GORGY RULA
“Not meant pa talaga sa ngayon,” malungkot na pakli ni Senator Bong Revilla nang kinumusta ko siya noong Martes, Mayo 7, 2024.
Ang kanyang tinutukoy ay ang pagbabalik-pelikula niya.
Nakapag-first shooting day na siya ng Birador: Alyas Pogi 4, pero naaksidente siya at kinailangang sumailalim sa operasyon.
Read: Bong Revilla, tuloy ang operasyon para sa napunit na Achilles tendon
Sa kalagayan niya ngayon, malabo talaga siyang makapag-shooting dahil ilang buwang ite-therapy ang kanyang paa.
Ilang linggo na ang nakaraan ay inoperahan ang kanyang Achilles tendon dahil sa tuluyan itong napunit.

BONG REVILLA UNDERGOES THERAPY
Pagkatapos ng operasyon ay dalawa hangang tatlong linggong hindi niya puwedeng itapak ang paa, at tatlo hanggang limang buwan siyang ite-therapy. Kaya dapat niyang ingatan at hindi siya puwedeng mag-aksyon.
Read: Bong Revilla sasailalim sa therapy for 3 months, pero "tuloy ang trabaho ko"
Punung-puno ng action scenes ang naturang pelikula kaya mahirap daw talaga.
Habang nakatengga ang project na ito, maaring lalo pa nilang puliduhin ang script at maaring late this year o next year na raw nila ire-resume ang shooting.
Sa kabila ng kanyang kalagayan, sinikap pa rin ni Senator Bong na makadalo kahit online sa mga sessions sa Senado.
Nakalabas lang siya ngayong araw dahil sa pagpirma nila ng agreement ng pagsasanib ng Partido Federal ng Pilipinas at Lakas-CMD, kung saan siya ang chairman.
NOEL FERRER
Masaya si Senator Bong dahil nadalaw siya ng co-stars niya sa GMA-7 action-comedy series na Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis nung Linggo kung saan sabay-sabay nilang pinanood ang finale episode nito.
Hindi pa raw niya masabi kung magkakaroon ba ng Season 3 dahil dito dapat sa movie project siya naka-focus.
Siya ang napiling Best Comedy Actor sa Box Office Entertainment Awards na igagawad ang parangal sa Linggo, Mayo 12, sa Henry Lee Irwin Theater sa Ateneo de Manila.
Ang partner niya sa Walang Matigas… na si Beauty Gonzalez ang napiling Best Comedy Actress.
Read: Box Office Entertainment Awards 2024: DongYan, KathDen win top honors
Isa rin si Senator Bong sa awardees sa 72nd FAMAS Awards, pero hindi pa raw niya matiyak kung personal niya itong matanggap.
Pero ibang klase rin ang FAMAS, iba talaga sila.
JERRY OLEA
Nagtambal sina Sharon Cuneta at Bong Revilla sa pelikulang Pangako Sa ‘Yo (1992) ng Viva Films.
Sa birthday special ni Senator Bong last year, tampok sina Sharon at Jillian Ward sa production number na inawit nila ang Pangako Sa ‘Yo.
Akala natin ay iyong movie with Sharon and Jillian na ang comeback film ni Senator Bong, na ilalahok sana sa 50th Metro Manila Film Festival sa Disyembre 2024.
Read: Bong Revilla-Sharon Cuneta movie bubungad na pasabog sa taong 2024?
Lumutang ding magsasanib-puwersa sina Senator Bong, Senator Robin Padilla, at Coco Martin sa isang maaksyong pelikula, na pang-MMFF din sana.
Read: Bong Revilla, Robin Padilla, Lito Lapid, at Coco Martin magsasanib-puwersa sa pelikula
Pero ang sinimulan ni Senator Bong ay ang Birador: Alyas Pogi 4, kung saan co-stars niya sina Christopher de Leon, Carlo Aquino, Andrea Brillantes, Ara Mina, at Epy Quizon.
Kaso, tuluyang napunit ang kanyang Achilles tendon. Kailangang magpahinga muna siya, at bawal ang matitinding action scenes.
Dalangin nating maka-recover si Senator Bong sa lalong madaling panahon.
