GORGY RULA:
Nakabuo ng isang libro ang singer-comedienne na si Marissa Sanchez dahil sa mga napagtanto niya at naranasan nung nakaraang pandemic.
Malaki raw ang nabago sa kanya ng mga naranasan niya nung kainitan ng pandemya, lalo na't may mga ilang kaibigan at kakilala na pumanaw dahil sa COVID-19.
Ang isa sa tumama sa kanya nang husto ay nung minsang nasa National Bookstore siya, may nakita siyang isang babaeng naka-turban at mukhang may sakit daw ito na tingin niya ay cancer patient.
Narinig daw niyang nagtanong ang babaeng naka-turban sa isang saleslady kung meron ba silang death journal. Parang pataray pa raw ang sagot ng saleslady na wala silang ganun.
"Nagtugma-tugma lahat yung mga incidents yung mga experiences ko nung pandemic. So, inumpisahan kong isulat.
"Ngayon, for some reasons, parang hindi ko maintindihan ba't hindi ko matapus-tapos. Pero nakukuwento ko na sa iba.
"Nung pandemic pa, bagong pandemic pa lang nun, nae-experience ko na yung pakikipagkuwentuhan sa mga friends.
“Tapos nasasabi ko yan na gusto ko sana parang gusto kong gumawa ng ano... hindi ko alam kung ano ang ita-title, saka morbid pakinggan," pahayag ni Marissa nang nakapanayam namin sa DZRH nung Lunes, September 4, 2023.
Read: MTRCB Chair Lala Sotto, di kasama sa mga bumoto sa 12-day suspension ng 'It's Showtime'
Ang talent manager at entertainment columnist na si Aster Amoyo raw ang isa sa nag-push sa kanya nang husto na ituloy ang librong ito. Dito niya nabuo ang librong parang isang death journal, pero medyo positive at hindi ganun ka-morbid ang dating.
Pinamagatan niya itong My Farewell Slam Book.
Saad ni Marissa, "Iniisip ko, we don't tackle about death, hindi natin napapag-usapan yan. Pero lahat tayo dadating diyan, e, so, dapat napapag-usapan.
"Naisip ko, kailangan ko maging matapang na gawin 'to, e. Ako naman, katuwiran ko, gagawin ko siyang in a positive manner. Nasa pagsusulat yan, e, sabi ko sa sarili ko.
"Actually, 'tong book na 'to, it's more of a celebration... it's more of celebrating your life, rather than passing on. Dito sa slam book na to, ikaw and bida diyan.
"Iyon nga lang, pag nawala ka, hindi mo na alam. Pero mababasa na nila yan kung ano ang gusto mong mangyari, kung ano ang gusto mong kapuntahan ng passing on mo."
Inilunsad ang My Farewell Slam Book sa Teatrino Greenhills noong Biyernes, September 1.
Natutuwa si Marissa dahil naubos daw agad ang mga hawak niyang libro. Pero nasa Shopee at Lazada na raw ito ngayon na mabibili sa halagang PHP950.
JERRY OLEA:
May 60 pahina ang My Farewell Slam Book, kung saan nakapaloob kung ano ang mga gusto mong mangyari sa iyong pagpanaw.
"Meron diyan kung sino ang hahawak sa abuloy. Ano ang mangyayari dun sa abuloy, mga ganun.
"Kasi may mga alam ko, magpapamilya nag-away-away kung kanino napunta ang abuloy.
"Anong bulaklak ang gusto mo? Anong kulay ng coffin ang gusto mo. Anong klaseng coffin? Ano ang ilalagay sa tombstone mo? Ano ang isusuot mo?
"Anong klaseng burial at wake mo? Gusto mo ba ng festive?
"Tapos, pag kunwari, alam mo yung pag na-coma? Yung nire-resuscitate?
"Sasabihin mo dun, gusto mo bang ituloy pa o tanggalin na lang? At least kung ano ang mangyari sa yo, alam na nung mga loved ones mo.
“Kasi biruin mo, namatayan na nga sila, tulala pa sila. Hindi naman kaagad nakakaiyak, e. Tapos tulala ka, confused ka kung saan ka mag-uumpisa.
"So, ang laking bagay nitong My Farewell Slam Book," saad ni Marissa Sanchez.
NOEL FERRER:
Ayon kay Marissa, sinimulan niyang isulat ang My Farewell Slam Book pero hindi niya agad-agad ito natapos.
"Hindi mo naman agad magagawa to, e. Pero yung mga importante, isinulat ko na," pakli niya.
"Hindi mo agad matatapos to, e. Hindi mo masagutan agad. Paisa-isa mo tong masasagutan. Kasi, this is a journal diary.
"Kaya ko ginawang My Farewell Slam Book, para masarap pakinggan, hindi negative.
"Kasi pag sinabi mong death journal, ha?! Parang ganun. Sounds morbid, di ba?
"Pag sinabi mong My Farewell Slam Book, hindi siya negative."
Parang nagsisilbing last will and testament mo na rin daw ang librong ito.
"May butas, kasi ang nilalagay ko diyan, pag binebenta ko yan, ang nilalagay ko diyan, ribbon. Pero discretion mo yun kung gusto mo ribbon lang talaga o gusto mo i-lock.
"Kasi may mga bagay na ayaw mo munang ipakita sa kunwari ng asawa mo, ng mga anak mo. Detalyado to!
"Parang last will and testament na rin, pero discretion mo na yun... nasa lawyer mo na yun kung gusto mo ipanotaryo."
