GORGY RULA
Nakahanap ng rason ang haters ni Rayver Cruz para i-bash ito nang humarap sila ni Julie Anne San Jose sa live streaming ng All-Out Sundays nung Sabado, March 16, 2024.
Todo na ang promo ng Kapuso stars sa "Summerversary" ng All-Out Sundays na magsisimula na ngayong Linggo.
Sabi ng ilang taong malapit sa magkasintahan, hindi lang daw kilala ng haters si Rayver na masayahin lang daw talaga.
“Yung sa live streaming kahapon, wala pa yan sa pinapakita ni Rayver sa amin. Masayahin lang siya talaga, at kasama niya siyempre si Julie kaya happy lang siya,” pakli ng nakausap ng PEP Troika na malapit kay Julie Anne.
Sabi naman ng iba pang nakausap namin, meron daw talagang ilang solid fans ni Julie Anne na hindi type si Rayver.
Parang katulad lang daw iyan ng ibang AlDub na gusto pa rin nila sina Alden Richards at Maine Mendoza.
Itong ilang fans ni Julie Anne ay talagang napaka-protective lang daw sa singer-actress na tinaguriang "Limitless Star" kaya ang iba ay tingin nila, sasaktan lamang ni Rayver ang kanilang idol.
Na-appreciate naman daw ng mga taong malapit kay Julie Anne kung ganun kamahal ng fans ang singer-actress, pero unfair naman daw kay Rayver na bina-bash ito dahil nakikita naman nila kung gaano nito kamahal si Julie Anne.
Marami naman daw ang boto sa relasyon ng dalawa. May mga ilang toxic lang daw talaga at pinapalampas na lang ni Julie Anne kapag tinitira ng ilang fans niya si Rayver.
Itong nangyari lang sa live streaming nung Sabado ang hindi na pinalagpas ni Julie Anne. Kaya naglabas na siya ng pahayag na tigilan na nila si Rayver.
Sa pahayag niya ay halatang matagal na niya itong kinikimkim.
Ani Julie Anne, “Minsan lang po ako sumagot sa mga ganito but sobra ka na po. Below the belt and harsh na po itong accusations, please stop.”

Sa April 1 ay lilipad na sina Julie Anne at Rayver patungong Canada para sa kanilang Sparkle Goes To Canada concert kasama sina Ruru Madrid at Bianca Umali, at Barbie Forteza at David Licauco, pati si Boobay.
Sa April 5 ang concert nila sa Southview Alliance Church sa Calgary, Canada. At sa April 7 naman sa Toronto Pavilion sa Toronto, Canada.
Ididirek ito ni "Mr. M" Johnny Manahan na nag-celebrate naman ng kanyang 77th birthday nung Sabado sa Resorts World na sinurpresa ng mga dati niyang alaga sa Star Magic.
JERRY OLEA
Supalpal ang haters at bashers ni Rayver sa pagtatanggol dito ni Julie Anne.
Magkasintahan ang dalawa at may sarili silang love language. Hindi sila teenagers. May mga pinagdaanan na sila.
Nahimasmasan na sana ang mga nagmamalasakit eme kay Julie Anne na OA kung mag-react.
Nasaktan si Julie Anne sa mga pang-ookray sa lalaking iniibig niya.
NOEL FERRER
Kilala nating mabait na tao at galing sa mabuting pamilya si Rayver kaya kung anuman ang nakita ng mga taong off sa kanya ay wala siyang intensyong maka-offend.
Sinabi naman niya iyon sa kanyang post.
Lesson learned na rin siguro ito sa celebs na may consequences ang kanilang demeanor at hindi basta-basta ang pagiging “limitless.”
