GORGY RULA
Halos labimpitong taon na ang nakalilipas mula nang namayapa ang action superstar na si Rudy Fernandez, pero ngayon lang uli lilipad pa-Amerika ang kanyang biyuda na si Lorna Tolentino.
Noong nakaratay pa sa sakit si Kuya Rudy, matagal din silang namalagi sa Los Angeles, California, para doon magpagamot.
Nang pumanaw na ang aktor, ayaw nang bumalik ni Lorna sa Amerika.
Read: Action superstar Rudy Fernandez succumbs to cancer
May naka-pending pa silang application noon on Extraordinary Abilities or Skills para magkaroon ng green card.
Kagaya iyon ng ibinigay kina Ai-Ai delas Alas, April Boy Regino, at ilan pang taga-showbiz.
Pero hindi na ito itinuloy ng aktres.
USA REMINDS LORNA OF RUDY'S CANCER TREATMENT
Bumabalik daw sa alaala ni Lorna ang mga araw na magkasama silang mag-asawa para magpagamot kaya hindi na inisip ng aktres na babalik pa siya sa Amerika.
Pero nang inimbitahan siyang dumalo sa Manila International Film Festival (MIFF) 2025, kaagad siyang umoo.
Sabi ko sa kanya, talagang nai-let go na niya ang namayapang asawa at ngayon ay babalik na siya sa Amerika kung saan nagtagal sila roon para magpagamot.
“Seventeen years naman na po. Life is short,” text sa akin ni Lorna.
Sa March 4, 2025, Martes, ang alis ni Lorna pa-LA at kasabay na raw niya ang co-star niya sa Espantaho na si Janice de Belen at ang BFF ni Kuya Rudy na si Senator Jinggoy Estrada.
Read: MIFF 2025 at Konsyerto Para Sa Filipino sa U.S., star studded
JERRY OLEA
Hiningan namin ng reaksiyon si Manay Lolit sa pag-move on ni Lorna Tolentino, at pagbabalik-USA after 17 years.
“Siyempre, seventeen years na yun, 'no?! Matagal na!” bulalas ni Manay Lolit nitong Marso 1, Sabado, sa Victorino’s restaurant, Sct. Rallos St., Quezon City.
“Diyos ko! Alangan namang… hanggang kailan niya ile-let go?! Di ba?!”
NOEL FERRER
Hinihintay na namin dito sa L.A. si Ms LT.
Aside from screening her film Espantaho, expected din si Lorna na batiin ang kanyang mga tagahanga at supporters sa libreng Konsyerto Para Sa Filipino na gaganapin sa Marso 8, Sabado, sa Cerritos Theater For Performing Arts.

Ang dami na nating nakakausap na kumukuha na ng control tickets nila para sa event sa March 8, at talaga namang paraan ito para magkaisa ang industriya ng pelikula na dumaraan sa matinding pagsubok ngayon.
Isa pang aabangan natin ay ang announcement ng Summer Metro Manila Film Festival sa mga susunod na araw!!!
