GORGY RULA
Ang saya ng buong cast ng Unbreak My Heart nang humarap sila sa piling media nung nakaraang Biyernes, October 13, 2023, sa Dolphy Theater, ABS-CBN Compound.
Kitang-kita ang closeness nila na meron pa nga silang jokes na sila-sila lang ang nagkakaintindihan.
Nakakatuwa ring nabuo ang closeness nina Nikki Valdez at Will Ashley na mag-ina sa teleseryeng ito.
Isa si Nikki sa napakagaling na sumasabay sa galing nina Jodi Sta. Maria, Joshua Garcia, Eula Valdez, Romnick Sarmenta, Gabbi Garcia, Sunshine Cruz, at pati kay Direk Laurice Guillen.
Ginagampanan ni Nikki ang role ni Luz na nanay ni Gerry na ginagampanan naman ni Will.
Nagkaroon daw sila ng team building bago sila umalis pa-Switzerland, pero lalo raw silang nag-bonding nang nasa Europe na sila.
Nakita raw ni Nikki na malalim ang atake ni Will sa role nito sa teleserye.
Ani Nikki, “Si Luz and Jerry, ang ganda ng dynamics namin dito. Anak ko siya sa first husband ko. So, before I met my second husband, nagkaroon kami ng time na ako lang ang nagpapalaki sa kanya.”
Naka-relate daw si Nikki sa role niya at ilang eksenang ginawa nila ni Will.
"Parang true-to-life din naman yung mga eksena namin ni Will as mother and son. Ahhh... masarap maging nanay niya sa Unbreak My Heart, kasi ano, masunurin at saka close kami.
"Will has a long way to go, and nakikita ko, deep itong batang ito. May something siya talaga,” sey ni Nikki.
NOEL FERRER
Nagpasalamat si Will sa mga sinabi ni Nikki tungkol sa kanya.
"Happy ako na maririnig yung ganun from Ate Nikki," sabi naman ni Will.
"Yes, tama! Sobrang naging palagay na yung loob ko kay Ate Nikki, kasi nung mag-isa lang kasi ako nun sa Europe. Wala akong kasama. Hindi ko kasama si Mommy. So, si Ate Nikki yung naging nanay ko sa loob ng halos isang buwan sa Europe," sabi pa ng Kapuso young actor.
Susog ni Nikki, “Nung kami lumipad, para akong totoong may anak na kasama na pumunta ng Europe. So, that really helped a lot with our scenes. Kaya, hindi talaga kami nahirapan."
Okey naman siguro na ate ni Will si Nikki, pero nanay talaga?
Hehehe… In any case, birthday ngayon ng mahal na asawa ni Nikki na si Luis na siyang mas nagpatingkad at nagpadama sa kanya ng pagiging asawa, nanay, at mabuting tao na may malasakit sa kapwa at sa bayan.
JERRY OLEA
Five weeks (20 episodes) na lamang ang Unbreak My Heart. Kapana-panabik ang dynamics nina Rose (Jodi Sta. Maria), Renz (Joshua Garcia), at Vangie (Eula Valdez).
Yung nuances, wagas. Wagi sa ratings itong Unbreak My Heart kumpara sa Senior High.
Kasama rito si Richard Yap, na tampok din sa Kapuso afternoon drama series na Abot-Kamay Na Pangarap, na patuloy ang pamamayagpag sa Game of Ratings.
May hatid na suwerte si Richard Yap! Matagumpay ang collab ng GMA at ABS-CBN sa Unbreak My Heart.
Tama ba ang naulinigan namin na tatlo pang teleserye ang ikinakasa bilang collab nila, at ipinapaubaya na ng GMA sa ABS-CBN ang pagma-mount ng mga nasabing palabas?
