GORGY RULA:
Ngayon lang nagsalita si Joshua Garcia tungkol sa rumored girlfriend niyang si Emilienne Vigier.
Na-corner namin ang Kapamilya actor sa media announcement ng pelikulang Fruitcake na ginanap sa Kao Manila ng World Resorts, Newport Mall sa Pasay City.
Prinodyus ng Cornerstone Studios at Creative Cinema ang pelikulang ito na idinirek ni Joel Ferrer na siya ring nagsulat kasama si Miko Livelo.

Sa open forum ay iniwasan ni Joshua ang tanong na may pahaging sa kanyang lovelife. Tungkol lang daw sa pelikulang Fruitcake ang pag-uusapan.
Pero pagkatapos ng open forum ay nagpaunlak ang aktor ng karagdagang panayam at naungkat ang tungkol sa kanila ni Emilienne.
Hindi man niya deretsahang inamin kung ano ang namamagitan sa kanilang dalawa, may sagot pa rin siya para malinaw na hindi raw niya itinatanggi ang Fil-French athlete.
Paglilinaw ni Joshua, “Para maklaro na lahat and wala nang maitanong ang lahat. Baka kasi sabihin nila, dini-deny ko yung babae, di ba?
"Hindi ko siya dini-deny. It's just that, ako and her decided not to share it to everyone. Kasi yung relationship na yan ay kami lang naman yung parte dun, e."
Isa raw ito sa natutunan niya sa nakaraan niyang pakikipagrelasyon.
"Galing na kasi ako sa iba't ibang klaseng relationship. Everytime na sini-share ko siya sa lahat, parang... nagkakagulo, alam mo yun? Nagiging shaky yung relationship kasi.
"Parang... this time, mas pinapahalagahan ko yung privacy ko para sa ganung aspect. Ganung klaseng ano... hindi lang dun, pati sa pamilya ko, di ba?
"Hangga't maaari kasi, sa panahon ngayon, mas okay kung private na lang tayo," saad ni Joshua.
Pagdating sa ilan pang detalye sa naturang relasyon, matipid na ang sagot ni Joshua.
Napangiti na lang siya at inamin naman niyang inspired siya ngayon.
Tinanong siya uli ng ilang entertainment press kung gaanong katagal na siyang in love.
"Kung gaano katagal? In love ako everyday!" safe niyang sagot.
Kinlaro sa kanya na tungkol sa relasyon ang "in love" na tinutukoy.
"Hindi ko na maalala," napangiti niyang sagot.
Inspired si Joshua ngayong sunud-sunod ang mga trabaho niya. At dito sa pelikulang Fruitcake ay masaya siya dahil sa mga kaibigan niya ang mga kasama niya.
Okay lang kay Joshua na marami sila ang bida sa pelikulang ito, at hindi lang naka-focus sa kanya ang kuwento.
"Actually, mas masaya siya, e. Pag marami kayong bida. Alam mong lahat ay nag-aambag, di ba?
“Mas relaxed. Mas masaya siya. It's a different experience pag ikaw ang bida. Kasi pag bida ka, lahat po ano e, may pressure sa ‘yo, e. Dapat mataas rating nito, dapat ganyan. Pero pag ganito, mas kalmado," saad ni Joshua.
Kasama niya sa pelikulan sina Enchong Dee, Ria Atayde, Heaven Peralejo, Jane Oineza, Dominic Ochoa, KD Estrada, Empoy Marquez, Queenay Mercado, Alex Diaz, Markus Paterson, Noel Comia Jr., Victor Anastacio, Kat Galang, Macoydubs, Red Ollero, Kaila Estrada, at Karina Bautista.

JERRY OLEA:
Hindi deretsahang inamin ni Joshua na sila na ni Emilienne, pero hindi niya itinanggi.
Ibig bang sabihin nito, sila na pero mas gusto nilang pribado na lang?
"Like I said, wala akong sasabihin kahit ano. And that's me and her decision. Para peaceful lang din," kaagad niyang sagot.
"I mean, what you see is what you get talaga, di ba? Lalo ngayon, lahat nasa social media na.
"Kung makita nila yun, di ba? Hindi mo na kailangan i-elaborate pa kung ano yung mangyayari."
Wala raw silang balak na ilabas sa kanilang social media kung official na ba ang relasyon nila ni Emilienne.
"Ano yun? Kinasal na ba ako?" bulalas ni Joshua.
"Wala namang ganun, e. Walang announcement. Kahit nga pag kinasal ka, mas okay na huwag mo nang i-announce, e.
"Ako, importante lang sa akin ngayon, sa panahon ngayon, yung privacy. Yun yung importante para sa akin. Yun na lang yung ititira ko sa sarili ko lalo na sa trabaho ko sa industriya na ito."
NOEL FERRER:
Gusto na sanang tapusin ni Joshua ang mga tanong tungkol sa kasalukuyang relasyon, pero inurirat siya kung type din ba ni Emilienne mag-showbiz.
"Ayaw niya. Masyadong magulo yung industriya natin," pakli ng aktor.
Hindi naman daw niya pinapakialaman ang desisyon ng kung sino mang karelasyon.
"Alam mo ako, hindi ko kino-control yung taong karelasyon ko. Ako yung tipong susuportahan ka hanggang dulo. Kung ano yung gusto mo sa buhay.
"Ganun naman yun, e. May goal ka, may goal siya, and then, kung may goal kayo together, mas maganda yun," dagdag na pahayag ni Joshua.
Malinaw na malinaw naman na mayroong namamagitan kina Joshua at Emillienne — at hindi na kailangang i-memorize pa yun!
Kailangan na lang nating respetuhin at umasa na inspirasyon nga ito at hindi makakasagabal sa trabaho.
Until it comes to affecting his career, it’s really none of our business na, di ba?
