GORGY RULA
Hindi napigilang magmura ng talent manager na si Lito de Guzman dahil sa galit nang nakapanayam namin sa aming radio program sa DZRH noong Miyerkules, May 14, 2025.
Noong araw kasing iyon ay nagparamdam na sa wakas ang kanyang alaga at VMX sey star na si Karen Lopez, na walong araw "nawala" nang walang pasabi.
Dahil sa "pagkawala" ni Karen ay nag-alala nang husto si Lito, at umabot pa sa puntong naabala pati ang kapulisan dahil sa paghahanap at pag-iimbestiga.
Read: VMX star Karen Lopez, pinangangambahang nawawala
Yun pala, umalis si Karen kasama ang boyfriend nang walang pasabi. In-off din ng sexy star ang kanyang cellphone at nag-deactivate ng social media account.
Himutok ni Lito: “Tanungin kita. Mag-deactivate ka ng Facebook account mo, Instagram mo, Messenger mo, hindi ka na ma-reach for eight days, sinong hindi mag-aalala, di ba?
“Nawala siya ng May 5. Sinundo siya ng di malaman kung boyfriend o Angkas o... basta sinundo siya sa condo.”
KAREN LOPEZ RESURFACES
Noong Miyerkules ay nagpakita na sa wakas si Karen.
Paliwanag ng sexy star, hindi umano siya nagpakita at nagparamdam ng ilang araw dahil "naguguluhan" ito.
Nagkaroon daw ng anxiety at depression ang VMX star kaya parang dinetach nito ang sarili sa lahat.
Read: VMX star Karen Lopez issues apology for sudden disappearance
Pagpapatuloy ni Lito: “But, luckily… nakabalik na siya, sa awa ng Diyos.
“So, andun, buhay siya. Nagkaroon siya ng depression sa pamilya, halu-halo… ng boyfriend.
“Itong boyfriend naman, sinamantala ang kahinaan ng tao, dinala sa isang probinsiya, sa isang isla.
"Siguro tini-take advantage ng lalaki dahil ayaw nung lalaki na mag-artista [si Karen]. Iiwanan siya talaga kung talagang sumikat yung dyowa niya, di ba?
“Ang nangyari, sinabayan yung trip. 'Huwag tayong mag-cellphone for 10 days, eight days, na wala tayong pakialam kung masira yung shooting.'”
Ang tinutukoy ni Lito na "shooting" ay para sa VMX movie na Maalikaya, kung saan isa sa mga bida si Karen.
Hindi sinipot ni Karen ang dapat sana'y last shooting day niya kaya napilitan ang direktor ng pelikula na si Roman Perez Jr. na baguhin ang istorya.
JERRY OLEA
Inilahad din ni Lito ang naging pag-uusap nila ni Karen nitong Huwebes, May 15.
Saad niya: “Kanina kinausap ko, umiiyak siya, nag-sorry siya. Hindi raw niya alam bakit niya nagawa. Bigyan ko pa raw siya ng isa pang pagkakataon.
“Sabi ko, 'Hindi ka lang sa akin [dapat] mag-sorry. Siyempre sa mga bossing sa Viva, kay Direk Roman Perez.'
"Naintindihan ko kung saan nanggagaling yung galit niya [Direk Roman]. Dahil ikaw ba naman, may last day shooting ka pa, sa kalagitnaan ng movie.
"Paano mo ma-wrap up lahat yun na nakapag-start ka na ng 10, 20 sequences, tapos bigla ka na lang mawawala? Paano yung continuity?
“Dun ako nalungkot kay Direk Roman. Kumbaga, ginagalang natin yan, e."
Tuluy-tuloy pang sabi ni Lito: “Tapos si Boss Vic [del Rosario, Viva big boss] naman nung nakausap ko, sabi niya, ‘Sikapin mo lang na lumutang saka kausapin natin nang maayos...’
“Tapos bigla na lang kanina, nag-message na, ‘Patawarin mo ako, Ma, nandito na po ako. Hindi ko alam kung paano ako mag-umpisa.’
“Umuwi siya ngayon sa ate niya. Hindi sa mama niya. Parang nahimasmasan.
“Parang ang nangyari ba, na parang anxiety, nagka-depression, parang soul searching... parang ganun. Meron palang ganun, 'no?"
LITO DE GUZMAN ON BEING A "SUSPECT"
Ang isa pa raw sa ikinagalit ni Lito ay, bukod sa boyfriend ni Karen, isa rin siya sa pinaghinalaang suspek sa pagkawala ng sexy star.
Saad niya: “Nag-alala na ang mga tao, may mga tumatawag nang CIDG [Criminal Investigation and Detection Group], mga kapulisan.
"Parang ang dating, ako pa ang suspect. Dalawa ang suspect, ako at saka yung boyfriend.
“Hangga’t nagpunta na yung mga kapulisan sa Viva kanina, kinausap na yung handler.
“Tapos yung mga pulis, ang kukulit, tinatawagan ako. Kailangang humarap daw ako ngayon. E, nandito ako sa Cebu, may events ako, di ba?
“Parang ang dating, ako pa yung suspect, di ba?”
May isa pa raw commitment si Karen na pelikulang gagawin nito para sa VMX Film Festival.
May nakatakdang shooting ang sexy star sa Mayo 18 at 19, kaya sinabihan daw ni Lito ang alaga na umayos na ito para matapos ang naturang pelikula.
“Kaya [sinabi] ko sa kanya, ‘Karen, utang na loob, pakiusapan kita. Kung gusto mo sumikat, mag-sexy sa Vivamax. Please, utang na loob, huwag mo nang dagdagan yung kasalanan mo. Tapusin mo itong last film mo, bago ka mag-aligaga. Maawa ka.’
“Sabi niya, ‘Ma, gagawin ko naman. Hindi na kita bibigyan ng isa pang problema,’” sabi ni Lito.
Sinita rin daw ni Lito si Karen nang mag-live ito sa social media upang humingi ng sorry sa mga naabala sa kanyang pagkawala.
“Tapos, nag-live pa siya for a while. Sabi ko, 'Huwag ka magla-live. Ano? Ganun lang kadali mag-live ka, parang ‘I’m sorry sa management, sa Viva… I’m causing big trouble.’
“Sabi ko, ‘Huwag ka mag-live. Huwag ka mag-explain mag-isa. Sa akin ka mag-explain, mag-explain ka kay Boss Vic.’
"Kaya ki-nut ko yung live niya. Wala nga sa ulirat.
"But I’m just happy na buhay, hindi nabugbog, walang masamang nangyari. Parang nagpa-missing lang.
"Puwede pala yun, no? Hindi mo naisip ang mga taong nag-alala sa yo.
“Ang naisip ko, sana puwede kang magpraning-praning nang ganun kung wala kang biniting shooting, di ba?” himutok pa ni Lito.
NOEL FERRER
Sa Biyernes, May 16, ay magkikita raw sila ni Karen para pag-usapan ang susunod na hakbang para ayusin ang problemang nilikha ng "pagkawala" ng sexy star.
Baka sa Lunes o Martes ay pupunta raw sila sa Viva office para kausapin si Boss Vic del Rosario.
Kailangan daw nilang ayusin ang naapektuhang pelikula ni Direk Roman.
“Ako, personally, para akong nabunutan ako na buhay yung tao. But, half-meant, kasi ganun-ganun lang ba kabilis ang gumawa ng danyos?
“Ang dami niyang consequences na kailangan niyang harapin.
“Ako, sa Viva, sa big boss ng Viva. Kailangan niyang manikluhod at magmakaawa kay Direk Roman Perez.
“Kung bigyan man siya ni Direk Roman Perez ng penalty, bayaran niya. Gumastos, e. Kasi co-prod yun ni Direk Roman, release ng Viva.
“Pero itong isang Viva niya na full-length, sa Viva ito. E, si Boss Vic, kilala mo pag magbigay ng danyos, milyones!
“Baka sa akin i-charge, e, may mga collection ako sa Viva.
"E, di ba, meron akong mga movies na uncollectable pa, kasi nagpo-produce din ako. Baka sa akin naman automatic i-deduct yun?” nangangambang sabi ni Lito.
May isa pang pelikulang kailangang tapusin si Karen, pero hindi raw masabi ni Lito kung pagkakatiwalaan pa ito ng Viva.
“Tinawagan ko naman si Boss Vic, ang sabi, ‘Ano ang rason bakit siya nawala?’
"Sabi ko, ‘Boss, hindi ko naintindihan. Ang rason daw niya, trip lang daw niyang huwag mag-open ng cellphone.’
“Ang hirap ding intindihin ang ganung attitude.
“Kasi isipin mo, bibigyan mo pa ba ng ganung proyekto? Baka any moment, sumumpong yung ganitong ugali?
“Alam mo naman ako, kung ang lahat ng tao mabigyan ng chance… ang management talaga ng Viva ang may say diyan. Kasi sila talaga yung home studio namin,” saad ni Lito.
Read: VMX star Karen Lopez, nakunan ng CCTV noong siya ay "nawawala"
