JERRY OLEA
Naghimutok si Fifth Solomon Pagotan kaugnay sa pelikulang Lasting Moments starring Sue Ramirez at JM de Guzman.
Idinirek niya ang nasabing pelikula na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Miyerkules, Hunyo 4, 2025.
Read: Paolo Contis, tanggap ang limited theaters ng ConMom
FOREIGN FILMS OVER LOCAL MOVIES
Post ni Fifth sa Facebook at Instagram ngayong Hunyo 1, Linggo ng gabi (published as is): “NAKAKALUNGKOT NA LAGAY NG PELIKULANG PILIPINO SA SARILING BAYAN!!
“Papunta na tayo sa playdate ng pelikula kong Lasting Moments (June 4 Wednesday), kaya nagbigay na ng update ang aming distributor.
“Sabi nila, hirap daw kaming makapasok sa mga sinehan. Iilan pa lang ang pumayag na ipalabas kami.
“Ang dahilan? Mas pinaprioritize daw ng mga sinehan at malls ang mga pelikulang banyaga.
“Masakit at nakakalungkot isipin. Tila nanlilimos pa ang mga Pilipinong filmmaker sa sarili nilang bayan, para lang maipalabas ang sariling atin.
“Oo, siguro nga mas tinatao at mas pinipili ng mga manonood ang foreign films. Oo, mas kumikita siguro ang malls at sinehan sa mga banyaga. Pero kailan natin uunahin ang atin?
“Nasaan ang suporta? Nasaan ang konkretong aksyon ng ating gobyerno, ng mga mambabatas, ng Film Development Council of the Philippines?
“Bago tayo tumakbo at magparada ng festival sa ibang bansa, baka kailangan muna nating ayusin ang bulok na sistema rito.
“Tandaan natin: ang sining gaya ng pelikula ay repleksyon ng kultura ng isang bansa.
“Tingnan natin ang industriya ng Korean entertainment — may sapat na suporta at pondo mula sa kanilang gobyerno.
“Dahil dito, kahit hindi Ingles ang kanilang pangunahing wika, naipalaganap nila ang kanilang kultura sa buong mundo.
“Ngayon, kilala na ng iba’t ibang lahi ang mga Koreanong pelikula, TV series, fashion, make-up, beauty products, pagkain, at turismo.
“Paano ba natin mahihikayat ulit ang mga Pilipino na manood ng pelikulang Pilipino sa sinehan?
“Tama ba na 50-50 ang hatian ng kita ng sinehan at producer?
“Tama ba na may 10% amusement tax at 12% VAT pa sa bawat ticket na kinikita ng pelikula?
“Sa panahon ng streaming, may laban pa ba ang pelikulang Pilipino sa sinehan?
“Ngayong June 4, 2025, inaanyayahan ko po kayo na panoorin ang Lasting Moments sa mga sinehan. Magbaon kayo ng tissue — at ng pagmamahal para sa sariling atin.
“Kung nais ninyong mapanood ang aming pelikula, Lasting Moments, sa sinehan, mangyaring tumawag sa pinakamalapit na sinehan at hilinging ipalabas ito.
“Maari rin kayong mag-post at i-tag kami upang maiparating ang inyong suporta. SM Makati SM City Dasmariñas Robinsons Antipolo Robinsons Malls Ayala Malls Market Market Ayala Malls Manila Bay Ayala Malls Vertis North Ayala Malls Ayala Malls Feliz Ayala Malls Greenbelt Power Plant Mall SM Malls Online SM Mall of Asia Official SM Cinema”
Nasa cast din ng Lasting Moments sina Victor Silayan, Ge Villamil, Tommy Alejandrino, Kych Minemoto, at Wendy Villacorta.
Read: FDCP Chair Joey Reyes gets real about state of Philippine cinema

NOEL FERRER
Nagbukas noong Mayo 7, 2025, Miyerkules, sa local cinemas ang mga pelikulang The Last Goodbye nina Matt Lozano at Daniela Stranner, at In Between nina Diego Loyzaga at Sue Ramirez.
Limang foreign films ang kasabay ng mga ito — Rosario, Shadow Force, Black Bag na exclusive sa Ayala Malls cinemas; Creation of the Gods: Demon Force na exclusive sa SM cinemas; at ang Tagalized version ng South Korean film na Picnic.
Ipinalabas ang The Last Goodbye sa 54 sinehan — 20 sa Luzon, 11 sa VisMin, at 23 sa Metro Manila.
Umabot sa 116 ang mga sinehan ng In Between.

Noong Mayo 14, Miyerkules, nag-open sa local cinemas ang Final Destination: Bloodlines, at Towards The Light: Will To Power na exclusive sa SM cinemas.
Nag-rewind sa Ayala Malls cinemas noong Mayo 14-18 ang lumang Pinoy movies na Hiling at Magic Temple.
Mayo 17, Sabado, nag-open ang Mission: Impossible -- The Final Reckoning starring Tom Cruise. Ito ang ikawalo at final installment ng M:I film series.

Mayo 21, Miyerkules, nag-open ang ConMom nina Kaye Abad, Paolo Contis, Patrick Garcia, at Empoy Marquez sa 35 sinehan — 9 sa Luzon, 9 din sa VisMin, at 17 sa Metro Manila.
Nakipagsabayan ito sa live-action animated remake na Lilo & Stitch.
Nag-showing din noon ang Daniela Forever, samantalang nag-special screening sa dalawang sinehan sa Gateway mall, Cubao, Quezon City ang tribute film na Faney.

Kokonti rin lang mga sinehang naibigay sa Isang Komedya sa Langit nang mag-open ito sa mga sinehan noong Mayo 28, Miyerkules.
Kasabay nitong nag-showing ang Karate Kid: Legends, Nintama Rantaro: Invincible Master of the Dokutake Ninja, at You Shall Not Sleep Tonight.

Yung Lasting Moments nina Sue Ramirez at JM de Guzman ay Mayo 21 ang original playdate, bago nalipat sa Hunyo 4.
Makikipagbakbakan ito sa Miyerkules sa John Wick: Ballerina, ganoon din sa Dan Da Dan: Evil Eye at Holy Night: Demon Hunters.
Sa Hunyo 11 na magpapayanig ang live-action animated remake na How to Train Your Dragon, at makikipagbardagulan dito ang Only We Know nina Charo Santos at Dingdong Dantes.
Pare-parehong blockbuster worldwide ang Lilo & Stitch, Mission: Impossible -- The Final Reckoning, at Final Destination: Bloodlines.
Read: MMFF 2024: Tatlo o apat na pelikula lang ang kumita sa box office
TOP 10 MOVIES OF 2025
Sa kasalukuyang Top 10 ng pinakamalaking worldwide gross ay pasok ang tatlong pelikulang ito.
Ayon sa Box Office Mojo, as of June 1, ang Top 10 movies na pinakamalaki ang hinamig worldwide this year ay ang mga sumusunod:
- Ne Zha 2, $1.899B
- A Minecraft Movie, $944M
- Lilo & Stitch, $469M
- Captain America: Brave New World, $415M
- Thunderbolts, $361M
- Sinners, $346M
- Mission: Impossible — The Final Reckoning, $239M
- Final Destination: Bloodlines, $214M
- Snow White, $205M 1
- Dog Man, $145M
Mababago pa ang figures at ranking ng mga iyan.
Kaso-showing pa lang ng Lilo & Stitch, Mission: Impossible -- The Final Reckoning, at Final Destination: Bloodlines compared sa ibang nasa Top 10.
Inaasahan ding magpapakitang-gilas ang mga coming soon na John Wick: Ballerina, How To Train Your Dragon, Jurassic World Rebirth, at Superman.
Aba! Abang-abang ang mga Pinoy sa bagong Superman.
Ini-announce ng Warner Bros. Pictures na ang world promo tour ng Superman ay mag-uumpisa sa Hunyo 19 sa Manila.

Bukas, Hunyo 2, Lunes, ang premiere night sa SM Megamall ng Lasting Moments nina Sue at JM.
Sa Hunyo 18 ay showing ang isa pang pelikula ni Sue, yung Flower Girl.
Read: Direk Joey Reyes urges Pinoy filmmakers to "think globally"
GORGY RULA
Hindi na bago ang hanash ni Direk Fifth Solomon.
Pero ang sagot ng ibang sumusubaybay sa pelikulang Pilipino, sana’y gandahan naman ang mga pelikuang gawa natin para panoorin ito ng taumbayan.
Ang mahal pa naman ng sine ngayon, kaya naninigurado ang mga tao na gusto talaga nila ang papanoorin sa sinehan.
Hindi biro ang maglabas ka ng PHP300 to PHP400 na presyo ng ticket sa sinehan.
Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin ng ating gobyerno para magpursige ang filmmakers na gumawa ng matinong pelikula.
Kasi sa telebisyon naman, nakikita ang mga dekalidad na programa na talagang ginagastusan ng TV network, kaya pinapanood ang mga ito at sinusubaybayan.
Ito ang dahilan kaya karamihan sa producers ay umaasa sa Netflix para kahit paano ay nakakabawi sila.
Ang iba naman ay doble effort sa pagbebenta ng pelikula nila sa ibang bansa, at okay naman daw ang bentahan.
Sana, may magawa ang ating gobyerno na mailako ang mga magaganda nating pelikula sa ibang bansa.
Dito naman sa atin ay nakasanayan na ng mga tao na tuwing Metro Manila Film Festival (MMFF) lamang sila manonood ng mga pelikulang lokal, dahil walang foreign films na kasabay.
Tingnan natin ang mga MMFF entries na mapipili para ngayong taon.
Noong Lunes, Mayo 26, lang ang deadline ng submission ng script.
At napag-alamang 23 scripts ang na-submit, at ang ilan sa mga ito ay pagbibidahan ng sikat na mga artistang nakasali rin last year.
Sana, bago naman ang mapapanood sa kanila, at maganda talaga ang material.
Read: MMFF 2024: Tatlo o apat na pelikula lang ang kumita sa box office
