JERRY OLEA
Ngayong kainitan ng promotion ng sampung official entries ng 50th Metro Manila Film Festival (MMFF), naging usap-usapan itong paglimita umano ng GMA-7 sa mga pelikulang nagpo-promote.
Isa sa napag-alaman namin ay naka-schedule na dapat ang Espantaho stars na sina Judy Ann Santos at Lorna Tolentino na maglaro sa Family Feud, at interview kay Kuya Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda.
Pero sa kung anong kadahilanan, hindi raw natuloy.
Read: MMFF 2024: Star power, plus factor sa pagpili ng official entries

Ayon sa ilang nagkuwento sa PEP Troika, hindi raw iyon in-allow dahil kabilang sa kino-consider para makapag-promote ay, una, production ng GMA-7, at pangalawa, kung ang TV rights ng pelikula ay ibibigay sa Kapuso Network.
Ibig sabihin, kung walang koneksiyon sa Kapuso Network, hindi raw sila ina-allow na makapag-promote sa ilang programa ng GMA-7.
Pero sa It’s Showtime na napapanood sa GMA 7, nakakapag-promote siyempre si Vice Ganda ng And The Breadwinner Is…
Naririnig na namin noong may ganitong patakaran sa GMA-7, at tila salungat ito sa sinasabing magtulungan tayo para sa ikauunlad ng ating film industry.
GMA-7 INSIDERS EXPLAIN
May ilang taga-GMA-7 kaming napagtanungan, at ipinaliwanag sa amin kung ano ang nangyari.
Ang sabi nila, naa-accommodate daw na makapag-promote ang ibang filmfest entries sa ilang live shows kagaya ng TiktoClock at Fast Talk With Boy Abunda.
Pero ang ilang programa, kagaya ng All-Out Sundays, next year na raw ang susunod nilang taping dahil nakapag-advance na sila ng maraming episodes.
Ganundin sa Family Feud na sobrang advanced na raw ang tini-tape nila. So, hindi rin aabot sa pagpo-promote ng MMFF.
Gaya noong MMFF 2023, may official entry ang GMA Pictures sa MMFF ngayong 2024 — ang Green Bones na pinagbibidahan ng Kapuso stars na sina Dennis Trillo at Ruru Madrid.
Read: MMFF chairman, tinawanan ang intrigang may pinapaborang entries

GORGY RULA
May ilan din kaming nakausap at nilinaw na kino-cover ng GMA News ang iba’t ibang events ng mga pelikulang kalahok sa MMFF 2024, kagaya ng media conference, premiere night, mall shows, at iba pa.
Pero may ilan pa ring nagko-complain ng ganitong isyu.
Sa panahon ngayon na iilan lang talaga ang kumikitang pelikula, sana raw ay magtulungan ang lahat para maibalik ang sigla ng local movie industry.
Sa panig ng MMFF Executive Committee at MMDA, ginagawan nila ng paraan na mai-promote ang lahat ng entries.
LINO CAYETANO'S MMFF EXPERIENCE
Napag-usapan namin iyan ni Direk Lino Cayetano nang magkasama kami sa Singapore para sa Asia TV Forum.
May entry sila two years ago, ang Nanahimik Ang Gabi. Hindi naman daw sila pinabayaan ng MMFF pagdating sa promo.
Sabi ni Direk Lino, “Kasi kami, sagot ng MMFF, nagpa-streamers sila buong EDSA. Sagot ng MMFF yun. Tapos binigyan kami ng 500,000 through TikTok, sagot ng MMFF.
“So, baka naman may paraan na ulo sa ulo na lang, mag-usap na yung liderato ng Metro Manila Film Festival at MMDA, diretso sa network.
“Maybe that’s something we can do for the networks. Kasi, airtime yung ibibigay sa atin.
"Pero tama kayo, huwag nang ipasan ang problemang yun sa mga producer na hirap na hirap nang pakitain ang kanilang mga pelikula."

Kahit ngayong taon ay nakikita rin naman sa MMFF at MMDA ang pagpupursiging ma-promote ang entries ng filmfest.
Nagkaroon ng grand media and fan con para sa sampung kalahok noong Disyembre 6, Biyernes, sa Quantum Skyview ng Gateway Mall 2, Cubao, Quezon City.
Read: MMFF 2024 grand media and fan con sidelights
Imbitado rin ang lahat ng MMFF 2024 stars sa Konsyerto sa Palasyo para sa Pelikulang Pilipino, na gaganapin sa Disyembre 15, Linggo, sa Kalayaan Grounds ng Malacañang Palace.
Siyempre, andiyan din ang Parade of Stars sa Disyembre 21, Sabado, kung saan Manila ang host city.
NOEL FERRER
Nag-post ako ngayon sa Facebook na nakatambad na sa EDSA ang tarps ng mga pelikulang kalahok sa MMFF 50.
Umpisa pa lang iyan. Marami pang promo efforts na nakalinya na sana talaga, makahikayat sa mga taong panoorin at suportahan ang mga pelikula sa filmfest.
Read: Mike Tuviera explores uncolonized Philippines in The Kingdom
MMDA AND GMA-7 meeting
Nagkaroon na ng paunang pag-uusap si Atty. Don Artes, ang MMDA/MMFF chair, at GMA Pictures Head na si Annette Gozon-Valdes tungkol sa guestings at promo ng ibang MMFF 2024 entries sa kanilang shows.
Sabi ni Annette ay bukas ang GMA rito.
Baka may kailangan lang ayusing mga detalye lalo na kung may kaakibat na bentahan ng commercial spots.
May nakausap tayong film producer na nagsabing imbes na bumili ng TV spots na sadyang mahal, dahil GMA-7 ang may reach at franchise, nag-restrategize sila at inilagay na lang ang funds sa provincial promo tour at social media visibility rin.
Read: Judy Ann at Gladys, magkaibigan pero magkatapat sa MMFF 2024
Tingnan natin ang galawang promo sa mga darating na araw.
I’m sure, mas titindi pa ang pressure para makuha ng entries ang interes ng masa.
Sa SM Cinemas nga, may advance tickets sales na.
Pero ang tanong diyan, depende ulit sa clustering, ilan bang SM Cinemas ang nakalaan sa iba’t ibang film entries?
Basta, ang maganda riyan, kung gusto ninyo ang pelikula, hahanap dapat at hahanap ng paraan para suportahan ito… kahit maraming challenges talaga!!!
