GORGY RULA:
May special participation si Romnick Sarmenta sa pelikula ng Viva Films na Wish You Were The One na pinagbibidahan nina Bela Padilla at JC Santos.
Sa dami ng ginagawa ng aktor, tinanggap niya ito dahil gusto raw niyang makatrabaho si Bela dahil bumilib siya sa mga pelikulang sinulat at dinirek ng aktres.
Gusto rin daw niyang makatrabaho uli si JC na dating nakakasama niya sa ilang stageplays sa U.P.
Nang mag-promote si Romnick sa programa namin sa DZRH nung Biyernes, August 18, sinabi niyang 'mapanakit' ang pamagat ng pelikulang itong Wish You Were The One.
Kaya kaagad naming sinundot ang tanong kung sino talaga sa mga nakarelasyon niya ang sinabihan niya ng linyang iyun.
Napangiti si Romnick na sinabi naming sa motorsiklo raw niya ito nasabi.
"Sa motorsiklo ko nasabi, e. Alam ko yung dahilan bakit hindi yung motor ang nabili ko. Masyado siyang mahal," napapangiti niyang sagot sa amin.
Pero pinilit pa rin namin dahil madalas na nakakausap namin pagdating sa lovelife ay sinasabing ito na ang kanilang 'the one.'
Ani Romnick, “Siguro safe sabihin na malabo yung papasok sa relasyon na wala lang. At ayaw natin yun.
"Siyempre pag pumasok ka sa isang relasyon, gusto mo maayos. Gusto mo, yun na. Kasi, baka iniisip ng iba exciting yung bago, yung makikilala mo pa lang.
“Pero sa totoo lang, mas nakakapagod yun kasi panibagong adjustment na naman yun, panibagong pagkikilala ng mga ugali, panibagong kapaan ng loob. Mas okay pag nakilala mo na. Pero mas higit dun sa wish you were the one, mas gusto kong isipin na ako ba yung 'the one,' yung ganun.
"Ginagawa ko ba yung parte ko para maging 'the one' para dun sa taong kasama ko. Ako ba yun?"
Kinulit pa rin namin ang aktor kung naisip na ba niyang ang kasalukuyan niyang karelasyong si Barbara Ruaro ang masasabing 'the one' niya.
Sagot ni Romnick, “Masasabi ko na gusto kong araw-araw sa buhay niya, isipin niya, ako yun.
"Yun yung gusto pinagsusumikapan kong gawin na masasabi niya sa araw-araw sa buhay niya na ako yun."
NOEL FERRER:
Nilinaw na rin sa amin ni Romnick na wala silang problema ni Harlene Bautista.
May komunikasyon daw sila para sa kanilang mga anak. Naging masalimuot lang daw nung nagkahiwalay sila, pero maayos naman daw sila.
Aniya, "Siyempre, hindi maiiwasan lalo nung bago pa lang na maraming nagsasalita, maraming magku-comment, maraming makikisabi ng kung anu-ano.
"E, ganun talaga, e. May mga opinyon ang mga tao, at meron silang mga palagay, merong nag-aakalang alam nila yung kuwento kahit hindi.
"Hindi maiiwasan na naging maingay at naging magulo. Pero between us, pareho naman kaming tahimik. Pareho naman kaming maayos, at nakakapag-usap naman kami. At nakakasama ko yung mga bata, at nakakasama namin yung lahat ng mga anak namin.
"So, walang dapat na problema. For as long as maayos yung relasyon namin para sa mga bata, hindi siguro dapat magkaroon ng problema pa, parang ganun."
Pati sa mga anak niya at ang anak nila ni Barbara ay wala rin daw problema.
"As soon na nabalitaan namin na nagdadalangtao si Barbara noon, unang-unang sinabihan yung mga kapatid, yung mga bata," saad ni Romnick.
JERRY OLEA:
Mukha namang masaya at matiwasay sina Romnick at Harlene sa kani-kanyang lovelife.
“Wish you were the one” ba nila iyon? Nakakabagets AF dalirutin yun, huh?!
Ang importante, maayos ang relasyon nina Romnick at Harlene sa kanilang mga anak.
