JERRY OLEA:
Inamin nina Maricel Soriano at Roderick Paulate sa presscon ng pelikulang In His Mother’s Eyes na may mga tampuhan sila noong bata pa sila.
Ginanap ang presscon noong Nobyembre 16, Huwebes ng gabi sa Oriental Palace, Morato Ave., Quezon City.
After the open forum ay chinika-chika namin nina Dondon Sermino, Erlinda Rapadas at iba pang veteran showbiz journalists si Roderick.
Iyong matatagal na sa industriya ang nakababatid na wagas ang tampuhan nila noon ni Marya dahil kay Vilma Santos.
Madalas magka-tandem sina Marya at Dick sa Regal movies, samantalang co-host ni Ate Vi si Dick sa musical variety show nito.
E di ba, sina Ate Vi at Marya ay parehong may past with Edu Manzano?!
Of course, matagal nang naayos ang gusot sa pagitan nina Ate Vi at Marya.
Noong sumunod na araw, Nobyembre 17, Biyernes, ay nagkita-kita sina Vi, Dick at Marya sa taping ng I Can See Your Voice sa ABS-CBN.
Ang saya-saya ng biruan nila, na pinost ni Ate Vi sa kanyang Facebook account.
Inusisa ko ang Star for All Seasons kaugnay rito nang makatsikahan ko siya sa kanyang fans day nitong Nobyembre 25, Sabado ng hapon sa Tramway Garden Buffet, Timog Ave., Quezon City.


“E kasi, it’s been a while since nung makita ko ang mga kaibigan kong yon. Masaya ang usapan namin, may personal, may biruan,” lahad ni Ate Vi.
“Iyon ang nakaka-miss! Kasi since pandemya pa yata, three years yon, hindi kami nagkita-kita.
“Masaya lang na nagkita-kita kami sa taping ng I Can See Your Voice. It’s really good seeing Marya agad and of course my friend Dick!
“I love you and I miss you! I miss my friends.”
Napakabilis ng panahon. Parang kailan lang na may mga tampuhan pa sila!
Natatawang sabi ni Ate Vi, “Before, oo! Ha! Ha! Ha! During Vilma days, may mga tampuhan pa kaming tatlo, away-awayan.
“Pero wala na. Nagma-mature na kaming lahat. Doon mo mare-realize na ang importante rin is yung real friendship.
“And I think meron ako niyan kay Marya at kay Roderick.
Before the I Can See Your Voice guesting, nagtagpo sina Vilma at Maricel noong Abril 23 sa Seda Vertis North, Quezon City. Sa event iyon ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na Parangal ng Sining.
Nilapitan noon ni Marya si Vilma at binulungan. Niyaya ni Marya si Vilma na mag-vlog.
Pitong buwan na ang lumipas, hindi pa natutuloy ang kanilang collab.
“Magka-table kami ni Marya. Nagkagulatan kami noon. Hindi pa namin nagagawa ang collab namin,” sey ni Ate Vi.
“Siguro after nitong lahat… kasi busy rin siya, e, promoting her movie. So maybe after nito, vlog naman kaming dalawa.
“Sa vlog ko at sa vlog niya. Maybe after ng showing ng mga pelikula namin, baka ang sunod naman namin, yung vlog namin sa isa’t isa.
“Sa akin at sa kanya. Mag-iisip kami ng content namin na mag-e-enjoy ang tao.”
Minsan lang nagkasama sa pelikula sina Maricel at Vilma, sa 1986 Regal movie na Yesterday, Today & Tonorrow. Gumanap doon si Vilma bilang stepmother ni Maricel.
Sa Nobyembre 29, Miyerkules na ang showing ng pelikulang In His Mother’s Eyes, kung saan co-stars nina Maricel at Roderick sina LA Santos, Ruby Ruiz, Maila Gumila at Ogie Diaz.
Pino-promote ngayon ni Vilma ang entry niya sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF) na When I Met You In Tokyo.
Sa fans day ni Vilma noong Sabado, sinamahan siya ng co-stars na sina Christopher de Leon, Tirso Cruz III, Lynn Cruz at John Gabriel.
GORGY RULA:
Nagkasama-sama sa fans day noong Saturday ang Vilma Santos Solid Int'l. (VSSI) headed by Jojo Lim, Silent Vilmanians (SILVI) headed by Marcelino Santos, at Vilma Santos Friends Forever Intl (VSFFI) headed by Willie Fernandez.
Walang tarpaulin na isinabit sa venue para walang tampuhan. Solid Vilmanians silang lahat. Iyong tarpaulin, puwede ay sa group pictorial.
May kani-kanyang presentation ang bawat grupo ng fans. Ang nag-host ng fans day ay sina Morly Alinio at Ambet Nabus.
Kabilang sa nag-sponsor ng pa-raffle ang JG Productions, Angkas, at Star Corned Beef.
Ang huling fans day ni Ate Vi ay kaugnay sa showing ng pelikulang Everything About Her (2016) na tinampukan nila nina Angel Locsin at Xian Lim.
“It’s been a while since my last fans day. Antagal na, six years na yata. Ngayon lang, kasi naman, three years yung pandemya,” lahad ni Ate Vi.
“Wala pa naman yung pelikula, plinano ko na yung fans day. Wala pa yung When I Met You In Tokyo, plano na talaga naming magkaroon ng fans day after the pandemic.
“Nagkataon lang na napili kami sa MMFF. Napili kami. So, tinaon na rin namin! Pagkakataon na rin namin na magmi-meet kami and at the same time, makita rin yung pamilya ko ng When I Met You In Tokyo.”
NOEL FERRER:
I would have wanted to embrace Ate Vi pero hindi ko na siya naabutan sa fans day because of an earlier commitment. Napakasipag ng mga grupo niya like sina Jojo Lim at Willie Fernandez.
Ito ang nakakatuwa sa mga may entries sa MMFF 2023, hindi natatapos sa presscon at parada ang promo nila kundi effort talaga sa pag-reach out sa mga audience to go back to the theaters this Christmas.
Kung nagagawa iyan nina Ate Vi, Papa Bo at ng iba pang big stars na may entries, sana all talaga…
Sama-sama tayo para tulungang makabangon at mapaunlad at mapasigla ulit ang ating industriya!!!
