JERRY OLEA:
Napaluha si Nova Villa sa dubbing session ng South Korean drama film na Picnic.
"Very touching and sentimental," sambit ni Nova.
Read: Nova Villa, ibinuhos ang pagmamahal sa mga inabandonang matatanda
Sinabi niya ito sa open forum bago ang premiere screening ng Picnic noong Mayo 6, 2025, Martes, sa Cinema 3 ng Gateway Mall, Cubao, Quezon City.
Ani Nova, wala raw palang pagkakaiba kung Koreano ka, Hapon, o Pinoy pagdating sa pagmamahal sa pamilya.
Mother’s Day presentation ng Nathan Studios ang Tagalized version ng Picnic, kunsaan nag-dub din sina Ces Quesada, Bodjie Pascua, Fyang Smith, at JM Ibarra.

Pagtatapat ni Nova: "Nalulungkot din ako sapagka’t meron din akong nakikitaan sa ating Filipino family na ganun ang nangyayari.
"Nagiging materialistic tayo. Nagiging makamundo na ang kabataan. Na parang nababalewala ang pamilya, lalo na ang mga lolo at lola.
"At dito makikita natin kung gaano sila kahalaga sa atin, kung gaano nakakaawa iyung ganun.
"So this movie, sana’y magbigay ng magandang aral, mapanood ng mga kabataan how important ang pamilya.
"Lalo na ang mga lolo at lola na nag-alaga nung maliit ka pa, nung baby ka pa hanggang lumaki, and they’re just like that. Na parang wala na.
"Kasi ang iniisip mo na lang, sarili mo. So this is a very dramatic movie, pero may lesson sa ating pamilya."
NOVA VILLA REMINDS FILIPINOS TO CHERISH LOLOS AND LOLAS
Nagpasalamat si Nova sa Nathan Studios na pinapangunahan ng mag-inang Sylvia Sanchez at Ria Atayde.
"Thank you at dinala ninyo dito sa Philippines ang pelikulang Picnic. Malaking tulong ito para sa Pilipino, sa ating lahat," pagmamatwid ni Nova.
"Napakalaking tulong na I hope, na after mapanood ninyo, mag-unite na ang bawat pamilya.
"Iyung maging sensitive tayo sa pamilya natin, sa feelings ng ating nanay, ng ating lolo, ng lola. The family."
Idiniin ni Nova na hindi raw sana mawala sa Pilipino ang likas na malasakit at respeto sa mga matatanda.
"Iyan naman ang Pinoy, e, di ba? Pero natatangay tayo sa pagbabago. Sa dami ng pumapasok sa Pilipinas, nagiging materialistic tayo, at napapabayaan na natin ang ating pamilya.
"Pero kung tutuusin, wala ka kung wala iyung pamilya mo. Ang makikita nyo diyan, iyung pain. Iyung pain, e.
"Na gusto mo ba, ganyan din ang mangyari sa iyo pag wala na sina Lolo at Lola, si Nanay, si Tatay? What will happen to you?
"Nasaan na iyung love? Ang Pilipino, clannish iyan. Maano iyan, maka-pamilya ang Pilipino…
"Bagaman sila [South Korean characters sa Picnic], taga-ibang bansa, meron din silang hinahanap… parang Pinoy din. ‘Wala na. Wala tayo. Napabayaan na tayo.’
"Huwag sanang mangyari sa Pilipino ito."

Read: Nova Villa opens up about condition of bedridden husband
GORGY RULA:
Napa-stop si Sylvia Sanchez nang makita ang teaser ng Picnic sa Busan international filmfest.
"Sabi ko, parang ang ganda-ganda ng dalawang nanay, dalawang lola, tapos may lolo," lahad ni Sylvia.
"So sabi ko, ‘Kunin natin. Kunin natin!’ Kasi tayo, maka-pamilya tayo, e. Ito iyong istorya niyan. Tapos…
"Actually po, pag bumibili ka abroad, hindi ipapakita sa iyo ang buong pelikula. Gut feel lang iyon.
"Alam mo iyon, pag nakita mo lang at nagustuhan mo, teaser pa lang, bahala kang sumugal. Pero ito, hindi kami nagkamaling sumugal dito, maniwala kayo. OK."
Siniguro ni Sylvia na may mapupulot na magandang aral sa pelikula.
"So after nun, pagdating dito, tiningnan namin ang pelikula. Basta… ayoko kayong i-preempt.
"Tapos bilang pinag-aralan namin yung characters, so yun, nakuha namin, so yun, kailangan namin ng dalawang artista na dikit talaga. Dikit talaga iyung relasyon nila bilang mag-best friends.
"So nakuha namin si Tita Nova at Ate Ces, kasi, close sa akin iyung dalawa at nakita ko iyung samahan nila.
"And iyun na nga, si Fyang at si JM bilang mga bagets. So doon nabuo iyon."
Read: Nova Villa, Leo Martinez, Gina Alajar on being senior citizens
NOEL FERRER:
Relate na relate si Ces Quesada sa characters ng magkaibigang Eun-sim at Geun-soom na dinub nila ni Nova Villa.
Sabi ni Ces, “Alam mo yung pagmamahal ng isang nanay ay hindi matatawaran. Lahat na lang ng kaya mong ibigay, ibibigay mo sa anak mo.
"Kahit na nasasaktan ka na. Kahit na wala nang maitira sa iyo, ibibigay mo iyon kahit wala silang ibalik sa iyo.
"So in that way, nararamdaman ko yon. Pero ang totoo kong anak, hindi abusado. Mabait yung anak ko, ha? Napakabait ng anak ko…
"I’m talking about the selfless love that mothers have, na makikita ninyo sa movie na ito."
