JERRY OLEA
Isang taon lang nagpaka-active sa showbiz si Princess Revilla, na napasama noon sa GMA Supershow.
Dalawang pelikula ang ginawa niya noong 1989 sa Solar Films ni Sir Wilson Tieng.
Una, ang Balbakwa na pinagbidahan ni Dolphy.
At ikalawa, ang launching film niyang Jessa: Blusang Itim 2 kung saan leading man niya si Gabby Concepcion.

Kapagkuwan ay tumigil na siya sa pag-aartista at nag-asawa. Biniyayaan sila ng kanyang asawa ng tatlong supling.
Malalaki na ang mga anak ng 58-anyos na si Princess.
Ang panganay na si Antonio Vicente ay 33 anyos na. Sumubok din itong mag-artista noon, pero mas minabuting ibaling ang atensiyon sa pagnenegosyo.
Ang only daughter niyang si Angelica Marie ay nagnenegosyo rin, samantalang ang isa pang anak na si Gregorio Miguel o Igi ay city councilor sa Imus, Cavite.
Si Princess ay pangatlo sa mga anak ng namayapang Senator Ramon Revilla Sr. at Azucena Mortel-Bautista.
Mas matanda si Princess ng isang taon kay Senator Bong Revilla.

Princess with brother Bong and late dad Ramon Revilla Sr.
Ilan ba talaga lahat silang magkakapatid sa ama?
Read: Ramon Revilla Sr. on having 72 children: "I should not be admired for this."
“Sixty-plus acknowledged children,” malumanay na sambit ni Princess, sa intimate chikahan with select entertainment editors, nitong Nobyembre 10, 2023, Sabado ng hapon, sa mezzanine ng Grand Hyatt Manila sa BGC, Taguig City.
“More than sixty. Dati sabi, eighty plus. Hindi naman. Exagg yon, hindi naman.”
Kilala niya lahat ng mga kapatid nila?
Tumango si Princess, “Yeah naman, lahat naman sila. OK naman kaming lahat. Tahimik naman. Naging fair naman lahat.
“Bago pa nawala si Daddy, inayos na lahat. And lahat naman kami, close. Wala namang away-away, thank God.”
Paano kaya na-manage iyon ni Mang Ramon na ang dami-dami nila?
“Oo nga, 'no, sa dami. Siguro sa pagpapalaki, sa pagpapaintindi sa yo na kailangang ganito, tanggapin mo yung kapatid mo, kailangang magmahalan kayo pag nawala ako,” lahad ni Princess.
“Ganun kami. Kaya ako, commitment ko kay Daddy, sabi ko, nung buhay pa siya, pag wala na siya, tutulong ako sa mga pamangkin ko. Nagagawa ko naman, kasi pangako ko yun.
“Tinutulungan ko iyong mga kapatid namin na less ano… wala namang magtutulungan kundi kayu-kayo rin.”
Na-inculcate daw ng kanilang magulang ang pagtulong sa kapwa. Nakalakihan na raw iyon ni Princess.
Noong 1998 ay pinasimulan ni Princess ang Azucena Mortel Bautista Memorial Foundation bilang tribute sa ina at bilang pagpapatuloy aniya sa charity work ng mga magulang,
Noong 2021, sa kasagsagan ng pandemya, inumpisahan niya ang Princess Revilla Foundation Inc., para tulungan pa rin aniya ang mahihirap.
Katuwang niya rito ang mga kapatid.
Maliban daw sa kanyang construction business, sinabi ni Princess na ang kawanggawa ang kanyang pinagtutuunan ngayon.
NOEL FERRER
Partikular na tinutulungan ng Princess Revilla Foundation Inc., ayon kay Princess, ay ang mga batang maralita, senior citizens, solo parents, at kababaihan.
Nagtataguyod umano ang foundation ng medical and dental mission, programang pangkabuhayan, disaster relief mission, at education assistance.
Nariyan din aniya ang pangangalaga sa environment, animal care and welfare, at ang kanyang feeding program na tinawag na "Almusal ng Batang Matalino" at "Princess Rolling Kusina."
Kumusta na si Princess sa puntong ito ng kanyang buhay?
“OK naman. Gusto ko lang na magtuluy-tuloy sana itong pagtulong sa mga nangangailangan. Dun ako masaya, e,” sabi niya.
“Yung mga anak ko, nakakatuwa, very supportive sa mga programa ng foundation.”
Nilinaw ni Princess na wala siyang balak bumalik sa pag-aartista. Hindi rin daw siya sasabak sa pulitika.
GORGY RULA
Aminado si Princess na iilan lang sa showbiz media ang kilala niya. Kokonti nga lang daw ang nakachikahan niya noong ilunsad siya sa Jessa: Blusang Itim 2.
“Kahit nag-artista ako, hindi ako masyadong na-expose,” pagtatapat ni Princess.
“Mahiyain kasi ako. Pag may mga nagpupunta noon sa bahay namin, usually nasa kuwarto lang ako.
“Pag may party sa amin noong araw, noong dalaga pa ako, dun lang ako sa may loob ng bahay. Sisilip lang ako sa bintana. Tumatakbo ako pag may ibang mga tao. Nahihiya ako.
“Kaya hindi ako puwede sa showbiz. Hindi ako puwede sa politics.”
