JERRY OLEA
Horror movie ang The Vigil na malapit nang simulan ni Direk Adolf Alix Jr. ang shooting.
Kaugnay ang istorya nito sa initiation or rites of passage into manhood ng ilang karakter.
Sa storycon ng movie noong Hulyo 2, 2023, Linggo, sa Max’s Sct. Tuason, Brgy. Laging Handa, Quezon City, inurirat ng showbiz columnist na si Archie Liao ang mga lalaki sa cast kung virgin pa ba sila sa pakikipagniig.

(From left) Bruce Roeland, Anjay Anson, Prince Carlos, Abed Green, Will Ashley, Kimson Tan, Faye Lorenzo, Carlo San Juan, and Direk Adolf Alix Jr.
Nag-blush ang 18-anyos na si Bruce Roeland, “So yung tanong niyo po… kung kami, still a virgin? Siyempre, lahat naman po kami, we’re not open to our sexual life.
“Pero as of now, I’m still focusing on many things — my career, my studies. So, wala pa po akong time para mag-focus sa sexual life ko. Yun lang po ang sagot ko.”
Palakpakan at hagikgikan ang co-stars ni Bruce, pati ang mga media people sa storycon.
Bulalas ni Abed Green na ikinahagalpak ng karamihan sa storycon, “Yes! Virgin pa ako!”
Sa previous interview ay kaswal na ipinaliwanag ni Abed ang kumalat niyang scandalous video kasama ang isang ex-girlfriend niya.
Dagdag ni Abed, “Hindi, kasi… may proteksiyon, e! Hindi! Joke lang!”
Tugon ni Prince Carlos, “Ako po, strict po ang mommy ko, e. So… opo.”
Susog ng 20-anyos na si Will Ashley, “Ako po, strict din po ang mommy ko, e… Opo, virgin pa po.”
Natigilan muna ang 23-anyos na si Kimson Tan, “Ahhh… actually po, strict po yung daddy ko. So… virgin pa rin po ako.”
Napapangiting sabi ni Anjay Anson, “Ako rin po, virgin. Ha! Ha! Ha! Ano po ako, studies muna ako talaga. Strict din po talaga ang parents ko. Kailangan, by 7:00, 8:00 nakauwi na ako ng bahay.”
Read: Anjay Anson, tikom ang bibig sa sex video issue
Napabuntong-hininga si Carlo San Juan, “Dahil naman po sinabi nila na virgin sila, e di virgin na rin po ako para pare-parehas, walang talo.”
Sumundot tuloy si Will, “Magandang gabi po! Welcome po sa mediacon ng The Virgin!”
Itong The Vigil ay handog ng Obra Cinema Productions, na nagprodyus ng horror trilogy na Huwag Kang Lalabas. Pinagbidahan iyon ni Beauty Gonzalez, Aiko Melendez, at Kim Chiu, sa direksiyon din ni Adolf Alix Jr. Official entry iyon sa MMFF 2021.
NOEL FERRER
Nag-iisang babae sa mga pangunahing artista ng The Vigil si Faye Lorenzo. Naniniwala ba si Faye na virgin pa nga ang karamihan sa co-stars niyang lalaki?

Faye Lorenzo
Natawa ang 26-anyos na Kapuso actress, “Ha! Ha! Ha! Yung totoo, ewan ko.”
Sino kina Bruce, Abed, Prince, Will, Kimson, Anjay, at Carlo ang pinaka-yummy para sa kanya?
Sagot ni Faye, “Pinaka-yummy? Para naman sa akin, lahat sila, yummy, e! Actually, ang hirap sagutin ng tanong. Nahihirapan ako.
“Kasi nung nakita ko sila, ang guguwapo nila lahat. Kaya sabi ko nga, kung sino ang pinaka-yummy… ang hirap sagutin.
“Kasi kanya-kanya sila ng charm, e. So nahihirapan ako.”
Hindi ko alam kung bakit kailangang charot-charotin at chingchingin ng mga artista ang press sa kanilang pagsagot, and vice versa. Hindi ko rin alam kung ano ang kinalaman ng virginity sa isang horror movie na The Vigil.
Good luck na lang sa pelikula at malaking tulong ang ganitong usapin sa pagpapaunlad ng ating naghihingalong industriya!
GORGY RULA
Sisimulan pa lang gawin ang pelikula. Hindi pa alam kung kailan ito ipalalabas, o kung isa-submit ba sa Metro Manila Film Festival.
Siguro, yung mga tsikang virgin o hindi, puwedeng gamitin yun kapag magsisimula na ang promo ng pelikula.
Saka sa panahon ngayon, kailangan pa bang tanungin kung virgin o hindi ang isang lalaki? Kaya hindi rin nakakuha ng matinong sagot sa storycon. Baka puwede siguro, kung anong age sila na-devirginize o handa na bang ma-devirginize?
Pero suspense-horror ang pelikula, at hindi ito sexy movie. Dapat munang malaman kung anong klaseng horror film itong The Vigil.
Sabi kasi ni Direk Adolf, suspense horror daw ito, pero hindi nilinaw kung may multo, o anong pananakot meron ang pelikulang gagawin.
Pahayag ni Direk Adolf, “May entities na i-explore kasi parang may crime, so may ghost din na ipapakita.
"Yung kuwento kasi, merong crime. So, may namatay... parang may nagha-haunt sa kanya.
“May kasama na ring revenge, kasi gustong malaman kung sino ang pumatay at kung sino ang totoong may kasalanan sa crime.
"Hindi lang specific kung ghost o may taong gumagawa.
"So, may ganung habang pinapanood mo, may supernatural components siya. So, puwede mong isipin later on na pag malaman mo yung twist, kung multo ba talaga yung gumagawa o tao lang po."
