JERRY OLEA
Nag-emote si Direk Louie Ignacio nang hingan ng mensahe para sa bashers ng kanyang movies.
“Ay! Maganda yan!” bulalas ni Direk Louie sa pocket presscon ng pelikulang AbeNida nitong Marso 23, 2024, Sabado, sa Max’s, Sct. Tuason St., Quezon City.
“Gusto ko yan. Yung mga bashers ng pelikula ko, hindi ko naman sinasabing gustuhin niyo ang pelikula ko.
“Yung mga nagmamahal ng pelikula ko ay yun ang parang natutuwa ako, at least dahil hindi niyo sinisira yung pagkakataon namin na makapagpakita ng mga pelikula namin sa tao.
“At sana, yung mga bashers na yan, kumbaga sa kaibigan, magkaroon kayo ng pakikisama.
“Hintayin niyo munang maipalabas. Huwag niyong husgahan habang pinapanood ng mga tao, at huwag kayong pakialamero at unahan ang mga taong siraan sila, baka hindi kami panoorin.
“Tulad nung last na ginawa kong pelikula, sobrang nasa Top 10 Worst Films daw niya.”
Ang pelikulang tinutukoy ni Direk Louie ay ang Slay Zone na pinagbidahan nina Glaiza de Castro at Pokwang. Ipinalabas iyon sa mga sinehan noong Pebrero 14.
Read: Glaiza de Castro thrilled to be co-producing movie with Ken Chan
Pagpapatuloy ni Direk Louie, “Tapos, isa siyang kritiko daw na nag-iisa lang siya sa mundo! So, jury din siya.
“Pero asan yung pelikula ko sa abroad, puro kritiko rin ang nanood, pero siya ang nanalong Critics’ Prize, di ba?”
Ang tinutukoy naman ni Direk Louie ay ang pelikula niyang Papa Mascot na pinagbidahan ni Ken Chan.
Nagwagi ito ng Premio de Critica sa 44th Fantasporto International Film Festival noong Marso 9 sa Porto, Portugal.
Read: Ken Chan, saludo sa mascot workers; naranasan hirap ng work nila
Dagdag ni Direk Louie, “So, kung ano yung trip mo, angkinin mo na lang yan dahil baka magka-level kayo nung utak mo. At kilala mo na kung sino ka.”
Nakatatlong awards ang pelikulang AbeNida sa 10th Emirates Film Festival noong Marso 3 sa Dubai. Panalo ito sa mga kategoryang best international feature, best actor (Allen Dizon) at best supporting actress (Katrina Halili).

Katrina Halili and Allen Dizon
GORGY RULA
Maging ang mga artista ay napupulaan ng film reviewers ang kani-kanyang performance.
Pahayag ni Direk Louie, “Basta ang sa akin, nirerespeto ko ang reviewers. Gusto kong bastusin ang mga bashers.
“Iba kasi ang reviewers sa bashers. Karespe-respeto ang mga reviewers. Ang bashers, naninira ng pelikula.
“Sinisiraan niya ang pelikula. Sinisiraan niya para hindi mapanood ng mga tao.
“Ang mga nagre-review, tinitingnan kung ano ang klase ng pelikula. At alam mo ang taong reviewers, karespe-respeto ang pagkakasulat.”
Kabilang pa sa mga pelikulang idinirek ni Direk Louie ang Broken Blooms (2022), The Influencer (2022), Huling Ulan sa Tag-araw (2021), Almost A Love Story (2018), School Service (2018), Laut (2016), Area (2016), at Child Haus (2015).
NOEL FERRER
Tama naman iyung sinabi ni Direk Louie, yung kritiko o tunay na reviewer ay may layong lalong mapalinaw ang kalakasan at kahinaan ng pelikula. Hindi kung anong label-label lang.
In the end, it’s really a matter of taste, at endless paghahanap ng magandang paraan pa ng pagkukuwento.
All the best kay Direk Louie at sa kanyang team.
