega para sumuporta na rin sa nobyong si Miguel.

Ang Gabi ng Lagim ang pangalawang film production ng KMJS.
Ang una nilang ginawa ay ang Lost Sabungeros, pero hindi iyon nabigyan ng chance na ma-release sa mga sinehan.
Sabi ni Jessica Soho, idea ng production team ng KMJS itong Gabi ng Lagim dahil ang dami nilang na-feature na mga kuwentong kababalaghan at malakas daw ito sa mga manonood.
Bakit hindi rin nila isapelikula ang mga kuwentong drama na na-feature ng KMJS, kagaya ng mga nagpalit na anak, at mga matagal nang hindi nagtagpo na mag-ina?
“Malay natin in the future,” nakangiting sabi ni Jessica.
Kapag maganda ang resulta nitong Gabi Ng Lagim, maaring masundan pa ito ng mga magagandang kuwentong na-feature ng news magazine show ni Jessica.
Ipalalabas na ang KMJS' Gabi ng Lagim sa mga sinehan umpisa November 26, Miyerkules.
Kasabay nito ang showing ng Salvageland nina Richard Gomez, Elijah Canlas, at Mon Confiado; ganoon din ng foreign films na Zootopia 2, The Ghost Village, Keeper, at Tharae The Exorcist.
Read: Ellen Adarna reveals why she exposed Derek Ramsay’s alleged cheating and abusive behavior
