JERRY OLEA
Magtatapos ang teleserye ni Kiko Estrada na Lumuhod Ka Sa Lupa ngayong Mayo 2, 2025, Biyernes ng 7:15 P.M. sa TV5.
Sa Mayo 5, Lunes, sa kaparehong timeslot ay umpisa na ng bagong teleserye ni Kiko na Totoy Bato.
Nag-overlap ang taping ni Kiko sa dalawang teleserye.
Nag-taping na siya for Totoy Bato, kahit hindi pa tapos ang taping niya for Lumuhod Ka Sa Lupa.
Ang "Lalaking Walang Pahinga" ang kanyang peg. Gusto niya, dire-diretso ang trabaho?
“Gusto ko lang sana… ito na yung pagkakataon, e,” sabi ni Kiko sa media conference noong Abril 28, Lunes, sa Studio 6 ng TV5, Reliance St., Mandaluyong City.
“Ito na po yung binigay sa akin na balasa ng Diyos, so I just have to do my best. At sana maramdaman nila yung espiritu ni FPJ, to be honest.
“Yun yung goal ko ngayon, promise. Sobrang focused ko dito sa obra ni Carlo J. Caparas na ito.
“Gaya ng sinabi ko, kadikit po ng pamilya ko ito.”
Read: Kiko Estrada, bibida bilang Totoy Bato; naalala si Paquito Diaz
FROM LUMUHOD KA SA LUPA TO TOTOY BATO
Ang Lumuhod Ka Sa Lupa at Totoy Bato ay pawang nobelang komiks ni Carlo J. Caparas.
Si Rudy Fernandez ang nagbida sa movie version ng Lumuhod Ka Sa Lupa (1986), samantalang si Fernando Poe Jr. ang bida sa mga pelikulang Totoy Bato (1977) at Durugin si Totoy Bato (1979) kung saan kasama sa cast ang lolo ni Kiko na si Paquito Diaz.

Gumanap din si Robin Padilla bilang Totoy Bato sa Kapuso primetime series noong Pebrero-Hulyo 2009.
“Opo, opo. Imagine niyo po yung pressure pero with all the obstacles that happened, you know, I’m destined to play Totoy Bato!” bulalas ni Kiko.
Kung trial-and-error ang Lumuhod Ka Sa Lupa, gamay na gamay na nila ang gagawin sa Totoy Bato?!
“Lumuhod Ka Sa Lupa was a trial-and-error pero filled with passion. Na laging gusto mong maging tama,” sambit ni Kiko.
“Alam mo yun, and I love this. They chose the right person to play. I’m very motivated right now.”
Magre-resonate kaya sa viewers today ang reimagined version ng Totoy Bato?
“Yun po sana ang target. Yun po sana ang hangarin namin. At sana,” tugon ni Kiko.
“Pero version namin ito. That’s one thing clear. It’s an Albert Langitan-directed and Kiko Estrada-starred version of Totoy Bato pero we always respect where we came from.
“I respect where I came from. Yung kontrabida po sa project na ito noong una, siya po ang nagpalaki sa akin.
“So this is a direct love letter to him. And actually, hindi sa lolo ko, e. To be honest, para siya sa lola ko, sa asawa ni Lolo Paquito na laging nanonood ng mga serye ko.
“Siya yung tipong lola na pag may show ka, hindi siya magmimintis. So, para kay Nena Diaz na death anniversary niya few days ago.
“To my abuela, mahal na mahal kita.”
Read: Kiko Estrada, inaming non-showbiz ang current girlfriend
NOEL FERRER
Mahigit isang taon sa ere ang teleseryeng Lumuhod Ka Sa Lupa. Nag-overlap ang taping nito sa Totoy Bato, kaya may challenge sa transition.
Pahayag ni Kiko Estrada: “Kampante ako, at sobrang sigurado ko dahil sa team na meron ako…
“You take the wins and you take the losses. And kailangan mong i-appreciate yung journey. Kung yun ang journey ko sa Totoy Bato, then thank you.
“It’s a challenge that I accept. Gaya ng sinabi nyo po, pressure is necessary. Kung walang pressure, di parang… bakit pa ito? So I love it.
“And gaya ng sagot kanina, my intention is to start making good TV series, and yung ginawa ni Carlo J. Caparas was to start a revolution.
“To change the culture. And I’m coming with that energy.”
GORGY RULA
Napanood daw ni Kiko Estrada sa YouTube ang pelikulang Totoy Bato ni Fernando Poe Jr. (FPJ).
“Good story. It’s well written. So I’m excited for everyone to see my version,” sey ni Kiko.
Si Coco Martin, merong FPJ’s Batang Quiapo.
Kinikilabutan ba siya na isasabuhay niya ang karakter na si FPJ din ang unang gumanap, at ginampanan din ni Robin Padilla?
“I am a little bit nervous right now. Mahal na mahal ko si Coco. I love Robin, too,” sagot ni Kiko.
“Thank you, maraming salamat po. It’s a humbling experience, and mga idol ko po yung mga yan na sana, matuto ako nung mga sekreto nila. Maybe one day.
“I look up to them. They’re inspirations, for sure.”
Nakasuporta kay Kiko sa Totoy Bato sina Eula Valdes, Diego Loyzaga, Bea Binene, Cindy Miranda, Art Acuña, Mark Anthony Fernandez, Nonie Buencamino, at Mon Confiado.
May special participation sina Joko Diaz, Katya Santos, Kean Cipriano, at Ms. Jackie Lou Blanco.
Nasa cast din sina Andrew Muhlach, Billy Villeta, Ivan Padilla, Lester Llansang, Benz Sangalang, Gold Aceron, at CJ Caparas.
Introducing dito sina Lawrence de la Cruz, Benedict Lao, Natania Guerrero, Jeremiah Cruz, Dwayne Bialoglovski, at Stanley Abuloc.
Read: Kiko Estrada, gustong i-remake ang Totoy Bato, Panday ni FPJ

