GORGY RULA
Posibleng maka-PHP105 million ang pelikulang A Very Good Girl na nasa pangatlong linggo na sa mga sinehan.
Read: 'A Very Good Girl' lumampas na sa PHP100M; 'Five Breakups And A Romance' kumita rin kaya?
May mga bagong pelikulang nagbukas nung Miyerkules, October 11, 2023, pero marami pang sinehan ang A Very Good Girl.
Ayon sa nakuhang impormasyon ng aming reliable source, halos nakaisang milyon pa raw ang pelikula nina Kathryn Bernardo at Dolly de Leon. Mas malakas pa sa mga nagbukas na pelikula nung araw na yun.
Hindi na namin inalam ang eksaktong figures ng kinita ng ibang pelikulang nagbukas dahil mababa nga raw ito.
Itong A Very Good Girl ang pinakamahinang pelikula ni Kathryn, pero pinakamalakas na ito sa local films na ipinalabas sa mga sinehan ngayong 2023 kaya puwede pa rin nila itong maipagmalaki.
Ang nakakalungkot lang, hindi naman humataw nang husto ang A Very Good Girl sa screenings nito sa Amerika.
Nagkaroon ito ng Hollywood premiere sa The Silver Screen sa Pacific Design Center pero invitational daw ito.
Read: ‘A Very Good Girl’ Hollywood premiere, "historic moment" para sa Philippine Cinema
Ang ilang kaibigan namin sa Los Angeles ay hindi na nag-effort panoorin ang naturang pelikula dahil malalayo raw sa kanila ang mga sinehan. Ipinalabas daw ito sa Orange County, sa Cerritos, at Carson City na bibiyahe pa ng oras para mapanood ito.
Meron pa nga raw meet and greet sa isang lungsod sa California na hindi na raw pinapunta sina Kathryn at Dolly de Leon dahil hindi ito tinao.
Kahit ang kaibigan naming nasa Arizona, USA, ay na-disappoint din sa mahinang turnout ng ticket selling doon.
Ang schedule daw ng screening sa Arizona ay mula October 6 hanggang 11. Nanood daw siya sa second day, 25 lang daw sila sa loob ng sinehan. Na-check din daw niya sa isang sinehan, isa lang ang bumili ng ticket.
Pero nagustuhan naman daw ng mga nakasabay niyang nanood ang A Very Good Girl dahil ibang-iba ito sa mga nagawang pelikula ni Kathryn.
JERRY OLEA
Pitong pelikula ang nag-open sa local cinemas nitong Oktubre 11, Miyerkules.
Ang mga ito ay ang critically acclaimed Japanese film na Monster, ang drama ni Jerald Napoles na Instant Daddy, Coffee Wars, Dr. Cheon and the Lost Talisman, Mount Chiak, PAW Patrol: The Mighty Movie, at The Forbidden Play.
Sa Oktubre 18 naman ang playdate ng Five Breakups and A Romance nina Alden Richards at Julia Montes, kasabay ang Target, Killers of the Flower Moon, at Love Reset.
Kaabang-abang kung ano ang kahihinatnan ng Five Breakups and A Romance kumpara sa A Very Good Girl.
Ang all-time highest grossing Filipino film (hindi adjusted sa inflation) ay ang 2019 film nina Kathryn at Alden na Hello, Love, Goodbye.
Ang follow-up diyan ni Kathryn ay itong A Very Good Girl, at ang next diyan ni Alden ay itong Five Breakups and A Romance.
Ang leading lady ni Alden sa Five Breakups and A Romance ay si Julia na co-star ni Kathryn sa remake ng teleseryeng Mara Clara (Hunyo-Oktubre 2010).
Kaugnay sa screenings ng A Very Good Girl sa Amerika, pinadalhan tayo ng mga resibo ng isang kaibigan natin na nakabase sa Los Angeles, California.
Iyong October 10, Tursday 5:30 p.m. screening sa AMC Covina 17, anim lang ang nanood.
Para sa 8:30 screening sa kaparehong sinehan, dalawa lang ang bumili ng tiket.
NOEL FERRER
Kung ang isang Box Office Queen na na tulad ni Kathryn ang nakakaranas na ganitong resulta sa takilya, paano pa kaya ang iba?
Bilib pa rin ako sa sipag at tiyaga at sigasig ng mga taga-Star Cinema para maitayo ang pelikula at suportahan ito hanggang sa kahuli-hulihang tao na puwedeng manood pa ng A Very Good Girl.
Good luck sa mga susunod pang ventures na susubok ng lakas sa takilya. Lakasan lang talaga ng loob at sapalaran ang paghikayat ng mga manonood na Pilipino sa sine ngayon.
Nauna na ang Star Cinema, good luck talaga sa mga kaibigan natin sa GMA Pictures naman next week.
Saan kaya aabot ang Five Breakups and A Romance? Aabangan natin iyan!
