JERRY OLEA
Afraiddie Aguilar noon ang kilalang aktres sa boyfriend niyang mahusay na aktor.
Behaved na behaved si aktres para hindi ma-Ynez Veneracion o mai-Rita Daniela sa kanya si Pappi. Kapag nagtaas ng boses si Aktor ay manginig-nginig na ang baba ni Aktres.
Pero ngayong mag-asawa na sila, ano ba’t bumaligtad ang kanilang thermodynamics. Andres de saya ang peg ni Mister.
Pag sumingasing si Misis, bahag ang buntot ni Aktor. Takuza! Afraiddy Krueger, Afraiddie Mercury!
Anyare?! Bakit machonurin si Aktor, as in sunud-sunuran sa mga gusto ni Aktres?! Hawak ni Aktres sa leeg si Aktor?!
Ang chika ng mga marites at marisol, nawalan ng saysay at powers ang manager ni Aktor. Kapag hindi bet ni Aktres ang career move ni Manager para sa alagang aktor, si Aktres ang nasusunod.
Sumpa ng Kukurikapu! Ultimo mall shows na inilalatag para ma-promote ang project ni Aktor ay kailangang may seal of approval muna ni Aktres.
Bago mag-yes si Aktor sa manager, kino-consult muna niya ang dearly beloved na aktres kung OK lang ba iyon. Otherwise, ngangey si Manager.
Anak ng burnik at weneklek! Tila si Aktres na ang manager ni Aktor?!
Pangalan na lang yung kay Manager dahil lahat ng kaganapan sa career ni Aktor, ang aktres ang may final say.
GORGY RULA
Kinulit nga namin si manager tungkol sa kanila ni magaling na aktor, tawa na lang siya nang tawa. Ayaw na niyang magkomento.
Basta, waiting na lang siya siguro sa kumisyon, at bahala na si Misis magplano ng showbiz career ni Aktor.
Pero kilala namin si Aktor na kapag napuno, iba rin ang ugali. Huwag sanang umabot sa puntong magkasawaan.
Dapat isa sa kanila ang magbigay at pagbigyan ang gusto ng isa.
Maaaring si Aktor iyan sa ngayon. Pero darating ang araw na dapat ay sumunod din si Aktres sa gusto ni Aktor.
Nag-mature na rin naman sila sa kanilang relasyon.
NOEL FERRER
Ideally talaga, hiwalay ang career sa personal na buhay. OK naman hingan ng opinyon ang partner sa mangyayari sa iyo pero hindi naman sa puntong trip-trip lang.
Sana, magkatulungan pasulong at paakyat sa career ang mag-asawang ito, hindi maghilahan pababa.
Kasi kung tutuusin, kailangan pa nilang may patunayan lalo na sa pelikula dahil ang huli nilang pinagtambalan ay so-so sa takilya.
Pero magagaling naman silang aktor, kaya sana makaka-level up ang ginagawa nila sa kanilang career. Sana.
