GORGY RULA
Talagang nanibago ako kay Vic Sotto sa MMFF 2024 official entry na The Kingdom.
Nagkaroon ng advance screening ang pelikula sa Director’s Club ng SM Megamall noong nakaraang Lunes, Disyembre 16, 2024.
Tama ang sinabi ni Bossing Vic na ibang-iba ang The Kingdom nila ni Piolo Pascual sa mga nagawa niyang pelikula.
Hindi mo makikita rito si Enteng Kabisote o ang iba pang karakter na nagampanan noon ng comedian-TV host sa mga pelikulang nagawa niya.
Read: Piolo Pascual raves about Vic Sotto's dramatic prowess
Pagkatapos kong napanood ang advance screening ng The Kingdom, naka-text ko ang misis ni Bossing Vic na Pauleen Luna para sabihin ang honest opinion ko sa pelikula
Sabi ni Pauleen, inaasahan nilang tatanggapin ng fans ni Bossing Vic ang bagong mapapanood nila sa comedian-TV host.
“We felt, like we needed a change,” paunang text sa akin ni Pauleen via Viber.
“Ang tagal na rin niyang gumagawa ng pelikula and it’s just about time to try something new.
“We’re happy with what he has done.”
Read: MMFF 2024: Star power, plus factor sa pagpili ng official entries

THE KINGDOM: ALTERNATIVE REALITY
Isang alternative reality ang The Kingdom.
Ipinakita rito kung ano kaya ang bansang Pilipinas kung hindi ito sinakop ng mga banyaga, kagaya ng mga Kastila at Amerikano.
Nakikita sa kabuuan ng pelikula na binusisi nang husto ang kuwento, pati sa production design, costume, at iba pang detalye.
Wala raw munang spoiler, pakiusap ni Direk Mike Tuviera, kaya hindi ko maidetalye ang kuwento dahil sa bonggang twist ng ending.
Isa itong family drama na ang isa sa katotohanan ng buhay, minsan ang pamilyang pinakamamahal mo at nagbibigay ng inspirasyon sa iyo ay siya pang nagbibigay ng sakit, kahihiyan, at sama ng loob sa iyo.
Pero mahal mo ang pamilya mo, wala kang magagawa kundi tanggapin pa rin ito at patuloy mo pa rin silang mamahalin.
Isa lang ito sa napagtanto ko saThe Kingdom.
Tamang-tama, ito rin ang mensaheng hatid ng pangalawang gabi ng Simbang Gabi kung saan tinalakay ang genealogy ni Hesukristo.
Read: Mike Tuviera explores uncolonized Philippines in The Kingdom
NOEL FERRER
Nang makausap ko si Bossing Vic sa TV5/MVP Christmas Special, sabi ko na ang makagawa lang ng ganitong pelikula ay triumph na para kay Vic!
Yes, maiba naman, at talagang ginastusan at pinaganda nina Direk Mike Tuviera ang The Kingdom.
Ito yung meron kang baon na hindi lang ngiti o tawa kundi higit pang pagmamahal sa bansa natin.
Sana, tangkilikin ito ng tao para maengganyo pa lalo ang producers na gumawa ng pelikulang kakaiba at may laman.
JERRY OLEA
Base sa nakalap kong impormasyon, sa umpisa pa lang ng The Kingdom ay matatanto na ng manonood na kakaibang Vic Sotto ang matutunghayan sa pelikula.
Hindi ko pa ito napapanood, pero batay sa trailer ay may lalim ang kuwento nito, at may ipinahihiwatig sa ating lipunan, kalinangan, sining, at kasaysayan!
Read: Mike Tuviera, mahigpit ang bilin sa press preview ng The Kingdom
