JERRY OLEA
Pinag-uusapan na pala si Magaling na Aktor na iba raw pala ang attitude kapag nagagalit.
Hindi nila akalain na malayo sa maamong mukha ni Aktor ang hitsura nito kapag naghuhuramentado na raw sa oras ng trabaho.
Hindi lang detalyado ang kuwentong nakarating sa PEP Troika, dahil hindi sinabi kung kailan at kung saang programa ito nangyari.
Pero nabigla raw ang mga staff sa taping nila nang magwala raw sa tent niya si Magaling na Aktor.
Ang ikinagalit daw ni Aktor, paulit-ulit daw na ipinapagawa sa kanya ng direktor ang isang eksena.
Ilang beses daw nilang ini-rehearse ang eksenang iyon, pati sa actual take ay ilang beses din daw ipinapagawa sa kanya.
No question, magaling umarte si Aktor at sa tingin niya, maayos ang ginawa niya. Pero gusto raw ni Direk na kumuha ng iba’t ibang angulo at may isa pa raw silang kinunan na nagkakamali ang kaeksena nito.
Pagkatapos daw ng take, malutong na mura raw ang pinakawalan ni Aktor sa direktor. At pagdating sa tent, pinagbabato raw ang mga gamit na nadampot niya.

May dinampot daw itong monoblock, ibinato ito at tumama raw sa make-up set ng kanilang make-up artist.
Ayun! Basag daw ang salamin ni Make-up Artist. Napaiyak pa raw si Make-up Artist dahil hindi naman daw mumurahin ang mga gamit niya, nagkabasag-basag pa.
Naku, knowing this magaling na aktor, pakiwari ko’y binayaran niya ang mga gamit ni Make-up Artist matapos siyang mahimasmasan!
In fairness, approachable para sa akin ang magaling na aktor na ito, ano?
NOEL FERRER
Bukod pa riyan, may iba pang kuwentong nakarating sa PEP Troika tungkol dito kay Magaling na Aktor.
May isang drama series daw iyan na kinaiiritahan nito ang kanilang executive producer (EP).
May pagka-maingay raw kasi itong si EP at hindi raw ito type ni Aktor.
Nasa taping daw sila ng seryeng ito at pinapunta na raw ni EP si Aktor sa set dahil kukunan na raw ang eksena.
Kaya lang, hindi pa pala ready, kaya naghintay raw nang matagal si Magaling na Aktor.
May pinapaayos pa raw ang direktor na ilaw, hanggang sa natagalan ang paghihintay ni Magaling na Aktor.
Hindi lang tiyak ng aming source kung nagtalo si EP at si Aktor na matagal na raw irita kay EP.
Narinig na lang daw ng ilang staff na nag-dialogue itong si Magaling na Aktor kay EP ng tipong, “Kung lalaki ka lang, kanina pa kita nasapak!”
Kaya hindi na raw kinukuha ni EP itong si Aktor kahit magaling pa itong umarte.
Pero sa akin, mabait itong aktor na ito, ha. Sana lang mali o misinterpreted ang ibang ipinaparating sa atin dito sa PEP Troika.
GORGY RULA
Nakakaloka ito, dahil matagal na naming narinig na may isyu sa anger management si Magaling na Aktor.
May narinig na rin kasi akong kuwento tungkol dito kay Aktor na tsinika ng nagma-manage ng talents na sinu-supply sa mga taping at shooting.
Matagal na raw itong nangyari kung saan nasaksihan nila kung gaano kaastig si Magaling na Aktor.
Marami raw talents na kaeksena si Magaling na Aktor. Natagalan na naman daw sila, dahil paulit-ulit din daw nilang tini-take ang isang medyo mabigat na eksena.
Lagi raw kasing nagkakamali ang ibang talents na ikinairita na rin ng direktor.
Pero bago mairita si Direk, nauna pa si Magaling na Aktor.
Nataranta raw ang talents nang narinig nilang nagbitaw na naman itong si Magaling na Aktor ng linyahang, “Sana, suntukan na lang ang eksena, hindi ko kayo aatrasan lahat!”
Ang bongga talaga ni Magaling na Aktor, di ba?
Natakot tuloy ako, baka pag mabasa niya ito, tampal-tampalin tayo ng mga acting trophy niya!
