JERRY OLEA:
Coming soon: MMFF-themed mural designs sa EDSA!
Nagpirmahan ng memorandum of understanding (MOU) ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iAcademy nitong Agosto 15, 2024, Huwebes ng hapon, sa MMDA Bldg., Julia Vargas Ave., Pasig City.
Magpe-paint ang iAcademy students ng murals ng posters ng iconic films ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng MMFF, na ang tema ay “Sine-Sigla sa Singkwenta.”

Nakatakda sa Setyembre 10 ang pagpi-paint ng murals sa EDSA, mula Buendia hanggang Ayala, na humigit-kumulang 653 metro ang haba.
Maliban sa mga estudyante ng iAcademy ay isang sikat na female celebrity ang panauhin sa painting session.
Pahayag ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na chairman din ng 2024 MMFF ExeComm:
"On behalf of MMDA, kami po ay nagpapasalamat sa iAcademy sa inyong suporta sa aming ahensya.
"Ito po ay hindi lamang magpapaganda ng mga walls na supposedly bare, na minsan nilalagyan pa ng graffiti.
"Magkakaroon siya ng mga artworks. Marami diyan ay tungkol sa adbokasiya ng road safety.
"And at the same time, makakatulong para i-promote iyong 50th anniversary ng MMFF.
"Ito po ay nasabi na namin na dahil 50th edition ng MMFF ngayong taon, gagawin po nating nostalgic iyang EDSA.
"Kung makikita ninyo, iyong mga old posters po, hindi lang siguro ito inabot ng inyong mga estudyante dahil bata sila.
"For your information, young kids, ang posters noon ng mga sinehan particularly mga billboards ay hand-painted. Before."
Ginawang halimbawa ni Chairman Artes ang posters ng mga pelikulang Captain Barbel Boom! (1973), Babaeng Mandarambong (1956), Alyas Palos II (1982), at Ang Panday: Ikatlong Yugto (1982).
Pagpapatuloy ni Chairman Artes: "Iyong Panday na posters before, pini-paint ito sa malaking canvas. Then ito ang inilalagay na tarpaulin noong araw. Hindi pa printed.
"So handpainted po ito. So gagawa rin tayo nito sa EDSA. Yung iba’t ibang MMFF movie na ganito pa ang posters ay ating ire-replicate sa EDSA.
"Again nostalgic yan, pag dumadaan ka sa EDSA, maaalala mo yung mga childhood movies na favorite mo noong araw.
"Kumausap na rin kami ng mga ang trabaho dati ay magpinta ng ganito para i-replicate nila yung kanilang mga ginawa katulong ang mga estudyante ng iAcademy."
Read: DongYan's Rewind is now the highest-grossing film in PH domestic sales
GORGY RULA:
Sa napakaraming magagandang MMFF entries mula 1975, paano pinili ang posters o billboards na ire-replicate ng iAcademy students sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA)?
"Well, unang-una, nag-research tayo sa internet. Yung may mga available pa na pictures ng mga old posters nga at billboards," tugon ni Chairman Don Artes.
"Tapos kailangan kasi naming ipagpaalam sa producers. Kasi baka magka-violate tayo ng copyright.
"So, kung ano yung available at nakapagpaalam tayo, yun po ang ire-replicate natin dito sa wall sa EDSA.
"In the same manner, part din po ito ng Sine Sigla sa Singkuwenta, kung saan nga marami na tayo ring naipon na mga movie titles na mga old movies, and classic movies.
"In fact yung isa nga, dala ngayon sa New York. Ipinalabas doon sa Philippine Fiesta sa New York."
Ang tinutukoy ni Chairman Artes ay ang Jose Rizal na humakot ng 17 awards sa MMFF 1998. Pinagbidahan iyon ni Cesar Montano, at idinirek ng National Artist na si Marilou Diaz-Abaya.
Magpapalabas din daw ng classic MMFF movies sa mga sinehan sa Pilipinas.
Pagpapatuloy ni Chairman Artes, "Iyan ay gagawin din natin sa Pilipinas. Marami na kaming naipon na titles na mga old MMFF movies na ipapalabas natin sa mga sinehan sa buong Pilipinas na P50 lang ang bayad sa sine.
"So, para makita lalung-lalo na ng mga kabataan na magaganda iyong mga pelikulang naprodyus ng MMFF."
May target ba silang kikitain sa pagpapalabas ng old MMFF movies sa halagang P50?
"Well, actually, wala ka namang kikitaing masyado sa P50 per person. Napakaliit niyan," saad ni Chairman Artes.
"Hindi namin siya ginawa para pagkakitaan. It’s more on awareness na sa 50 years, magaganda yung movies na na-produce ng MMFF.
"At the same time, ma-expose yung mga bata na hindi pa inabot itong mga pelikulang ito, nang makita nila iyung mga classic movies na na-produce nga po ng MMFF.
"So we’re not after the profit dito kaya nga P50 lang yung bayad."
May mga katuwang ang MMDA at MMFF ExeComm sa Sine Sigla sa Singkuwenta. Andiyan ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) na pinamumunuan ni Direk Jose Javier Reyes, at ang Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP).
"And at the same time, yung mga producers po nitong mga pelikulang ito na ipinahiram po halos nang libre yun pong kanilang mga pelikula," dagdag ni Chairman Artes.
"Like GMA Network, yung mga restored film nila na Muro-ami. FDCP, may 30 titles. Ang ABS-CBN, marami rin pong ipinahiram na pelikula sa atin."
Read: Gabs Gibbs engaged to Marga Bermudez
NOEL FERRER:
Ilang posters ng previous MMFF official entries ang gagawan ng murals sa EDSA?
"Hanggang kaya naming mag-paint, may katulong naman po tayo sa iAcademy na mag-paint," sagot ni MMDA Chairman Don Artes.
"Then yun nga, nagko-communicate kami sa mga ang trabaho dati ay magpinta ng ganyan.
"Kasi natatandaan ko, inabot ko yan nung bata-bata pa ako sa Recto. Kalimitan kung inyong natatandaan, doon pinipinta kalimitan yan. So nadadaanan ko yan.
"So, we’re communicating yung mga owners ng sinehan, lalung-lalo na sa Recto area na maka-hire kami ng mga dating nagpipinta.
"At yan po ay makakatulong ng mga estudyante ng iAcademy sa pagre-replicate nitong mga old posters na ito sa kahabaan po ng EDSA."
Nagpasalamat ang chief operating officer ng iAcademy na si Ms. Raquel P. Wong sa pagtitiwala ng MMDA.
Ani Ms. Wong, ang programa ng MMFF-themed murals “symbolizes our shared commitment and uses creativity to enhance our public spaces.
“The artworks of our students will showcase not only their skills but the Filipino life, community, and creativity.
“We are excited to show that these artworks will inspire and remind everyone of the power of creative collaboration in shaping our urban environment.”
Ang iAcademy ay isang specialized Computing, Business, and Design academic institution.
