GORGY RULA
Kapansin-pansin na lalong gumaganda si Sanya Lopez.
Kinantiyawan namin siya na mukhang may nagpapaganda sa kanya ngayon.
Nakatsika ng PEP Troika si Sanya sa nakaraang 18th birthday party ni Jillian Ward na ginanap sa Cove Manila ng Okada Manila Hotel nung Sabado, February 25.
In love na kaya siya? Paulit-ulit na “wala” ang sagot ng Kapuso actress.
Wala pa rin daw, pero hindi naman daw siya nagmamadaling magka-boyfriend.
Pero sa aming pakikipagtsikahan kay Sanya, nabuking naming may mga nagpadala pala sa kanya ng bulaklak nung Valentine’s Day. Ayaw lang niyang sabihin kung sino sila.
Tumatawa lang si Sanya nang pinilit namin kung sino ito, kung taga-showbiz ba ang nagpadala ng bulaklak, at kung nagpaparamdam na ba sa kanya.
“Wala! Wala!” ngumingiti niyang sagot na obvious na umiiwas na lang siyang magbigay ng detalye.
“Basta merong nagpadala. Pero feeling ko merong mga ano lang sila… ay wala po,” natatawa niyang sagot sa amin.
Gusto naman daw niyang magka-boyfriend na, pero hindi naman daw siya nagmamadali.
Hindi raw niya alam kung talagang manliligaw ba sa kanya itong mga nagpaparamdam sa kanya.
Ganun pa rin naman daw ang drama niya sa buhay. Trabaho lang nang trabaho. Lalo na ngayong abala siya sa promo ng bagong epic series ng GMA-7 na Mga Lihim ni Urduja na magsisimula na sa GMA Telebabad sa Lunes, February 27.
Kay Sanya magsisimula ang pilot week ng seryeng ito dahil siya ang gumaganap na si Prinsesa Urduja.
“Actually, special participation. Yun pong sinabi sa akin nung umpisa lang. Special participation, ‘tapos bigla nilang pinahaba si Urduja. So, malalaman ho natin kung hanggang saan si Urduja,” pakli ni Sanya sa tanong namin kung mahaba ba ang exposure niya rito.
Mas naka-focus kasi ang kuwento sa present time nina Gem (Kylie Padilla) at Crystal (Gabbi Garcia).
NOEL FERRER
For a star na sexy ang image, parang choosy at hanggang ngayon ay virginal pa rin ang projection ni Sanya Lopez, ha? Kakaiba siya.
Pagdating sa mga manliligaw, pinagsasabihan na raw siya ng mga close friends niyang huwag na masyadong mag-iinarte sa mga lalaking balak siyang ligawan.
“Feeling ko naman po sa akin, walang nanliligaw. Kasi sabi ko nga, kung manliligaw talaga, pupuntahan ka sa bahay. Ganun pa rin ako, yung traditional pa rin. Sabi nga nila, ang arte-arte ko! Masyado!
“Kaya hindi siguro… masyado tayong manang!” sabi pa ni Sanya.
“Ako naman, hindi ko talaga pinipilit. Pag dumating siya ngayon, e di go. Kung hindi pa naman this year, okay lang din. Kasi nag-e-enjoy talaga ako ngayon sa ginagawa ko.
“Minsan nga hindi ko na namamalayan, may cellphone pala ako. Ay! May phone pala ako. Kasi busy po, e.
“Walang pressure din. Saka nagi-enjoy talaga ako. Pero kung dumating siya, e di bonus na lang na may magpapasaya pa sa akin.”
JERRY OLEA
Oo nga, lalong naging kaakit-akit si Sanya! May nabago ba sa ilong niya?
Pagdating sa lovelife, may suggestion naman daw ang isa sa bestfriends niyang si Kakai Bautista.
“Nag-e-enjoy naman ako so far. Kung dumating e di dumating, kung hindi… sabi kasi ni Ate Kakai, foreigner dapat e,” lahad ni Sanya.
“Punta dapat tayo ng Europe, dun ako maghahanap, e. E, hindi tayo pinayagan. Basta, kung sino man ang dumating.
“Hindi ko talaga alam. Kasi kung meron man, hindi ko talaga alam kung manliligaw ba sila.”
Abang-abang tayo sa primetime pakikipagsalpukan ng Mga Lihim ni Urduja sa FPJ’s Batang Quiapo.
Sa Game of Ratings, kinabog noon ng First Yaya ni Sanya ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco. Medyo bumaba ang ratings ng sequel ng First Yaya na First Lady, pero wagi pa rin ito kumpara sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Huling primetime series na pinagbidahan ni Kylie ang Bolera, samantalang ang kay Gabbi naman ay ang Love You Stranger. Anuman ang kahinatnan ng Mga Lihim ni Urduja sa ratings game ay may kasunod nang high-profile drama series si Gabbi, ang Unbreak My Heart with Jodi Sta. Maria, Richard Yap and Joshua Garcia.
Siyempre, nauunawaan natin kung bakit Mga Lihim ni Urduja ang piniling title ng series kesa sa Mga Hiyas ni Urduja, or Pitong Hiyas ni Urduja for that matter.
Maikukumpara ba ang kalidad at kabuluhan ng Mga Lihim ni Urduja sa pinalitan nitong Maria Clara at Ibarra? Pakisagot, Mr. Torres!
