JERRY OLEA:
Nakasama ni Bembol Roco si National Artist Nora Aunor sa mga pelikulang Tatlong Taong Walang Diyos (1976), ‘Merika (1984), Tatlong Ina, Isang Anak (1987), Thy Womb (2012), at Pieta (2023).
Sa TV, andiyan ang mga teleseryeng Sa Ngalan ng Ina (2011) at Little Nanay (2015-2016).
"Napakamapalad ako na nakasama ko siya sa maraming pelikula," sabi ni Bembol.
Dagdag niya, "At lahat ng pelikulang yun, sa akin, mahalaga. At dahil nga sa samahan din.”
BEMBOL'S UNFORGETTABLE MEMORIES WITH NORA
Eksklusibong nakapanayam ng PEP Troika si Bembol nitong Abril 20, 2025, Easter Sunday, sa The Heritage Park, Taguig City.
Naikuwento sa amin ni Ruby Ruiz na noong mag-shooting sila ng Thy Womb sa Tawi-Tawi, kasabay nila si Nora sa pag-aaral ng pagsagwan at paghabi.
"Oo, yeah. Korek, korek! Marami, mahaba kaya ang pinagsamahan namin noon,” napapangiting sambit ni Bembol.
Isa iyon sa hindi raw niya makakalimutang pagsasama nila together.

"Dahil sa tagal ng biyahe ng barko going to Turtle Islands, 12 hours, nakakaloka. Hindi ba?!” bulalas ni Bembol.
"And, ahhh, sa Amerika, yung film namin dun na… All of them were really relevant. Important."
For the record, nagkaroon ba sila ng romantic involvement ni Ate Guy?
"Hindi. Wala. Wala!" mabilis na sambit ni Bembol.
Maging si Dan Alvaro ay nagkuwento sa amin na parang magkapatid lang ang turingan nila ni Ate Guy.
Napatango si Bembol, "Ganun din ako. There’s no romantic relationship at all… Tunay, tunay na kaibigan!"
Anong klaseng kaibigan siya?
"Ahh, mapagbigay, mapagmahal. Lahat ng maganda, makikita mo sa kanya—nang walang kaplastikan," saad ni Bembol.
"Alam mong totoo ang ibinibigay niyang pagmamahal, or concern. Ganun siya kagandang tao. Napakagandang tao ni Ate Guy."
Read: Lotlot de Leon, nag-alala kahit sinabi ni Nora Aunor: "Okay ako"
NOEL FERRER:
Isa sa pinakaborito kong pelikula nina Ate Guy at Bembol ay ‘Merika… tahimik ngunit nanunuot.
Komportable si Nora kapag katambal niya si Bembol.
"Yes, I know. Kasi nga, nag-uusap kami parati. Ibig sabihin, pag ganung may trabaho, di ba?" napapangiting tugon ni Bembol.
"Parati kaming… hindi maaaring hindi kami nag-uuusap. Kung anu-ano, kung anu-ano, not necessary for the film. Kung anu-ano."
May mga kuwento rin siya ng kapilyahan at kabaliwan ni Ate Guy?
Natawa si Bembol, "Oo naman, oo, oo, oo, oo. Baltik siya actually! Certified crazy siya, e! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!
"Pero in a good way! Di ba? Hindi nakakasakit. Alam mo na, yung nakakatawa nga talaga.
"Kasi natural na natural sa kanya kung ano man yung kapilyahan niyang konti!"
Ganun iyong mga beteranong artista, di ba?
Iba ang samahan at gawi kumpara sa mga baguhan, dahil na rin iba ang kinagisnan.
"Yeah, yeah. Oo, oo," bittersweet na pagngiti ni Bembol.
Read: Ian de Leon reveals cause of death of Nora Aunor
GORGY RULA:
Ano ang natutunan niya kay Ate Guy?
"Maging natural ka lang, di ba? Just be yourself. Wala namang kailangan pang ibang gawin kundi yun, di ba?" hinay-hinay na tugon ni Bembol.
Nag-sink na sa kanyang wala na si Nora?
"Hindi pa," mabilis na tugon ni Bembol.
"Hindi pa, araw-araw nga akong andito, e. Sabi nga ng partner ko rin, 'Araw-araw ka na, ah?' 'Di bale, kaibigan ko naman yun, e.' Yeah, malungkot."
Ano pa ang hindi niya makakalimutan sa ugali ni Ate Guy?
"E, ang ugali nga niya, puro kabaitan, e! Hindi ba?” sagot ni Bembol.
At dahil sa kabaitan niya, maraming nanloko sa kanya, at nanggamit. Pero hinayaan na lang iyon ni Ate Guy. Ipinasa-Diyos. Hindi siya nagtanim ng sama ng loob.
"Hindi nga, hindi nga! Wala siyang galit sa katawan!" maigting na saad ni Bembol.
"Wala siyang… alam mo na. Kaya maganda ang buhay niya, ibig sabihin. Sa tingin ko, ha, personally.
"Of course andami niyang problema, pero hindi naman yun ang nangingibabaw sa kanya.
"Importante sa kanya, yung taong minamahal niya."
Ganun din siya? Naka-relate siya sa kuwento ng pamilya ni Ate Guy, sa pagmamahal sa mga anak?
Tumango si Bembol, "Oo naman, oo naman, oo naman. Kung family matters, abot ko siya dun. Abot din naman niya ako, sigurado."
Ano ang mensahe niya sa mga nagmamahal kay Ate Guy, partikular sa mga anak nitong sina Lotlot, Ian, Matet, Kiko, at Kenneth de Leon?
"Ipagdasal natin ang mommy ninyo. At least, naramdaman ninyo ang kanyang pagmamahal.
"Yung tunay na pagmamahal. Masuwerte kayo," napapaluhang sabi ni Bembol.
