GORGY RULA
Hindi pa tapos ang isyu nina Mark Herras at Jojo Mendrez kahit tinuldukan na ng singer ang "collaboration" nila para sa promo ng single na "Somewhere In My Past."
Ang buong akala namin, nang idineklara ni Jojo na tapos na ang "MarJo" collaboration nila ni Mark at move on na siya sa promo ng isa pa niyang single na "Nandito Lang Ako," hindi na pag-uusapan ang aktor.
Pero noong Sabado, March 29, 2025, may nagpadala sa PEP Troika ng litratong kuha kay Jojo na nasa police station kasama ang dalawa niyang managers na sina David Bhowie at Vince Apostol ng Aqueous Entertainment.
Nangangamoy-demandahan dahil ipina-blotter ng singer-businessman si Mark.
Read: Jojo Mendrez ends "collaboration" with Mark Herras
JOJO MENDREZ TO FILE GRAVE THREAT COMPLAINT AGAINST MARK HERRAS
Nitong Martes ng hapon, Abril 1, April Fools' Day, bumalik si Jojo sa Police Station 10 ng Kamuning, Quezon City, kasama ang kanyang dalawang managers at legal counsel.
Sabi ni David Bhowie sa PEP Troika via Messenger: “Pumunta ngayong araw si Jojo Mendrez at ang lawyer at legal counsel niyang si Atty. Chiqui Advincula upang magbigay ng affidavit at itutuloy na sampahan ng pormal na kaso si Mark Herras ng grave threat.
“Ito’y matapos makatanggap ng pananakot at seryosong banta si Jojo mula kay Mark Herras noong Linggo ng gabi, March 23, 2025 sa loob ng kuwarto ng Luxent Hotel bago ang PMPC Star Awards Night for TV na kasama ang dalawang nasabi bilang presentors ng isang special award.”
Bakit grave threat ang isasampang reklamo ni Jojo laban kay Mark?
Sa huling media conference na ipinatawag nila noong nakaraang linggo, ibinahagi nina Jojo at David kung ano umano ang ginawa ni Mark kay Jojo.
Bahagi ng mahabang salaysay ni David: "Yung kuwentuhan namin sa Luxent, nababanggit niya na nakuwento raw ng asawa niya sa kanya na, ‘Uy, binili pala si Rainier [Castillo] ng bagong cellphone ni Jojo.’
“And then, ang response ni Mark na sabi sa amin, ‘Uy, huwag ka nang mainggit,’ sabi niya sa asawa niya," pagtukoy nito sa sinabi umano ni Mark sa misis niyang si Nicole Donesa.
“Yun yung kuwento ni Mark sa amin. 'Huwag ka nang mainggit, ang laki na nga ng bigay niya sa atin.’
"So, admitted na mas malaki yung nakukuha niya compared to Rainier.
“Nung alam niyang nagba-viral na si Rainier and Jojo, nagbanggit ng parang life-threatening statement na sabihin mo nang pabiro, pero mali pa rin.
“Parang out of nowhere, sinabi ni Mark na... eto, exact words, ha? 'Pag ako maitsapuwera diyan, susunugin ko ang bahay mo, Jojo'.
“So, regardless of whether it's a joke, note, it's still a threat. Na nagkatinginan lang kami ni Jojo, tumawa lang kami sa ano... nung nakatalikod na si Mark, pinag-usapan na namin na parang hindi na tama yun.”
Sabi pa ni David, pagkatapos pinirmahan ni Jojo ang affidavit nito sa police station, pormal na nilang isasampa ang reklamong grave threat sa Quezon City Hall of Justice ngayong Miyerkules, April 2.
Read: Jojo Mendrez, gimmick lang ang pagkaka-link kina Mark at Rainier?

NOEL FERRER
Sa nakaraang media conference ni Jojo Mendrez, muli niyang nilinaw na wala talaga silang relasyon ni Mark Herras.
Maayos daw ang usapan nila sa collaboration, pero hindi sukat-akalain ni Jojo na aabot ito sa ganoong problema at sunud-sunod na ang umano’y pangungutang sa kanya, at may pagbabanta na raw sa kanya.
Ayon kay Jojo: “Hindi ko alam kung saan nangagaling yung galit, yung pagbabanta na susunugin yung bahay kung iitsapuwera siya.
“Yun yung hindi ko matawid, saka yung mga sinasabi niya na.... kasi may anxiety daw siya, depression na ayaw niyang ma-stress dahil according to him, lagi siyang pine-pressure ng wife niya.
“Pag wala siyang nadalang pera sa bahay nila, e, malaking gulo ang mangyayari.
“That's why tatawag siya sa akin, magme-message siya sa akin, nakikiusap siya.
“Pag hindi mo siya pagbibigyan, sasabihin niya magpapakamatay siya. So, siyempre pag ikaw ang sasabihan ng ganun, matatakot ka gawa ng kung may mangyari nga, konsensiya mo.
“Meron pang pangyayari na kapag hindi ko raw siya tutulungan, ako ang nagtutulak sa kanya para kumapit siya sa patalim, at the same time ay gagawin daw niya yung mga bagay na hindi maganda, especially yung mga nagme-message sa kanya, pagbibigyan na niya.
“Siyempre ako, concerned ako sa kanya, sinasabihan ko na, ‘Huwag mo yan gagawin.’ Kaya mabibigyan mo na uli siya.
“The following day, it's the same problem. Paulit-ulit, araw-araw. Ganun ang routine."
Diin pa ni Jojo: “Wala kaming relasyon ni Mark Herras, once and for all. Hindi ho gimmick ito para pag-usapan kami.
“Walang namamagitan sa amin ni Mark Heras at the same time, hindi ko alam ang takbo ng isip niya.
“Sa side ko, alam ko yung nilalaman ng isip ko at ng sarili ko. Hindi ko alam kung ano ang impression niya sa nakikita niya.
“So, magkaiba kasi yun e. So, at this time, wala kaming any relationship or any commitment sa isa't isa. Hindi ko alam kung saan nanggagaling yung ganung galit.
“Siguro it's about time na tumigil na siya. Kasi siyempre, instead na napo-promote na yung kanta ko ay napupunta na ang usapan kay Mark, kay Rainier.
“Siguro it's about time na itigil na siya.”
MARK HERRAS RACTS TO JOJO MENDREZ'S ALLEGATION
Nagbigay na rin ng pahayag si Mark kaugnay ng mga alegasyon ng kampo ni Jojo sa pamamagitan ng mensaheng ipinadala niya sa TV5 reporter na si MJ Marfori.
Nakasaad dito (published as is): "Okay lang naman yan & pasabi na lang po na marami diyan na di hamak mas sikat sakin kasi ako naman hindi na talaga haha
"gagawa na lang ng issue yung halatang katarantaduhan pa.
"unang una dko ugali manakot ng tao kahit gawan ako ng issue or what dko ugali yan
"I'd rather give my time & energy sa pamilya o kaya sa mga work/raket..
"Sorry im the wrong guy para isama nyo or gawan nyo ng issue kasi dko kayo papatulan haha
"at isa mga kasabihan nga eh 'always be the better person'
"so yeah salamat enjoy whatever you guys are doing
"madame akong ginagawa personal/work related
"this will be the last time na sasagot ako sa issue lol thank you."
Read: Mark Herras speaks up on being linked to Jojo Mendrez
JERRY OLEA
Ibabaon na ba sa hukay ang “MarJo”?
MarJo ang portmanteau ng names nina Marvin Agustin at Jolina Magdangal, na nag-reunion sa Valentine movie na Ex Ex Lovers.
Hindi pumatok sa takilya ang nasabing pelikula, kung saan sa ending ay tuluyang nagkahiwalay ang characters na gunampanan nina Marvin at Jolina.
Noong Pebrero rin na-link ang unang ultimate male survivor ng StarStruck na si Mark Herras sa singer-businessman na si Jojo Mendrez.
Ang tandem nila’y MarJo rin.
Humigit-kumulang pitong linggo lamang ang collab nina Jojo at Mendrez, kaugnay sa promo ng mga awit ni Jojo na "Somewhere in My Past" at "Nandito Lang Ako."
Ang sabi’y nakatisod si Jojo ng bagong kaibigan kay Rainier Castillo, na runner-up kay Mark sa StarStruck.
Take note na sina Mark at Rainier ay pareho nang may wife.
Hindi masyadong kinakagat ng netizens ang mga paandar tungkol kina Rainier at Jojo.
Mas napukaw ang intensiyon ng mga tao ay sa kung ano ba talaga ang meron kina Mark at Jojo, lalo pa’t kung anu-anong anggulo ang lumulutang.
MarJo Forever?!
Read: Jojo Mendrez iginiit na walang something sa kanila ni Mark Herras
MARTIN ESCUDERO, WILLING MAKIPAG-COLLAB KAY JOJO MENDREZ
Aba, may isa pang produkto ng StarStruck ang willing makipag-collab kay Jojo!
Ito ay si Mart or Martin Escudero na isa sa apat na ultimate survivors sa fourth season ng StarStruck.

Sa finals ng nasabing contest noong Marso 25, 2007, tinanghal na ultimate loveteam sina Mart at Kris Bernal, ultimate hunk si Aljur Abtenica, at ultimate sweetheart si Jewel Mische.
Kasabayan nila sina Prince Stefan, Paulo Avelino, at Dex Quindoza.
So, kung makikipag-collab si Jojo Mendrez kay Martin Escudero, mare-resurrect ang “Marjo”!!!
Sa mediacon ng pelikulang Beyond the Call Of Duty ngayong Abril 1, Martes, sa mansion ni Governor Chavit Singson sa Corinthian Gardens, inamin ni Martin na aware siya sa isyu kina Mark, Jojo, at Rainier.
“Napapanood ko sila. Kasi siyempre, mga kapatid ko naman ang turing dun kaya sinusubaybayan ko kung ano man yung update nila,” sabi ni Martin.
Read: Martin Escudero, "pinakamagaling na aktor sa movie industry," ayon kay Direk Ceasar Soriano
Ayon kay Morly Alinio, limang kanta pa ang ire-revive ni Jojo, kabilang ang "Tamis ng Unang Halik" at "Pare, Mahal Mo Raw Ako."
Willing si Martin na makipag-collab kay Jojo.
Unlike Mark and Rainier, wala pang wife si Martin. Engaged pa lang siya.
Siyangapala, itong Beyond the Call Of Duty ay collaboration ng Pinoyflix Films and Entertainment Production, Inc. sa film production ni Gov Chavit at ng Philippine National Police, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection at ng PNP Officers Ladies Club Foundation.
Nasa cast din nito sina Martin del Rosario, Maxine Trinidad, Paolo Gumabao, Devon Seron, Christian Singson, Jeffrey Santos, Alex Medina, Dindo Arroyo, Lance Lucido, Lovely Rivero, Valerie Concepcion, at Bella Thompson.
Ang direktor ay si JR Olinares, na nagdirek ng Sagrada Luna (dating The Virgin Sisters), Badge of Honor: To Serve and Protect, at The Buy Bust Queen.
Read: Jojo Mendrez nagpaliwanag sa spotted photos nila ni Mark Herras
