GORGY RULA
Nagpupuyos sa galit ang ina ni Pauleen Luna na si Mrs. Chat Luna nang nakausap siya ng PEP Troika ngayong umaga ng Miyerkules, January 15, 2025.
Hindi niya napigilang magsalita tungkol sa kasong cyber libel na isinampa ng manugang niyang si Vic Sotto laban sa direktor ng The Rapists of Pepsi Paloma na si Darryl Yap.
Read: Vic Sotto files 19 counts of cyber libel against Darryl Yap
Himutok ni Mommy Chat, “Masama talaga ang loob namin ni Daddy, kasi nakilala namin nang husto si Vic.
"Unfair talaga sa kanya na nadadamay siya sa ganun ng Darryl Yap na yan! Hindi po ganun si Vic, Kuya.”
Nang pumutok ang isyung ito at mabilis na kumalat ang teaser ng kontrobersiyal na pelikula, nakausap daw ni Mommy Chat si Pauleen.
Pinagsabihan daw sila ni Pauleen na huwag magpu-post o magre-react sa mga nababasa nilang mapanghusgang komento mula sa bashers.
RAPE THREATS AGAINST PAULEEN
Pero hindi raw napigilan ng daddy ni Pauleen na si Gene Luna na sagutin ang ilang komento na nabasa nito sa Facebook.
Nagalit daw si Daddy Gene sa sinasabi ng bashers laban kay Pauleen. Meron pa umanong rape threats kay Pauleen kaya apektado talaga sila.
“Kawawa rin kasi si Pauleen, kung anu-ano yung sinasabi nila. Pero ang isa talaga sa inaalala namin siyempre, Kuya, ang mga apo namin,” sabi sa amin ni Mommy Chat.
“Kawawa naman sina Tali at Mochi na nadadamay sila. Wala silang kamuwang-muwang, Kuya."
Sina Tali at Mochi ang dalawang anak nina Vic at Pauleen.
Dagdag pa ni Mommy Chat, “Kami po, wala kaming ginagawa kundi magdasal talaga. Wala po kaming panlaban kundi dasal lang talaga.
“Madaming beses nang nagmilagro ang Diyos sa amin. Basta kampi, kami kay Vic, all the way. Sa Diyos lang po kami takot.
“We’re proud of our son-in-law Vic Sotto.”
Read: Pauleen Luna gets "rape threats" because of teaser, claims lawyer

NOEL FERRER
Marami ang nagtanggol kay Vic Sotto at nagsasabing hindi totoo ang matagal nang akusasyon dito.
Gimik lang daw ito ng namayapa na ring manager ni Pepsi Paloma na si Dr. Rey dela Cruz.

Sabi ni Mommy Chat, “Kilala ko po yan si Rey, Kuya. Wala yan ginawa, utang nang utang sa mommy ko.
“Patay na rin kasi si Mommy. Patay na rin po kasi ang iba pang nakakaalam. Kilala nila si Rey.
“Kaya hindi na siya bago sa akin. Kilala ko si Rey at yung kasama niya, si Conching na friend niya. Pareho sila, utang nang utang sa mommy ko!”
Ang hirap lang daw magsalita dahil patay na ang mga sangkot
Pero naririnig daw noon ni Mommy Chat na laging pinagsasabihan si Dr. Rey dela Cruz tungkol sa mga naiisip nitong gimik.
Sabi ng ina ni Pauleen, “Pero iba siya, Kuya. Sinasabi niya, ‘Ako bahala diyan, kaya ko yan. Ako bahala.’"
Darryl Yap nag-ingay agad with The Rapists of Pepsi Paloma teaser
MOMMY CHAT ON VIC SOTTO
Iginiit ni Mommy Chat na kilala nila ang pagkatao ng kanilang magulang na si Vic Sotto.
Saad niya, “Kilala namin si Vic, Kuya. Nakita namin kung gaano siya kabait sa mga babae.
"Sa stage lang siya minsan na akala mo maloko, pero hindi po siya ganun.”
Bago nagpakasal sina Vic at Pauleen ay masinsinan daw silang nagkausap.
Inilahad daw ni Vic kay Pauleen ang lahat na walang in-edit. Kabilang na rito ang tungkol kay Pepsi Paloma, ang dating sexy star na nagpatiwakal noong 1985.
Ayon kay Mommy Chat, “Ang daming nagsasabi kay Vic na magsalita na, magpa-presscon na siya.
"Kaya naman niya yun e. Pero ayaw niya.
"Hindi naman daw siya guilty diyan. Malinis daw ang konsensiya niya sa binibintang sa kanya.
“Nakita ko sa anak ko kung gaano kabait si Vic. Kaya mahal na mahal niya talaga ang asawa niya. Sobrang mahal na mahal niya si Vic, Kuya.”
Minsan daw ay hindi na ipinaparating ni Pauleen kay Bossing Vic ang ibang nababasa niya sa social media dahil ayaw nitong maapektuhan ang asawa.
Read: Vic Sotto not holding grudges against stars of Pepsi Paloma movie
JERRY OLEA
Sa presscon ng Sante Barley noong Enero 14, 2025, Martes, sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City, tinanong ni Manay Aster Amoyo si Vic Sotto, “Sino si Vic Sotto sa likod ng kamera? Na hindi alam ng publiko…”

Natatawang tugon ni Bossing Vic, “Si Vic Sotto pa rin. Hindi naman siya nagbabago. Hindi naman siya nagbabago ng anyo.
“Ako’y tahimik lang, e. I’m more of a listener than a talker. Kasi, mga kasama ko sa hanapbuhay, sila yung mga madadaldal.
“Yan, sina Allan K, sina Tito [Sotto], sina Joey [de Leon]. E, kung walang makikinig sa kanila, magugulo ang usapan.
“Kahit na when I was growing up, since I was the bunso. Four boys, lahat yun, kailangang pakinggan ko, e.
“So, lumaki akong ganun na tahimik lang. Nakikinig. I only talk when it’s time to talk.
“Pagka bagong kaibigan, pag hindi mo ako kinausap, hindi rin kita kakausapin. Pero pagka kumportable na ako, puwede na tayong magkuwentuhan.
“I’m more of a… I won’t say naman na an introvert. Shy type lang. Mahiyain ako. Kahit na nung bata-bata pa ako, mahiyain ako, e.”
Sa pagtatapos ng mediacon, nagpasalamat si Bossing sa mga dumalo.
Aniya, “Thank you sa pag-iwas sa mga tanong na di tapat tanungin.”
Read: Vic Sotto, may balak sundan ang dalawang anak nila ni Pauleen?
