GORGY RULA
Mataas ang rating ng pilot episode ng Encantadia Chronicles: Sang’gre noong Lunes, June 16, 2025.
Naka-13.7% ito, at tinalo ang katapat nitong FPJ’s Batang Quiapo na naka-12.9%.
Aggregated ratings ito, pero kahit sa single rating ay panalo pa rin ang Sang’gre.
Sa NUTAM People’s Rating ay naka-11.4% ito sa GMA 7, at 2.2% sa GTV.
Ang FPJ’s Batang Quiapo ay naka-6.9% sa TV5, 3.9% sa A2Z, at 2.1% sa Kapamilya Channel.
Sa tatlong istasyon umeere ang teleserye ni Coco Martin, at dalawa naman ang sa Sang’gre.

Tumaas din ang kasunod ng Sang'gre na Mga Batang Riles, na naka-8.5%, habang ang katapat nitong Incognito ay 8.3%.
Sumunod ang Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition na naka-3.9%, at 5% naman ang Saving Grace.
JUNE 17 AND 18 RATINGS
Noong Martes, June 17, bumawi agad ang Batang Quiapo sa ratings.
Naka-13.3% ito, at 12.1% naman ang Sang’gre.
Pero kung single channel, mas mataas ang Sang’gre na naka-10% sa GMA-7, habang ang Batang Quiapo ay naka-7.2% sa TV5.
Bumaba rin ang Mga Batang Riles na naka-7.9%, at 8.4% naman ang Incognito.
Noong Miyerkules, June 18, ay wagi pa rin ang Batang Quiapo na nakapagtala ng 13.3% rating, at 11.4% naman ang Sang’gre.
Pero sa single channel ay 9.4% ang Sang’gre sa GMA 7, at 7.1% ang Batang Quiapo sa TV5.
Bukas, June 20, na ang finale episode ng Mga Batang Riles, pero bumaba ang rating nito noong Miyerkules.
Naka-7.9% ito, at ang katapat na Incognito ay 8.4% uli.
Ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab ay 3.8%, at 4.7% naman ang Saving Grace.
NOEL FERRER
Patuloy naman ang pamamayagpag ng afternoon drama ng GMA-7.
Hanggang sa Biyernes, June 20, na lang ang Prinsesa ng City Jail, at papalitan na ito ng My Father’s Wife.
Consistent na mataas ang Prinsesa ng City Jail, lalo na’t patapos na ito.
Noong Lunes, June 16, ay naka-7.5% ang Prinsesa ng City Jail.
Ang Mommy Dearest ay 7.5%, at ang Binibining Marikit ay 6.8%.
Sumunod ang Fast Talk with Boy Abunda na 4.5%, at ang Red Balloon ay 2.5%.
Ang Family Feud naman ay 7.3%.
Noong Martes, June 17, ay medyo bumaba ang viewership.
Naka-6.8% ang Prinsesa ng City Jail.
Ang Mommy Dearest ay 6.5%, at ang Binibining Marikit ay 6.2%.
Sumunod ang Fast Talk With Boy Abunda na naka-4.8%, at ang Red Balloon ay 3.3%.
Ang Family Feud naman ay 8.5%.
Pagdating ng Miyerkules, June 18, ay tumaas ang ratings ng Kapuso afternoon dramas.
Ang Prinsesa ng City Jail ay 7.4%, at ang Mommy Dearest ay 7.6%.
Ang Binibining Marikit ay 6.7%, at ang Fast Talk with Boy Abunda ay 4.6%.
Sumunod ang Red Balloon na 3%, at ang Family Feud ay 7.5%.
Tingnan natin bukas sa finale ng Prinsesa ng City Jail kung ito ang mangunguna sa afternoon slot.
JERRY OLEA
Wagi ang pilot episode ng Encantadia Chronicles: Sang’gre noong Lunes, pero “encantalo” na ang aggregated ratings nito sa kasunod na dalawang araw.
Patuloy ang mga payanig ng FPJ’s Batang Quiapo, kaya good luck na lang sa mga bagong Sang’gre.
BATANG QUIAPO IN KENYA
Siyangapala, excited na sina Coco Martin at Julia Montes na makasalamuha ang mga Kapamilya sa Kenya para sa isang bigating meet-and-greet event upang personal na magpasalamat sa kanila sa panonood ng mga programa ng ABS-CBN.
Natutuwa at nagpapasalamat sina Coco at Julia na mapabilang sa makasaysayang event na “Kapamilya Live in Kenya” sa Hunyo 28 sa Nairobi Cinema.
Ito ang unang pagkakataong dadalhin ng ABS-CBN ang kanilang mga artista sa Africa.

Bukod sa iba’t ibang performances mula kina Coco at Julia, marami pang inihandang sorpresa ang ABS-CBN para sa “Kapamilya Live in Kenya” bilang pasasalamat sa pagsubaybay ng mga taga-Africa sa mga Kapamilya teleserye tulad ng Walang Hanggan (My Eternal), Doble Kara, FPJ’s Ang Probinsyano (Brothers), at marami pang iba.
Patuloy ang pag-arangkada sa Africa ng mga programa ng CocoJul dahil napapanood pa rin sa StarTimes channel ang action-drama serye ni Coco na FPJ’s Batang Quiapo (Gangs of Manila), habang ipapalabas ulit sa Hulyo ang romantic drama na Walang Hanggan (My Eternal) ng CocoJul, at ngayong Setyembre ang heavy drama na Saving Grace ni Julia.
Nakipag-partner ang ABS-CBN sa StarTimes, ang nangungunang digital TV operator sa Africa, at sa KTN, isa sa sikat na TV stations ng Kenya, para sa news coverage ng “Kapamilya Live in Kenya.”
Mahigit dalawang dekada nang umeere sa iba’t ibang bansa sa Africa ang mga programa ng ABS-CBN.
