JERRY OLEA
Swak sa Mother’s Day celebration ang showing ng South Korean film na Picnic umpisa ngayong Mayo 7, 2025, Miyerkules, sa local cinemas.
Tagalized version ito, at ang nag-dub ng main characters ay sina Nova Villa, Ces Quesada, Bodjie Pascua, JM Ibarra, at Fyang Smith.
“Alam niyo, hindi ako nakaranas ng lola,” pagsisiwalat ni Nova bago ang premiere screening ng Picnic noong Mayo 6, Martes ng gabi, sa Cinema 3 ng Gateway Mall, Cubao, Quezon City.
“Kasi she died early, sabi ng mommy ko. Pero I am a very sentimental person.
“Hindi man ako nakadanas ng lolo, ng lola, but I have charity works.”
Read: Nova Villa opens up about condition of bedridden husband
NOVA VILLA'S CHARIY WORKS
Pinupuntahan daw ni Nova ang isang charity home ng mga dying destitute na kinakalinga sa ngalan ni Mother Teresa ng Calcutta.
Pagpapatuloy ng septuagenarian actress: “And these are… hundreds of them na mga lolo at lola, na iniwan ng mga pamilya.
“Pag pumapasok ako sa kuwarto na yun… kilala na nila ako. Para akong pumasok sa purgatoryo.
“Dahil sanay na sila sa akin, pagpasok kong ganun, I embrace and kiss them. Mga 90 years old, 95 years old.
“Baka may 100 dun, na nakaganun lahat. ‘Ahhhhhh!’ Isipin mo kung mga isandaan yan, nakaganun lahat ang kamay.
“Parang naghahanap sila ng pagmamahal, ng pag-ibig, ng yakap. And I go there. Doon ko ibinubuhos.
“At ito, mararamdaman lang natin itong pagmamahal na ito if we are prayerful. If we follow Jesus.
“Because that’s what Jesus wants. Na tayo ay magmahal ng ating kapwa.
“And… siguro it’s a… masabi natin na… dinevelop ko yun since I was young. Because ano ako, e…
“Wala akong magulang.
“So somebody adopted me. Hindi naman masyadong maganda yung aming relationship because of the ugali, no, ganyan. Nagkataon, nandun ako.
“Pero hindi ko pinabayaan ang pagdarasal at pagiging close sa Diyos. Hanggang sa I became charitable.
“And ito ang aking napili — to love — because hindi ko naranasang magmahal.
“At dito naranasan ko. Actual! Mga may kanser, mga madudungis, mababaho, like that.
“And sa konting haplos ko lang, feeling nila, nasa heaven sila.
“So it doesn’t matter. Kahit na wala akong magulang, it’s OK. Just continue living, continue to be a good Christian.
“Magmahal. Iyan ang ano ng Panginoon, e, magmahal ka sa kapwa mo.”
Read: Nova Villa, Leo Martinez, Gina Alajar on being senior citizens
NOEL FERRER
Ipinagdiinan ni Nova Villa na kung mahal mo si Jesus, susundin mo ang kanyang mga aral.
“Do it, at mararamdaman ninyo how beautiful it is to love, kahit hindi mo kaanu-ano,” sambit ni Nova.
Susog ng co-star niyang si Ces Quesada: “Wala masyadong nakakaalam, si Nova ay isang Papal awardee…
“Yung only daughter kasi niya, nasa Amerika. So, ang pinagkakaabalahan niya bilang nanay ng simbahan nila, all her charity works.
“Kahit sa mga set namin sa pelikula, siya talaga ang official na nagiging nanay, na puntahan ng mga may love problems. Mga problema sa magulang.
“Iyan ang pagiging nanay ni Nova. Na-witness ko yan.”
Read: Veteran actress Nova Villa reveals prayer before shooting

GORGY RULA
Ang Nathan Studios nina Sylvia Sanchez at Ria Atayde ang distributor ng Picnic sa Pilipinas.
Punong-abala ang mag-inang Sylvia at Ria sa premiere night na dinaluhan nina Ces Quesada, Nova Villa, at Fyang Smith.
Sabi ni Nova, ginamit ng Holy Spirit si Sylvia para ihatid sa Filipino audience ang Picnic.

Malayung-malayo ang kuwento nito sa 1976 movie na Piknik, na pinagbidahan nina Daria Ramirez at Carmen Ronda, sa direksiyon ni Joey Gosiengfiao.
Leading men sa Piknik sina Ricky Belmonte, Orestes Ojeda, Ernie Garcia, at George Estregan.
May special participation si Marlon Ramirez.
Ang mga bida sa 2024 South Korean drama film na Picnic ay sina Na Moon-hee, Kim Young-ok, Park Geun-hyung, at Ryu Seung-soo.
Dalawang pelikulang Pinoy ang kasabay ng Picnic na showing today — The Last Goodbye nina Matt Lozano at Daniela Stranner, at In Between nina Sue Ramirez at Diego Loyzaga.
Nasa The Last Goodbye din si Bodjie Pascua, na isa sa mga nag-dub sa Picnic.
Read: Nova Villa, makahulugang ngiti ang sagot sa tanong kung naging sila ni FPJ

