JERRY OLEA
Rated PG (Parental Guidance) ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pelikulang Fatherland starring Allen Dizon and Iñigo Pascual, sa direksyon ni Joel Lamangan.
Napaka-safe ng pelikula?
Akala pa naman namin, palaban ang naturang social drama film na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Abril 19, 2025, Black Saturday.
“Panoorin nyo na lang, day!” sambit ni Direk Joel nang makatsikahan namin bago ang gala premiere ng CinePanalo entry ni Allen na Salum nitong Marso 14, Biyernes, sa Gateway Cineplex 18, Cubao, Quezon City.
“Ibig sabihin din, ang mga nanood, liberal-minded at progressive ang mga nag-review. At puro babae yun, 'neng, ha!”
Ang tatlong MTRCB members na nag-review sa Fatherland ay sina Eloisa C. Matias, Racquel Maria S. Cruz, at Jan Marini C. Alano.
Noong Marso 13, Huwebes, nabigyan ng PG rating ang Fatherland. E dati, nagkakaproblema sa MTRCB ang pelikula niya.

“Palagi naman akong may problema diyan! Hindi lang naman minsan,” say ng 70-anyos na premyadong direktor.
“Kahapon lang, ano, naka-smile na dumadating ang mga babae at ang say, ‘Direk, congrats! Ang ganda ng film!’ sabi!”
Mas tame na siguro ang mga pelikula niya? Pa-tweetums?
Napakunot-noo si Direk Joel, “Ay, hindi! Ganun pa rin ako, 'neng. Bigyan mo ako ng materyal na ano, di ganun din ang mangyayari.
“Basta say lang ako ng true! Kung ano ang true, yun ang sasabihin ko.”
Tampok din sa Fatherland sina Cherry Pie Picache, Mercedes Cabral, Angel Aquino, Richard Yap, Max Eigenmann, Jeric Gonzales, Jim Pebanco, Bo Bautista, Rebecca Chuaunsu, William Lorenzo, Che Ramos, Ara Davao, Rico Barrera, at Abed Green.
At any rate, kabilang ba siya sa mga nabawasan ng friends sa Facebook this week? Marami bang nag-unfriend sa kanya, o in-unfriend niya sa FB?
“Kaibigan? Wala namang nabawas sa akin na kaibigan!”
NOEL FERRER
Inalok noon si Direk Joel para magdirek ng biopic ng isang controversial politician na ngayon ay nasa isang bansa sa Northwestern Europe.
“Tinanggihan ko, 'day! Di ba?!” maigting na sabi ni Direk Joel.
Bakit niya tinanggihan ang project?
“Wah ko feel!”
Ano ang reaksyon niya nang lapitan siya para i-offer ang pagdidirek sa life story ng controversial politician?
“Tinitigan ko sila,” nakamulagat na pagre-reenact ni Direk Joel. “Wah ko feel… dasurv!!!”
May bagong movie project na ididirek si Direk Joel, at kasama siya sa mga bida roon.
Aniya, “Gagawin ko na yung mga limang bakla, Jackstone 5. Si Eric Quizon, ako, si Arnelli Ignacio, si Michael de Mesa, si Jim Pebanco.”
Di ba nakakapagod na pagsabayin ang pagdidirek at pag-akting?
“Gusto ng produ, umakting ako dahil sa Roda-Roda.”
Si Roda ang karakter ni Direk Joel sa toprating FPJ’s Batang Quiapo. So, Roda acting siya sa nasabing movie?
“Hindi, day! Iba na. Wah ko na feel.”
GORGY RULA
Ang alam ko, kinumbinsi talaga ng producer si Direk Joel na gumanap sa isang role sa Jackstone 5.
Tumanggi siya noong una dahil mahihirapan lang daw siya, pero napa-oo rin siya bandang huli.
Sabi ng ibang nasa production, tiyak na si Direk Joel ang magdadala ng pelikula.
Kamakailan lang ay nagpa-audition na sila ng child actors na gaganap bilang mga younger character ng limang bida.
Ang dami pa namang mga magagaling na mga batang artista at kering-keri nila ang role ng malalanding tukling o batang bading.
Binabalak din nilang kunin dito si Mark Herras, pero ewan kung nakausap na nila ang kontrobersyal na aktor.
May mala-Jojo Mendrez din kayang karakter sa pelikulang ito?
Kasi, may mga karakter pa raw rito na hango sa ilang mga kilalang bading sa showbiz, kaya feeling ko, ang saya nitong susunod na gagawin ni Direk Joel.
Pero dito raw muna tayo mag-focus sa Fatherland na ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ang promo para sa Black Saturday showing.
Marami ang nagsa-suggest na hintayin na lang sana ang Summer Metro Manila Film Festival, pero kasado na raw sila sa playdate na pinili nila.
