GORGY RULA:
Umakyat na sa korte ang kasong cyber libel na isinampa ni Anthony "Ka Tunying" Taberna laban sa vlogger na si Maharlika.
Iyan ang isa sa ibinalita ni Ka Tunying sa ilang miyembro ng media sa 17th anniversary ng Outbox Media at ng 8th anniversary ng Ka Tunying na ginanap sa Metrotent Convention Center sa Pasig, Miyerkules, July 26, 2023.
Pahayag ni Ka Tunying, “A few days ago, naglabas po ng resolution ang piskalya, finding probable cause sa kasong cyber libel.
"As we speak, naisampa na po sa husgado ng Pampanga Regional Trial Court, yun pong kaso.
"And I haven't seen the arrest warant yet, but I was informed by the police that the arrest warrant was already out for Maharlika."
Nagsampa ng kasong cyber libel si Ka Tunying laban kay Maharlika dahil sa sinabi nitong hindi nagbabayad ng tax ang kilalang broadcaster.
Kadalasan ay hindi raw naaapektuhan si Ka Tunying sa mga bashing na ibinabato sa kanya. Kaya raw siya nagsampa ng kaso dahil idinamay pa ni Maharlika ang kanyang anak na si Zoey.
Read: Anthony Taberna, malaki ang pasasalamat na cancer-free na ang anak na si Zoey
Hindi pa namin napapanood ang controversial vlog na yun ni Maharlika, pero sa kasunod nitong vlog ay sinagot pa niya si Ka Tunying.
Hindi binanggit ni Maharlika ang pangalang Ka Tunying, pero "Tuning" ang ginamit niya kahit obvious namang si Ka Tunying ang kanyang tinutukoy.
Hindi na raw inaalam ni Ka Tunying kung ano pa ang mga sasabihin ni Maharlika. Hindi na rin naman daw siya nanonood sa mga kasunod pang vlogs nito.
"Actually, I really I don't mind her anymore," pakli ng radio personality.
"Pagkatapos niyang banggitin yung kay Zoey, that's it. Tingin ko, tapos na po yun.
"Hindi ko na po... wala na akong maririnig na mabuti sa kanya. So, bakit ko pa i-stress yung sarili ko sa kanya?
"E, baka nga somehow I will be adversely affected by her broadcast... her being a U.S. citizen.
“Sabi ko nga, hindi ko alam kung ano talaga ang intensiyon niya sa bansa natin.
"Kung hindi naman dual citizen, kung siya ay American citizen, what would be her intention of inflicting malice to everything that we as Filipinos are doing? Hindi ko alam, e.
"Pero yung napanood ko dati, tingin ko malisyoso, e.
"Kaya ayoko nang i-stress yung sarili ko dun. Hindi ko na siya pinapanood.
"After that, hindi na ako.... and I did what I had to do. That is to file a case," sabi pa ni Ka Tunying.
NOEL FERRER:
Sa Amerika nakabase si Maharlika. Paano mase-serve ang warrant of arrest kung nasa Amerika ito?
Ayon kay Ka Tunying, "I think, we just follow the process. Whatever that process will be.
"Sundin po natin yan... if we really need the assistance of the Department of Foreign Affairs, or the US Embassy for that matter, we will cross the bridge when we get there.”
JERRY OLEA:
Siyangapala, inilunsad sa anniversary celebration ng Ka Tunying ang bago nilang digital news channel.
Sa susunod na buwan ay magsisimula na ang bago niyang news programa na Tune In Kay Tunying Live sa kanilang YouTube channel.
