GORGY RULA:
Hindi napigilang ilabas ni Louise delos Reyes ang kanyang nararamdaman sa mga nangyayari sa atin ngayon nang napag-usapan ang krimeng nagaganap sa ating bansa.

Sa media conference ng pelikulang Pasahero ng Viva Films at JPHLiX Films, tinanong silang lahat sa panel kung sakaling may nasaksihan silang krimen, may gagawin kaya sila o hahayaan na lang dahil sa takot na baka madamay pa.
Sa kuwento kasi ng pelikula ay meron silang nasaksihang krimen sa isang tren na sinakyan nila, pero wala silang ginawa dahil sa sobrang takot.
Bukod kay Louise, kasama rin dito sina Bea Binene, Mark Anthony Fernandez, Katya Santos, Andre Yllana, Yumi Garcia, Rafa Siguion-Reyna, Kean Johnson, at Danni Zee.

Suspense-horror ang pelikula na kung saan binabagabag sila ng krimeng nasaksihan nila, at binalikan sila nung biktima.
Kaya sa question and answer portion ng mediacon nito na ginanap sa Viva Café noong Biyernes, September 13, tinanong sila kung sakaling mangyari sa kanilang may nasaksihan silang krimen, ano ang gagawin nila?
Ibinahagi ng direktor ng pelikulang ito na si Roman Perez, Jr. at nasaksihan niyang tila may binabalak na masamang gawin ang dalawang lalaki sa isang babaeng nagdya-jogging lang sa Quezon City.
May ginawa siya para hindi ito matuloy, at naligtas ang babaeng iyun.
LOUISE, NANAWAGAN PARA SA POLITICAL VIGILANCE
Pero parang nabahiran ng pulitika ang ibinahaging opinyon ni Louise delos Reyes. Pero gusto lang daw talaga niyang sabihin yun at opinyon niya ito.
“Ayokong maging masyadong political. Yung krimeng nangyayari sa Pilipinas ngayon ay nakikita natin everytime na merong session hearing,” pakli ng aktres.
“I respect na meron po tayong iba’t ibang opinyon at suhestiyon sa bawat nagaganap sa Pilipinas pero, I think sa susunod na eleksiyon, maging mindful na tayo sa kung sino ang ini-elect natin.
“Let’s all be mindful sa mga taong nilalagay sa posisyon, and sana po ang lagi nating isipin ang Pilipinas, tayong mga Pilipino, ang mga generation na susunod, ang magiging anak, magiging apo natin.
“Kasi yung nangyayari sa atin ngayon, hindi lang naman dito nangyayari yun e, sa ibang bansa din. At sabihin mo, hindi naman nawawala ang mga corrupt na tao, ang mga patayan.
“Pero meron tayong konting magagawa para sa lipunan natin. Yun ang manood, mag-repost kung ano man yung… alam mo yun. Kailangan lang kasi maliwanagan yung mga tao about sa mga crime at mga nangyayari ngayon sa Pilipinas,” dagdag ni Louise.
Sa October 9 na pala magso-showing sa mga sinehan itong Pasahero.
Read:
- Louise delos Reyes, nagawang malampasan ang suicidal thoughts
- Louise delos Reyes, prangka sa pakikipag-live-in; all-out sa love scene with Diego Loyzaga
NOEL FERRER:
Umayon ang co-stars ni Louise sa mga sinabi nito.
LOUISE STATEMENT, SINANG-AYUNAN NI BEA BINENE
Sabi ni Bea Binene, “Sinu-support ko yung sinabi ni Louise din, kasi yung sinasabi niya na dapat makialam tayo, kasi importante yun, e.
“Kumbaga, para sa buhay din natin yun. Dapat makialam. Dapat alam natin and not just makialam to the point na nagme-meddle tayo na mema lang, na kailangan alam din talaga natin.
“Siguro, kung may ma-witness po ako na kung anong crime man katulad dito sa Pasahero, I think it’s just important what we know what to do first, or na dapat talagang…. kumbaga, kailangan may gawin ka.
“And ako, knowing myself, ganun po akong tao, e. Hindi man ako, like kunwari during sa action na, ‘Hoy, stop na ano ahhh sure ako na meron akong gawin.’ Like, sasabihin ko sa mga kinauukulan o mag-reach out to the victim, hahanapin or something.
“Parang importante na maging mindful na makialam din tayo sa mga tao rin sa paligid natin.”
JERRY OLEA:
Nagbigay ng sariling opinyon si Direk Roman Perez, Jr. sa mga sinabi ng dalawang lead actress ng Pasahero. Kinonek niya ito sa kanyang pelikula.
Ani Direk Roman, “Meron kasing dalawang bagay na pakikialam, no? Yung pakikialam na… yes, naghe-help ka. May action, tama.
“Ang mensahe ng pelikula, okay, hindi ka makikialam, pero opposed ka. Mas masakit yun. Iyun yung punto ng pelikula.
“Alam mo yung krimen, pero wala kang ginawa. Iyun yung parusang nararanasan ng mga characters dito sa Pasahero.
“Alam nating may krimen, pero wala tayong ginawa, binoboto pa natin. Iyun yung point.”
