GORGY RULA
Bukas, Linggo, Hulyo 30 ay magsisimula na ang pangalawang season ng show ng mga entrepreneurs na Negosyo Goals na pinu-produce ng Maker's Mind Media Production na mapapanood sa All TV.
Si Gerry Santos, na binansagang si Mr. Freeze, ang nag-host ng unang season nito. At sa pangalawang season ngayon ay ang successful businesswoman naman na si Bb. Anna Magkawas ang magiging host.
Nagpapasalamat si Ms. Ivy Ataya ng Maker's Mind Media Productions sa ibinibigay na suporta ng All TV.
Sabi ni Ms. Ivy sa nakaraang mediacon nito, maayos ang relasyon nila sa All TV kaya nasa second season na sila at sana raw ay tuluy-tuloy pa ito.
Aminado siyang may mga struggles pa rin sila dahil hindi naman ganun pa kalaki ang All TV.
Pero hindi raw nagpapabaya ang All TV sa pagbigay suporta sa kanilang programa.
"Wala naman akong masabi sa mga taga-All TV because they're doing their best, tinutulungan nila kami kung ano iyung kaya nilang itulong.
"Siyempre may struggle din kami as a producer. Kasi yung reach ng All TV, hindi pa masyado ganun kalaki. So, aware din naman yung mga taga-All TV dun.
“Kaya nakipagtulungan din sila kung papano sila makatulong sa Negosyo Goals. Because kami naman yung unang blocktimer nila," pahayag ni Ms. Ivy.
Ngayong nasa second season na sila, sa tingin ni Ms. Ivy, sa mga susunod pang seasons ay mananatili pa rin sila sa All TV.
"May mga offers naman from different networks. Siyempre, kahit saan kami malipat, wala naman mababago dun, because first of all, blocktimer kami.
"Kaya mas focused ako sa mas ma-improve namin yung Negosyo Goals. Because at the end of the day, yung ibinebenta mo is the content.
"But of course, hindi naman talaga kailangang... may struggle talaga kahit papaano sa reach, at hindi naman tinago yun ng All TV. Kaya pinapalitan naman nila yun ng sobrang pag-aalaga sa amin. So, ganun pa rin," dagdag na pahayag ni Ms. Ivy.
Samantala, nakilala si Bb. Anna Magkawas bilang social media personality dahil sa nag-hit ang mga content niya sa Tiktok.
Lumaki ang kanyang Health and Beauty Wellness Company, at ang dami na rin niyang kinuhang mga celebrity endorsers na ipi-feature niya sa Negosyo Goals.
Sa lahat na mga celebrity endorser niya, ang masipag at effective na nagpu-promote ng produkto niya ay si Zeinab Harake.
"Si Zeinab, always baun-baon niya yung mga coffee products natin. Kasi before, hindi talaga siya nagku-coffee kasi acidic siya. Nasusuka siya.
"Pero nung na-discover niya yung Luxe Slim Coffee, palagi na niyang baon everytime na nag-out of the country siya, lumalabas siya, or sa mga tapings niya.
"Yung buong team ng team ZB, lahat sila naka-Luxe, ang tawag nila, ‘nag-Anna Magkawas coffee ka na ba?’ Yun yung tawag nila sa coffeee ko," pahayag ni Bb. Anna.
Sa programa ni Anna ay maaring ipi-feature daw niya ang kuwento ng ilang celebrities na maaring magbibigay ng inspirasyon sa mga bagong negosyante.
"Puwede kasing gamitin yung mga boses or influence para makatulong din sa mga struggling na negosyante," sabi pa ni Bb. Anna.
Mapapanood ang second season ng Negosyo Goals tuwing Linggo ng 11:30 am.
NOEL FERRER
Grabe ring dakila ang mga grupong gustong mag-block time sa All TV kahit limited ang reach.
Gusto kong intindihin why a regular blocktimer would choose it given the offers from the other networks—either mas mura ang blocktime fee at mas maasikaso, o may personal relationship na sila sa may ari o namumuno ng kumpanya.
Kasi kung reach ang habol mo, na-consider na rin kaya ng grupong ito ang pagbu-boost online?
Oh well, I’m no business person. Sinusubukan ko lang intindihin ang mga moves na ganito.
Pagpapakadakila nga ba talaga?
Oh well, all the best po sa magandang hangarin ninyo!
JERRY OLEA
Setyembre 13, 2022 nag-soft launch ang All TV, kung saan frontliners sina Willie Revillame at Toni Gonzaga.
Si Willie ay consultant noon ng All TV, samantalang tinagurian si Toni ng husband niyang si Direk Paul Soriano bilang most powerful local celebrity.
Binansagan ang All TV bilang bagong Channel 2, at may mga nag-akala na babaguhin nito ang TV landscape, na kesyo banta ito sa namamayagpag na GMA Network.
Kaso, mahina ang signal ng All TV, kaya naghilahod ito sa ratings. Hindi ito kaaya-aya para sa advertisers.
Humiwalay si Willie eventually sa All TV. Nagpahinga si Toni sa trabaho dahil sa kanyang pagbubuntis.
Nag-lie low muna ang mga programa ng All TV. Sabi-sabi noong una, magpu-full blast ang TV station sa first quarter ng 2023.
Nangalahati na ang taon. Nagbabadya na ang ber months, at siyempre pa, ang unang anibersaryo ng All TV.
Bukod sa Negosyo Goals ni Bb. Anna Magkawas, ano pa ang puwede nating abangan sa first anniv ng bagong Channel 2?
