GORGY RULA
Puring-puri ng netizens ang style ng hosting ni Paolo Contis sa talk show niyang Just In sa YouTube channel ng Sparkle.
Talagang bardagulan ang interview niya kina Royce Cabrera at Kokoy de Santos, kung saan detalyadong ikinuwento ng dalawa ang ginawa nilang paghuhubad at sex scenes sa 2019 Cinemalaya movie nilang Fuccbois.

Paolo Contis with Royce Cabrera and Kokoy de Santos
Riot din ang interview ni Paolo kay Buboy Villar. Matagal na silang magkaibigan kaya kumportable na silang dalawa.
Ang daming nagku-comment na dapat gawin nang late-night show ng GMA-7 ang talk show ni Paolo.
Maganda rin ang huling episode ng Just In kung saan in-interview ni Paolo si Ken Chan.
Puring-puri ni Paolo ang sobrang kabaitan ni Ken.
At napatunayan pa ito nang maluwag na tanggapin ng Kapuso actor nang nalaman niyang pang-apat na pamilya pala sila ng kanyang ama.
Nung 2019 lang daw nila nalamang may iba pa palang pamilya ang kanyang ama.
Pero bago iyan, ikinuwento ni Ken na dumaan sa matinding karamdaman ang papa niya. Ipina-kidney transplant ang kanyang ama, at pagkatapos nun, nagka-cancer pa raw ito sa esophagus.
Iyon daw ang panahong tanggap lang siya nang tanggap ng trabaho dahil kailangan para sa pagpapagamot sa kanyang ama.
Nang cancer-free na ang papa niya, at saka naman nila nalaman ang buong katotohanan tungkol sa kanyang pamilya.
Pero hindi raw nakaramdam ng galit o pagkalungkot si Ken nang ipinagtapat ito ng kanyang ama.
Read: Ken Chan's father is now cancer-free
“Nung nalaman ko yun, hindi ko alam bakit, hindi ko nagawang umiyak at malungkot.
“Na-excite pa nga ako. May mga kapatid pala ako. Kasi masaya kung maraming kapatid.
“Pero para sa nanay ko, masakit yun," sabi ng aktor.

JERRY OLEA
Ganun daw ang naramdaman ni Ken dahil habang lumalaki siya, parang may pagdududa na siya dahil once a week lang umuuwi sa kanila ang kanyang ama.
“Nakakaramdam na ako, e. Hindi ko lang alam kung gaano kadetalyado o ano yung mali. Pero alam kong merong iba.
“Lalo na nag-high school ako, nag-college ako.
“Hindi ko lang kayang aminin sa sarili ko… kaya siguro hindi ako nakaramdam ng galit. Kasi noon pa man, alam ko na.
“Ako kasi ang breadwinner sa pamilya namin. So, hindi ko puwedeng ipakita yung weakness o yung lungkot. Pero honestly, hindi talaga ako nalungkot, e,” dagdag na pahayag ni Ken.
Nakikilala na raw ngayon ni Ken ang mga kapatid niya sa naunang tatlong pamilya. May communication na raw sila, pero hindi pa ganun kadalas
“Tinata-try namin na kilalanin ang isa’t isa. Pero hindi rin ganun kadalas na kami magkita-kita.”
NOEL FERRER
Ayon kay Ken, magkakasama ang unang tatlong pamilya ng kanyang ama.
Alam na raw ng mga ito ang tungkol kina Ken, lalo nung sumikat na ang aktor at dala ang tunay na pangalang Ken Chan.
Nagtanong daw ang mga kapatid niya sa labas kung kapatid ba nila ang Kapuso actor dahil parang kamukha nila at Chan din ang apelyido nito.
Nang inamin na raw ito ng kanilang ama, nag-decide daw ang ama ni Ken na sumama sa una niyang pamilya nang pinapili ito ng ina ng Kapuso actor.
Naintindihan daw ito ni Ken.
“Siguro, I’m trying to be positive in every situation. I’m trying to be happy in a simplest way…
"Ang iniisip ko, pinili ng tatay ko yung kabila, hindi dahil sa mas mahal niya yun kundi mas kailangan siya dun,” pakli ni Ken.
Masakit daw ito sa kanyang ina kaya nandiyan daw silang magkakapatid para umalalay.
Ayon kay Ken, “Si Mama… dumating sa point na kailangan niyang mag-psychiatrist sa sobrang lungkot at sa sobrang devastated, anxiety, lahat, sa nangyari.
“Pero she’s doing great now. Puro TikTok lang siya nang TikTok. At meron siyang bagong laptop.”
