GORGY RULA
Naging plus points kay Miguel Tanfelix ang interview sa kanya ni Kuya Boy Abunda sa Fast Talk With Boy Abunda noong February 9, 2023.
Naging totoo si Miguel sa mga pahayag niyang willing siyang maghintay na sagutin ni Ysabel Ortega ang kanyang panliligaw.
Para kay Ysabel, nadagdagan ang paghanga niya sa Kapuso young actor.
“Definitely nadagdagan,” pakli ni Ysabel nang nakapanayam siya ng PEP Troika sa mediacon ng Beautederm na ginanap sa Luxent Hotel nung Martes, March 7.
“Kasi dun mo rin malalaman kung seryoso sa iyo yung tao, e. If they’re openly supporting me and showing how they feel about me,” dagdag niyang pahayag.
Sabi pa ni Ysabel, natuwa rin ang mama niyang si Michelle Ortega nang napanood ang interbyung yun ni Kuya Boy kay Miguel.
“Sa kay Mama, sobrang natuwa po siya sa interview. Kasi siyempre, di ba, who wouldn’t want that for their daughter, you know, a guy who’s patient, a guy who’s willing to wait, a guy who’s willing to respect your parents as well?
"So, natuwa naman yung mom ko dun.
“Siyempre, ako din, natuwa ako, di ba? Siyempre, it means a lot to me na, you know, he has that faith to tell the world his feelings for me, and to state his intentions.
"So, of course, grateful ako dun and sobrang na-appreciate ko yun,” saad ni Ysabel.
Isa si Ysabel sa Sparkle talents na pinapirma bilang brand ambassador ng Beautederm, kasama sina Edgar Allan Guzman, Buboy Villar, Thia Thomalla, at Patricia Tumulak.

(From left) Edgar Allan Guzman, Buboy Villar, Ysabel Ortega, Rei Anicoche Tan, Thia Thomalla, and Patricia Tumulak
JERRY OLEA
Sabi naman ni Ysabel, kung sakaling sagutin niya si Miguel, kailangang ipaalam pa rin daw niya ito sa kanyang ina.
“Definitely, kailangan ng approval ng mom ko. Pero hindi naman siya naging, ‘Mom, puwede na ba maging kami?’ Hindi rin e.
“Kasi, agree naman kaming lahat, pati na rin si Miguel na, you know, at this time, yung moment na ito sa buhay namin, talagang kailangan yung career din yung focus namin. At hindi rin dapat mawala dun sa track na yun.
“Pero it’s not like atat na atat naman din kami na maging kami. Kasi kami din, ini-enjoy lang din namin yung moment.
“Kasi, you know, we have… kung maging okay, ang tagal pa ng oras. Ang dami naming time para i-enjoy yung company.
“Hindi namin kailangang magmadali kumbaga,” sambit pa ni Ysabel.
Read: Ysabel Ortega sa estado ng relasyon nila ni Miguel Tanfelix: "We're just enjoying the moment."
NOEL FERRER
Muling masusubukan ang love team nina Ysabel at Miguel sa Voltes V: Legacy na matagal nang hinihintay.
Sabi ng young actress, sa summer na raw magsisimula sa GMA Telebabad.
“Malapit na rin po kaming umere. Promise po yun, this summer. Marami pong dapat abangan, e.
“Marami po kaming mga veteran stars na kasama. Madami pong dapat abangan, kasi for sure marami pong nakakilala sa story ng Voltes V.
“Andun yung totoong kuwento, but at the same time, madaming dapat abangang magpapaganda pa sa story. So, isa po yan sa nilu-look forward ko.”
Kailan na nga ba ipapalabas ang Voltes V: Legacy finally? It really should be worth the wait!
