JERRY OLEA:
Sa 57th birthday celebration na 50th showbiz anniversary din ni Sen. Bong Revilla last year ay tampok sa "Pangako Sa ‘Yo" production number sina Jillian Ward at Sharon Cuneta.
Napabalitang magsasama-sama sila sa isang pelikula, pero hanggang ngayon ay hindi pa iyon nag-materialize.
Ang natuloy ay ang special participation ni Jillian sa Season 3 ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis.
Read: Jillian Ward kasama sa balik-TV ng sitcom ni Bong Revilla
Pitong episodes ang nasabing action-comedy series, na magpa-pilot sa Disyembre 22, 2024, Linggo ng 7:15 P.M. sa GMA.
Ang papel ni Jillian ay si Dra. Barbara, na anak ng ex-girlfriend ni Bart aka Tolome (karakter ni Sen. Bong).
Inurirat ng katotong Archie Liao kung ano ang idea ni Sen. Bong sa matinik na misis.
Nakangiting sabi ni Sen. Bong, true-to-life story niya ang action-comedy series na halaw sa mga pelikulang pinagtambalan noon ng maybahay niyang si Congresswoman Lani Mercado.

“Ang matinik na misis sa akin yung matalino, mapagmahal, may puso, at sensitive sa lahat ng mga ginagawa ko,” pahayag ng Titanic Action Star sa mediacon nitong Disyembre 14, Sabado sa Novotel hotel, Cubao, Quezon City.

“At sensitive sa lahat ng ginagawa niya sa tao. Yun ang isang matinik na misis para sa akin. Si Lani iyon, di ba?”
Inusisa kapagkuwan ng katotong Janiz Navida si Sen. Bong kung meron na bang nagpakilala sa kanya na anak pala niya. At kung meron, ano ang reaksyon niya?
Tugon ni Sen. Bong, “Well, kung talagang ano, siyempre una, tanungin mo kung sino ang nanay, di ba?
“Kung dumating ang ganung pagkakataon, ipa-DNA mo. Dahil kung talagang anak mo siya, dapat panagutan mo yon.”
SEN. BONG, HANDA NANG PAKILALA SA PUBLIKO ANG KANYANG MGA ANAK OUTSIDE MARRIAGE?
So far, wala pang ganoong eksena sa tunay na buhay niya?
“Alam ni Lani iyon kung ano yung totoo. Meron, meron… at makikilala niyo rin kung sino sila,” pag-amin ni Sen. Bong.
“Hindi mo naman pupuwedeng itago iyan. Unfair iyon para sa mga bata. Pagka anak mo, aakuin mo, dugo mo iyan… at hindi ko ikinahihiya iyan.”
Maliban kay Sen. Bong, present sa mediacon ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis Season 3 ang co-stars na sina Beauty Gonzalez, Raphael Landicho, Carmi Martin, Niño Muhlach, Maey Bautista, Jestoni Alarcon, Liezel Lopez, Joko Diaz, Boss Toyo, Leo Martinez, at Jeffrey Tam.
Nasa cast din ng third season ng nasabing action-comedy series sina Gloria Diaz, Jay Manalo, Sid Lucero, Ryan Eigenmann, Faith da Silva, Long Mejia, Neil Ryan Sese, King Gutierrez, Jon Lucas, at Roxie Smith.
Sabi pa sa trailer, “At sa kauna-unahang pagkakataon, ang pagtatapat ni Bart sa isang maangas, matapang at misteryosong kaaway o kakampi, si Alias Pogi!”
Read: Senator Bong Revilla ipinagdiwang ang 57th birthday
NOEL FERRER:
Bukod sa third season ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis, ipinagpapasalamat ni Sen. Bong Revilla ang mga biyaya sa kanya ngayong 2024.
SEN. BONG, THANKFUL SA MGA BLESSINGS FOR 2024
“Meron akong bagong apo. Tapos, meron akong lawyer, meron akong anak na doktora, di ba?” sabi ni Sen. Bong.
“Tapos, we’re OK in the [senatorial] survey. We’re doing very well in the survey. Andaming blessings. Nakikita nyo I’m everywhere. Umiikot tayo buong Pilipinas.
“Nakagawa pa ako ng project ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis, but yung trabaho ko sa Senate, I’ve never been late.
“Never been absent. Perfect attendance po ako. At marami tayong performance sa Senado kaya marami tayong award na natatanggap din.”
Ano ang plano ng kanilang pamilya sa Pasko?
“Christmas, dito lang kami sa Cavite, sa farm, the whole family. Nagyayaya kung mga kapatid ko sa Korea but mukhang may gulo yata dun, e,” sambit ni Sen. Bong.
“Baka dito na lang tayo.”
GORGY RULA:
Natapos nang i-shoot ni Sen. Bong Revilla ang seven episodes ng Season 3 ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis.
“Special season ito. Pero masasabi ko, pitong episodes na napakatindi, at tingin ko it’s better than 1 and 2,” sambit ni Sen. Bong.
“Kasi mas buo yung puso. Buo yung sa family values na makukuha mo. At maraming aral na matututunan.
“Ito yung season na natatawa ka pero maiiyak ka, yung ganun. Tapos, at the same time, yung actions natin, matitindi.
“Maraming mga action scenes na talagang death-defying stunts na ginawa, kaya abangan niyo iyan. May underwater scenes.”
SEN. BONG, MAS MAINGAT NA SA KANYANG MGA ACTION SCENES?
Mas maingat na ba siya sa action scenes matapos maputol noon ang kanyang Achilles’ tendon?
“Yung ingat, nandun palagi iyan, e. Hindi ka pupuwedeng hindi mag-ingat sa lahat ng action scenes na gagawin mo, e,” sagot ni Sen. Bong.
“Pero pag nag-grind na kasi yung camera, pag sinabi, ‘O, action!’ — nawawala na yung takot mo, yung fear mo. Lahat ng ano, gagawin mo, e.
“Kahit sinasabi ni Direk [Enzo Williams], ‘O, eto lang ang gagawin mo, ha?’ Siyempre, fresh pa yung wound ko. ‘No, I’ll do it!’ ‘O, o, o, o!!!’ gumaganun sila.”
Wala namang aksidente sa shoot ng Season 3?
“Sa akin, yung aksidente, sa effects, minsan tinatamaan ako. Black and blue, minsan may mga dugo pa,” pagmumuwestra ng actor-politician.
“But that’s normal. Kaya makikita nyo sa mga behind-the-scenes natin na talagang… ganun talaga ang action. May mga blasting.”
