JERRY OLEA
Mahigit PHP800 million na ang kinita ng sampung official entries ng 49th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Post ng official Facebook page ng MMFF nitong Enero 6, 2024, Sabado ng tanghali, “Palabas pa rin po sa mga sinehan sa BUONG BANSA ang 10 mmff movies hanggang January 07, 2024!
“Makisaya at makibahagi sa makasaysayang pagdiriwang ng Pelikulang Pilipino!”
Kalakip niyon ang artcard na nagsasabi ng “800 milyong pasasalamat plus pagkilala sa tagumpay ng bawa’t Pilipinong tumatangkilik sa mga pelikulang sariling atin!”
Read: MMFF 2023 umabot na sa PHP700M ang total gross

Topgrosser ang Rewind nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, at naso-sold out pa rin ang screenings nito. Super blockbuster!!!
Parami nang parami ang international screenings ng Rewind na palabas na sa Guam, Saipan, at USA.
May special screening ang Rewind sa Enero 14 sa Rome, Italy, at sa Enero 21 sa Milan.

Kasado na ang screenings ng Rewind sa mga sinehan ng Australia at New Zealand umpisa Enero 18.

Ang Mallari ni Piolo Pascual ay palabas sa 170+ cinemas nationwide, at epektibo ang panawagan nito sa mga ka-Sisiw.
Nag-aalab pa rin ang pasiklab ng GomBurZa na nasa 130+ sinehan.
Ang best picture na Firefly ay ipapalabas sa mga sinehan ng United Arab Emirates (UAE) umpisa Enero 18.

Marami ang nagtatanong kung extended nga ba ang MMFF 2023 for two days?
If so, extended din pa ang paggamit ng season passes? Kung sakali, anu-anong filmfest entry ang mae-extend?
Tuloy ba ang pagbabalik-sinehan ng Aquaman and the Lost Kingdom umpisa Enero 8, Lunes?
Iyong My ZomBabe nina Empoy Marquez at Kim Molina na January 8 ang playdate ay inilipat sa Enero 10, Miyerkules ang opening day.
Tuloy ba sa Lunes ang opening ng foreign films na The Boy and the Heron, at The Bricklayer, o iuurong din gaya ng My ZomBabe?
Siyanga pala, ngayong Enero 6, Sabado, ang ika-28 kaarawan ni Elisse Joson, at ika-58 kaarawan ni Megastar Sharon Cuneta.
Si Elisse ay gumanap bilang Felicity sa Mallari, samantalang si Ate Shawie ay si Mama Maricar sa Family Of Two (A Mother And Son Story).
Happy, happy birthday, Elisse and Sharon!
NOEL FERRER
Alam ko, mayroon ngang ganoong pag-uusap sa producers ng mga hahaliling pelikula dahil hangga’t mataas pa rin ang gross ng mga pelikulang Pinoy na MMFF 2023 entries, hindi talaga ito tatanggalin ng mga sinehan at mananatili ang mga ito habang may demand pa.
You will be surprised dahil meron pang ibang sinehan na ibinabalik ang pelikulang Becky & Badette dahil sa tail end ng filmfest ay naghahanap pa rin ng comedy ang mga kababayan natin.
We are still deep into monitoring the audience behavior sa mga sinehan, pero bukas, January 7, ihahanda natin ang ilan nating mga natutunan sa 49th MMFF experience natin.
Muli, sana magtuluy-tuloy pa rin ang ganitong malakas na trend ng pagdagsa ng mga tao sa sinehan ngayon.
Kung magiging consistent ito hanggang bukas, hindi malayong maabot natin ang 1B mark. Sana, magdilang-anghel tayo!!!
GORGY RULA
So far, wala pang official announcement ang Executive Committee ng MMFF na extended ang MMFF 2023.
Sa aming pagtatanong sa ilang producers, bookers, at iba pang reliable source, technically, hindi masasabing extended ito dahil sa aming pagkakaalam, sa Lunes, January 8, ay ibabalik na sa mga sinehan ang Aquaman and the Lost Kingdom, at playdate na rin ito ng The Boy and the Heron (na November 29 ang otiginal playdate).
Sabi ng ilang sources ng PEP Troika, tama yung strategy ng Viva Films na iurong ng January 10 ang My ZomBabe dahil hindi magandang tapatan nila ang ilang MMFF 2023 entries na malakas pa sa mga sinehan.
Kagaya ng mga nakaraang MMFF, meron talagang naiiwan sa mga sinehan, dahil sa patuloy na malakas na performance sa takilya. Kaya nae-extend ang showing, pero hindi extended ang MMFF.
Kung tuloy pa rin ang MMFF, dapat ay wala pang ibang pelikulang ipalalabas sa mga araw na yun. Pero tingnan pa rin natin sa Lunes kung ia-announce nilang pinagbigyan ang extension ng MMFF 2023.
Sa aming pananaliksik, simula pa nung panahon ng namayapang Pangulong Ferdinand Marcos, sampung araw lang talaga ang kabuuan ng MMFF.
Nakasaad ito sa Proclamation 2302 na pinirmahan ng namayapang Pangulo noong taong 1983. Kaya nasa batas ito na kailangang tuparin.
Dati, by January 4 ay may mga bagong pelikulang nag-o-open sa local cinemas.
Ginawang 14 days o saradong dalawang linggo ang filmfest, dahil desisyon na rin ito ng CEAP o Cinema Exhibitors Association of the Philippines, na bahagi ng Execom ng MMFF.
Ginawa nilang 14 days bilang tulong na rin sa ating movie industry.
Kaya malaking bagay itong umabot ng January 7 dahil patuloy pa ring dinadagsa ng mga tao ang mga sinehan.
Pero sa pagkakaalam namin, committed na ang mga sinehan sa Aquaman and the Lost Kingdom, at sa The Boy and The Heron na isu-showing na sa January 8.
Ang dalangin na lang natin, sana ma-maintain natin ang init na suporta ng mga tao sa local films. Ayon sa ilang bookers, pinakamalakas talagang playdate ay Christmas season, o sa mismong araw ng Pasko. Ang susunod ay sa February 14.
Sana, may malaki tayong local film na ipalalabas sa araw na yun, para makita kung tuluy-tuloy na ba talaga ang pagtangkilik sa mga pelikula natin.
Sa amin pa ring pagtatanong ang naka-schedule pa lang daw sa February playdate ay ang I Am Not Big Bird ni Enrique Gil na idi-distribute ng Star Cinema.
Sana, kayanin ng Star Cinema na palakasin ito sa takilya.
Iyong GG The Movie ni Donny Pangilinan ay nasa January 24 playdate naman. Co-stars dito ni Donny sina Maricel Laxa, Baron Geisler, Christian Vazquez, Boots Anson Roa-Rodrigo, at ang namayapang Ronaldo Valdez.

