JERRY OLEA
Naka-mobility scooter si Senator Bong Revilla Jr. nang dumating sa huling gabi ng lamay ni Direk Carlo J. Caparas nitong Mayo 27, 2024, Lunes, sa Golden Haven, C5 Extension, Las Piñas City.
Kasama ni Senator Bong ang maybahay na si Congresswoman Lani Mercado. Dalawa sa mga bodyguard nila ay may dalang walker at scooter.
Read: Carlo J. Caparas dies at 80
Teary-eyed si Bong nang makausap sina CJ at Peach Caparas sa harap ng urn ng cremains ni Direk Carlo J. Sina CJ at Peach ay mga anak nina Direk Carlo J at Donna Villa (na noong Enero 2017 pa pumanaw).
Sabi ni Bong, hindi puwedeng hindi siya magbigay-pugay kay Direk Carlo J.
“Hindi ko na siya ma-reach, 'no… eto na lang yung nabalitaan ko na wala na siya. In fact, last month pinapahanap ko siya, cannot be reached talaga,” pahayag ni Bong.

BONG REVILLA CONSIDERS CARLO J. CAPARAS HIS MENTOR
Pagkalabas ng actor-politician sa kulungan noong Disyembre 2018 ay kinausap agad niya si Direk Carlo J. para sa comeback project niya.
Pagsisiwalat ni Bong, “Palagi, palagi ko siyang kausap. Lumabas ako, maski noong nasa loob ako, palaging nagme-message iyan sa pamilya ko. Kausap niyan si Bryan [Revilla, his eldest son], si Lani.”
Sambot ni Lani, “Kasi, Bong celebrated his 50th showbiz anniversary. Hindi puwedeng wala si Direk Carlo sa kasaysayan ng showbiz career niya.
“So we had to chase him, kailangan namin siyang makausap.”
Singit ni Bong, “Wala na, hindi namin makita, 'no?”
Pag-ayon ni Lani, “Hindi namin siya mahagilap. So I think we used his old videos.”
Napatango si Bong, “It’s so sad. Nung nalaman ko nga, parang… wow! Nauubos na yung mga ano ko, mga kaibigan nating mga haligi, mga mentor ko.
“Pero ganun pa man, sabi ko nga, kahit wala na si Direk Carlo, mananatili pa rin siya sa ating puso, sa ating alaala. Dahil malaki ang naiambag niya sa industriya ng pelikula, industriya ng telebisyon, maging sa komiks, sa pagkatha.
“Ako, sa tingin ko, iisa lang ang Carlo J. Caparas. Sa utak niyan, ilang script ang dumadaan sa isip niya paggawa ng komiks. Andami niyang komiks na lumalabas at nung panahon na yun, di ba?
“Minsan singkuwenta, sisenta. At the same time, isang araw, iba-ibang story yung sinusulat mo. So, anong klaseng utak meron ka? Talagang he’s a genius.
“Kaya sabi ko nga, dapat talagang siya yung maging National Artist!
“Ire-revive natin ulit, maibalik yung pagka-National Artist niya.”

NOEL FERRER
Si Carlo J. Caparas ang nagsulat at nagdirek ng launching film ni Senator Bong na Dugong Buhay (1983), na nagtampok din kina Ramon Revilla Sr., Maria Isabel Lopez, Eula Valdez, Paquito Diaz, Charlie Davao, at Rosemarie Gil.

Pagbabalik-tanaw ni Bong, “Si Direk Carlo, straightforward yun. Pag sinabi niya sa iyo, eto yan. So ituturo niya sa iyo.
“E, nung nagsisimula ako, hindi naman ako masyadong marunong umarte. Siya lahat ang nagturo sa akin — yung pagtiim-bagang na ganito, iyong trademark ni Bong Revilla. Sa kanya yon.
“Kaya hindi pupuwedeng makalimutan. Alam mo na, pag gumawa ng dayalog si Direk Carlo, napakalalalim… Iyon ang training ko sa kanya.
“Para ko na siyang tatay, e. Iba iyong pag-aalaga niya maski nung panahon na down ako.
"Sabi niya, ‘Alam mo, lahat tayo, dumadaan sa pagsubok pero lilipas iyan, lilipas iyan.’ Kaya kapit lang ako.”

GORGY RULA
Nakangiting pahayag ni Lani patungkol kay Direk Carlo J, “Saksi siya sa aming pag-iibigan! Ha! Ha! Ha! Ha! Actually, binabalik-balikan ko yung first movie namin together.
“Yung dayalog niya was very different. Malalim, Pilipinong-Pilipino, Tagalog na Tagalog.
"Saka kapag merong ipinaglalaban sa mga ideology nung pelikula, talagang damang-dama mo sa bawa’t letra ng binabanggit mong dayalog sa pelikula. Iba, iba.”
Unang nagtambal sina Bong at Lani sa pelikulang Sa Dibdib ng Sierra Madre (1985), na isinulat at idinirek ni Carlo J. Caparas.

BONG & LANI 38TH WEDDING ANNIVERSARY
Siyangapala, ang mensahe ni Bong sa Facebook para kay Lani ngayong Mayo 28, Martes, “Happy 38th Wedding Anniversary sa aking pinakamamahal na kabiyak, Mama Lani M. Revilla!
“Sa paglipas ng panahon ay lalo ko pang ipinagpapasalamat sa Diyos Ama ang ipinahintulot Niyang biyaya upang tayo’y maging isa sa harap ng dambana.
“Hindi man palaging perpekto ang araw-araw pero masasabi kong ikaw talaga ang aking tadhana.
“Your love, patience, understanding, and unwavering support have been my anchor. I'm endlessly grateful for every moment with you. Here's to many more years of happiness together!
“I love you, Mama! Ikaw ang aking forever!”
