JERRY OLEA
Napagod nang bonggang-bongga si Joyce Cubales bilang Emperatriz Elena sa Grand Santacruzan 2024 ng Leveriza-Malate, Manila, noong Linggo, Mayo 12, 2024.
Tsurang nag-Alay Lakad ang 69 anyos na si Ms. Joyce, na kinatawan ng Brgy. Baesa sa Miss Universe-Philippines Quezon City 2024.
“Masakit ang paa!” pagtawa ni Ms. Joyce nang kumustahin siya ng PEP Troika sa Mannra Hotel, Quirino Avenue, Manila matapos ang Santacruzan.
“Tatlong oras, di ba? Tatlong oras tayong naglakad, e. Sabi nila, maikli lang daw!
“Hindi naman ako nahilo actually. Kaya lang I have to remember next time, I have to wear very comfortable shoes talaga.
“Hindi ko naman alam na ganun kahaba tayo maglalakad!”

JOYCE CUBALES, BARBIE NG SANTACRUZAN
Maayos ang daloy ng naturang Santacruzan kung saan mahigit 90 ang sagala, na ang mga tsikiting ay naka-pedicab.
Marami sa mga sagala at konsorte ay may bitbit na portable fan (mini man o regular-sized), at ang kasama ay may mineral water.
Malaking tulong ang mga taga-Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nag-assist sa pagtawid ng Santacruzan sa Quirino Avenue.
“OK lang saka organized naman sila. Masaya naman. Inayos naman nila lahat, di ba?” sambit ni Ms. Joyce.
“Natutuwa ako, may sumisigaw na, ‘Barbie!’ ‘Miss Baesa!’ Ang ganda-ganda ko raw, ako raw ang pinakamaganda.
“Ay! Nakakatuwa naman yun, Diyos ko! Parang music to my ears! Iyong iba nga, tinatawag pa ako, ‘Ms. Joyce!’ O, di ba?
“Yung mga bata, nakakatuwa. Kaway nang kaway tapos nagpapa-picture. Masaya naman, masaya naman.
“Kahit siyempre napapagod ako, siyempre, nakangiti silang lahat, di ngingitian ko din naman, ano? Masaya naman!”
JOYCE CUBALES' HAND-PAINTED GOWN
Takaw-pansin ang gown at mahabang kapa ni Ms. Joyce na may hand paintings.
Si Ms. Joyce mismo ang nag-paint ng mga iyon.

Six months bago niya natapos iyong painting sa gown, samantalang iyong sa kapa ay eight months niyang binuno.
“Kasi siyempre, may iba pa akong ginagawa. Hindi lang yun. Mas mabilis sana kung tinutukan ko iyon,” sey ni Miss Joyce.
“Museum piece nga yun, e. Kasi, di ba, pangarap kong magkaroon ng museum one day. Sabi ko, ilalagay ko yun dun.”
May mga organizers ng Santacruzan na gaganapin sa isang parokya sa Quezon City sa Mayo 31 ang namangha sa gown kaya inimbitahan din siya sa sagala.
"They were telling me na OK lang na isuot ko uli yung suot ko kanina because they liked it very much kaya nila ako in-approach," masayang lahad ni Joyce.
NOEL FERRER
Naghahanda na si Ms. Joyce para sa exhibit ng kanyang hand paintings na acrylic.
“Meron din akong ginawang ceramic plates and vases. Ngayong year siguro, gagawin namin yung exhibit. Matagal din iyong process, e,” saad niya.
“May nag-offer kasi sa akin na gallery. So pinag-iisipan pa namin ng mga friends ko if we will collaborate in a group exhibit.”
Maraming hand-painted scarves, kurbata, at T-shirts si Miss Joyce.
Aniya, “Kasi pinag-aralan ko iyan sa Germany when I was there. Nag-aral ako ng sculpture, painting, tapos silk painting, at sinabay ko yun sa pag-aaral sa university ng classical music.”
Siyanga pala, ang Hermanos Mayores sa Grand Santacruzan 2024 ng Leveriza Malate ay si Atty. Donato Espino at ka-Troikang Jerry Olea.
Ang Hermano sa Misa ay si Kgg. (Kagalang-galang) Victor Acierto. Ang pangulo ng Comite de Flores de Mayo 2024 ay si Maecy Pagtakhan Codamon.
Kabilang sa opisyales ng komite sina Kgg. Maria Rosario Nacino ng Brgy. 710, Jesus Olivares Jr., Catherine Almando, Alexis Clouie Fernandez, Ezekiel Abad, at Anthony Rubio.
GORGY RULA
Maliban sa Santacruzan o Flores de Mayo, sandamukal din ang mga fiesta sa Pilipinas kung Mayo.
PAHIYAS 2024
Ang pinakamakulay na festival sa bansa ay ang Pahiyas sa Lucban, Quezon (hometown ng ka-Troikang Jerry) tuwing Mayo 15, kung saan pinapasalamatan at pinaparangalan ang patron ng mga magsasaka na si San Isidro Labrador.

Maraming bayan sa lalawigan ng Quezon, maging sa iba pang mga bayan sa iba’t ibang probinsiya ang nagdiriwang ng kapistahan ni San Isidro Labrador tuwing Mayo 15.

Dinarayo ng mga turista taun-taon ang Pahiyas dahil ang mga bahay na daraanan ng prusisyon ay may makukulay na dekorasyon.
Napaka-Instagrammable ng mga palamuti!

Ante-bisperas pa lang ng Pahiyas nitong Mayo 13, Lunes, ay ang dami nang namimiyesta, dahil ang daming aktibidades araw-araw, gabi-gabi.
Doon pa lang sa dekorasyon ng Buddy’s ay sulit na ang pagsasadya ng mga turista.

Aba’y unang linggo pa lang ng Mayo ay maigting na ang pagdedekorasyon nila!
Exempted na iyon sa pagandahan ng dekorasyon, dahil sa tuwi-tuwina’y nagdo-donate sila ng mga papremyo.

Mula Mayo 13 hanggang Mayo 15 ay hindi na pinapapasok sa bayan ang mga sasakyan ng non-residents ng Lucban. Ganoon din ang mga jeep, na humihimpil sa labas ng bayan.
Kaya ang mga sasakyan ay nagpa-park sa may diversion road o bypass road, papunta man o galing sa mga katabing-bayan na Luisiana, Tayabas, at Majayjay.
Nabalitaan ng PEP Troika sa ilang opisyales ng LGU na may mga kilalang pulitiko na mamimiyesta sa Pahiyas.
Asahan na sa bawat kanto ng daraanan ng prusisyon ay may mga pulis na nakabantay.
Sinabi ni Lucban Mayor Tenten Villaverde na in-assure ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan na sapat ang itatalagang kapulisan sa Pahiyas 2024.

Nakausap sandali ng PEP Troika si Mayor Tenten nitong Mayo 13, Lunes ng gabi, sa Patio Rizal, malapit sa stage na nasa harapan ng munisipyo.
