GORGY RULA
Proud si Elijah Canlas sa relasyon nila ni Miles Ocampo dahil mas nagsusuportahan daw sila ngayon sa kani-kanyang showbiz career.
Read: Elijah Canlas at Miles Ocampo, two years and going strong
“Tagasuporta po talaga, saka tagatulong na ngayon,” sagot ni Elijah nang tinanong namin sa kanya kung nasaan na ngayon si Miles sa kanyang career.
Nakapanayam namin ang aktor sa DZRH nung Miyerkules, March 22, 2023, dahil pinu-promote nito ang 1st Summer Metro Manila Film Festival (MMFF) entry niyang About Us But Not About Us.
Mas nae-enjoy niya ang relasyon nila ni Miles dahil nandiyan ang suportahan at tulungan sa kanilang career.
Sabi ni Elijah, kapag may projects na inaalok sa kanya, kinukonsulta niya ito sa nobya at ganundin naman daw si Miles sa kanya.
“Inaano ko rin sa kanya… yung mga inquiries o whatever, tapos sabay po namin babasahin yung script ng isa’t isa. Tapos sabay po kaming magde-decide kung interesting ba siya, kung masaya ba siya, kung gawin po ba namin siya.
“And then, nagtutulungan po kaming mag-come up ng mga ano, mga acting choices, mga ganun,” pakli ng aktor.
Hindi naman daw kailangang sundin niya kung ano ang gusto ni Miles, dahil may manager sila.
Nasa Cornerstone Entertainment si Elijah, samantalang nasa Crown Artist Management ang aktres. Nandiyan lang daw ang suporta, pero hindi naman nakikialam na dapat si Miles ang masusunod.
“Hindi naman po,” diin ni Elijah.
“Parang nagkukuhanan lang po ng ideas. Kapag may nasabi siyang maganda, o sige, puwedeng paglaruan yan or whatever.
“Suportahan lang po talaga, saka yun nga nagba-bounce off lang yung mga ideas.
“Very supportive po si Miles. Saka naintindihan na po kasi niya kung ano yung gusto ko, e. Nakakatulong po talaga,” dagdag niyang pahayag.
JERRY OLEA
“Magkalaban” sina Elijah Canlas at Miles Ocampo sa 1st Summer MMFF.
May special participation si Miles sa pelikulang Here Comes The Groom na entry rin sa nasabing filmfest.
Um-attend si Miles sa special screening ng About Us But Not About Us noong Marso 14 sa Gateway Mall, Cubao, Quezon City.
Dadalo kaya si Elijah sa premiere night ng Here Comes The Groom sa Marso 29 sa SM Megamall?
Isang oras at kalahati ang drama thriller na About Us But Not About Us.
Sa halos kabuuan nito ay magkaharap lang na nag-uusap si Elijah at si Romnick Sarmenta. Hindi lang mata-mata ang aktingan, kundi boses-boses at katawan-katawan.
Bida sa bardagulan ng Here Comes The Groom sina Enchong Dee, Keempee de Leon, Maris Racal, Awra Briguela, Gladys Reyes, at Eugene Domingo.
Bukod kay Miles, may special participation sa comedy movie na ito si Tony Labrusca. Introducing sa Here Comes The Groom sina Xilhouete at Kaladkaren.
Isinulat at idinirek ito ni Chris Martinez.
NOEL FERRER
Natuwa raw si Miles Ocampo na ginawa ni Elijah Canlas ang pelikulang About Us But Not About Us, sa direksiyon ni Jun Lana
Inaasahan ni Elijah na magugustuhan din ito ng mga manonood.
“Ako po, naniniwala ako na handang-handa na ang Filipino audience for a film like ours, ang About Us But Not About Us.
“Sabi nga po direktor ko na si Direk Jun Lana, ‘Don’t belittle the Filipino audiences.’
“Matalino ang Filipino audience, and they’re looking for something new, they’re looking for something exciting.
"And once they see About Us But Not About Us, I guarantee na magiging worth it yung experience.
“It’s nothing you’ve ever seen before here in Philippine cinema.”
And it’s nothing that we’ve seen in terms of support and commitment to the craft like the one displayed by Jun Lana and Perci Intalan, matched by everyone in production led by Romnick and Elijah.
Kakaiba talaga!
