GORGY RULA
Mukhang na-miss ng mga fans ang pagbabalik-acting ni Marian Rivera sa TV kaya maganda ang resulta ng rating ng fantasy-drama niyang My Guardian Alien.
Read: Why Marian Rivera agreed to play alien in comeback TV series
Ipimalabas ang pilot episode nito nung Lunes, April 1, 2024, at nakakapagtala ito ng 11.1% rating.
Ang katapat nitong Linlang ay 9.4 percent.

Sumunod sa My Guardian Alien ang Asawa ng Asawa Ko na naka- 6.3%, habang ang katapat nitong Can’t Buy Me Love ay naka-5.7%.
Mababa na talaga ang viewership sa telebisyon kaya masaya na kapag maka-double digit ang rating ng isang palabas.
Habang umeere ang My Guardian Alien ay nag-trending si Marian Rivera. Nakikita kung paano siya suportahan ng kanyang fans.
Gumaganap si Marian bilang alien sa fantasy drama na ito ng GMA-7.
Sa nakaraang media conference My Guardian Alien ay sinabi niyang hindi siya mapagpaniwala sa alien. Pero dahil sa ganda ng kuwento ng kanilang serye, parang naniniwala na raw siya.
“Ang ganda naman kasi ng kuwento. Kung totoong may ganitong klase ng alien sa buhay ng mundo ng tao, parang ang sarap niyang maging kaibigan,” bulalas ni Marian.
Inaasahan nilang tuluy-tuloy ang pagtangkilik ng mga manonood sa My Guardian Alien. Ang saya lang daw kasi sa set nila, walang kanegahan.
Read: Kiray Celis refutes "horror stories" about Marian Rivera
Halos iisa ang komento ng co-stars ni Marian: lagi silang binubusog sa mga dala nitong pagkain.
Pahayag ni Gabby Concepcion, “Masarap kasama yan dahil parati nagpapakain yan. Napaka-generous niyan. Talagang ano siya, nanay ng pamilya talaga. Lahat pinapakain niya.
“Marian, maraming salamat sa iyong kabaitan, sa amin lahat.”
Read: Gabby Concepcion, natuloy na ang pakikipagtambal kay Marian Rivera
Na-enjoy rin ng bagets na si Raphael Landicho ang kanyang Ate Yan dahil bukod sa madalas niya itong nakaka-partner sa pagti-TikTok, lagi raw siyang pinapakain nito.
“Working with Ate Yan, masaya. Medyo nakaka-pressure, kasi beterano si Ate Yan, lalong lalo na… totoo po yung sinabi ni Kuya Gabby.
"Lagi kaming inaalagaan ni Ate Yan. Busog kami lagi sa set," saad ni Raphael.
JERRY OLEA
Mas manggigigil ang mga Kapamilya at Kapatid televiewers sa Linlang: The Teleserye Version pagkatapos nitong maglabas ng mid-season poster tampok ang mga bida ng serye na sina Paulo Avelino, JM de Guzman, Kim Chiu, at iba pang co-stars.
Nilikha ni Justin Besana ang bagong poster kung saan makikita ang mga bida ng serye na nakasuot ng mga suit at gown habang may basag na salamin sa pagitan nila.

Sa pagpapatuloy ng kuwento, lalong naging masalimuot ang relasyon nina Victor (Paulo) at Juliana (Kim) dahil mainit pa rin ang dugo nila sa isa’t isa at hindi sila nagkakasundo sa pagdadalantao ni Juliana.
Madadagdagan pa ang problema ng mag-asawa dahil determinado si Alex (JM), ang kabit ni Juliana, na makasama ito habambuhay.
Pumatok ang Linlang sa mga manonood nang ipalabas ito sa streaming platform na Prime Video noong 2023 at naging number one show sa Pilipinas.
Read: Four Reasons to watch Prime Video series Linlang
Usap-usapan ang serye online at parati itong trending dahil sa pasabog na mga eksena at rebelasyon.
Sagarin ang gigil sa panonood ng Linlang: The Teleserye Version gabi-gabi ng 8:45 p.m. pagkatapos ng FPJ’s Batang Quiapo sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.
I-rescan ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng Linlang: The Teleserye Version.
Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
NOEL FERRER
Narito naman ang ratings ng mga programa sa hapon nung nakaraang Lunes, April 1...
Ang Lunchtime Movie Hits sa GMA 7 ay 3.6%. Ang Eat Bulaga! ay 4.1%, at ang It’s Showtime ay 3.3%.
Slight na bumaba ang rating ng mga afternoon drama ng GMA-7 dahil baka nag-uuwian pa lang ang mga nagbakasyon sa probinsiya.
Naka-10% ang Abot Kamay na Pangarap, at 0.5% lang ang Dirty Linen.
Ang Lilet Matias ay 9.3%, at ang Mars Ravelo’s Darna ay 0.4%.
Ang Makiling ay 7.8%, at sumunod ang Fast Talk With Boy Abunda na 4.5%.
Ang Yumi’s Cells ay 2.4%, at ang Family Feud naman ay 7.8%.
