GORGY RULA:
Ayaw nang makisali pa ni Cesar Montano sa isyu ng dalawang pelikulang sabay na mapapanood sa March 1, 2023—ang Oras de Peligro ni Direk Joel Lamangan at ang Martyr or Murderer ni Direk Darryl Yap.
Si Cesar ay gumaganap bilang ang yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na aniya'y mas napaghandaan niya ngayon kumpara nung ginawa niya ang Maid in Malacañang.
Aware si Cesar sa palitan ng pahayag nina Direk Joel at Direk Darryl. Meron ding mga nabitawang pahayag si Cherry Pie Picache na bida sa Oras de Peligro.
Sabi ni Cesar, makakatulong daw sa promo ng dalawang pelikula itong kanilang balitaktakan.
“It’s always an advantage kasi pinag-uusapan ang dalawang pelikulang pareho, e. Ang nakikita ko lang diyan, maganda yan, marketing-wise, promo-wise.
“Ang nakakatakot diyan, hindi pinag-uusapan yung pelikula mo, malapit ka nang ipalabas.
“That’s very positive. Nakakatuwa yan. Good yan para sa producer, sa Viva, sa amin, because pinag-uusapan yung pelikula namin,” pahayag ni Cesar nang nakapanayam namin sa DZRH, noong Huwebes, February 16.
Makikinig na lang daw siya sa mga sinasabi ng dalawang kampo, at aabangan na lang daw niya kung ano ang kahihinatnan ng mga ito sa takilya.
Nasa tao naman daw iyan kung alin sa dalawang pelikulang ito ang paniniwalaan nila.
“Pareho yan, e. Two sides of the coin yan, e. Magbabanggaan talaga yan. Magkaibang version yan.
“Para sa akin, makikinig na lang ako kung ano yung dulo," dagdag ng aktor.
Sunod na aasikasuhin ni Cesar ang pelikulang prinodyus at dinirek niya. Matagal na raw niya itong natapos, pero tatrabahuin pa raw niya ang post production.
The Blood Brothers ang title ng pelikula, at kasama niya rito sina Victor Neri at Allan Paule.
“Kuwento ito ng IP, mga Indigenous People, kung papano nagsimula yung ating lahi.
"Saan nangaling. Kung papano sila napahirapan, kung paano sila na-displace.
“Ka-partner ko rito ang CHED. Siya ang kasama ko rito, nag-produce ng pelikula."
NOEL FERRER:
Balak ba niyang balikan ang pulitika?
Sagot ni Cesar, “Ako ngayon… kung ngayon ako tatanungin, mas gustong mag-artista, magdirek, magsulat kesa sa bumalik sa pulitika. Because I’m happy where I am right now.
"Basta mas masaya ako kung nasaan ako ngayon. Kung ngayon mo ako tatanungin.
"I live one day at a time kasi."
JERRY OLEA:
Challenging pa rin kay Cesar ang pagganap bilang Ferdinand E. Marcos Sr. sa pelikulang Martyr or Murderer.
"Itong script kasi ni Direk Darryl, e, patindi nang patindi," sabi ni Cesar sa mediacon noong Pebrero 9, Huwebes, sa The Podium, Ortigas Center, Pasig City.
“So tinitingnan ko, binabasa kong maigi kung saan hindi ako madadawit at baka makulong ako rito. Tinitingnan ko lang. Kasi dapat ako ang dadalaw, e.
“Pero ako, I enjoyed the script. I enjoyed the story..."
Kagaya ni Ruffa Gutierrez ay ine-expect ni Cesar na magiging blockbuster ang Martyr or Murderer.
"It will satisfy the audience more compared sa Maid in Malacañang,” paniniwala ni Cesar.
"Ang expectation ko dito, mas malaki ang bonus ng lahat dito from Viva Films… yung hindi nabigyan, magkakaroon na!
"Iyon po ang expectation ko. Hindi lang expectation… I claim that to the Lord!"
Si Ruffa pa rin ang gumanap bilang Imelda Marcos sa Martyr or Murderer.
Nasa cast din sina Franki Russell (bilang Claudia Bermudez), Kyle Velino (Greggy Araneta), Cindy Miranda (young Imelda Marcos), Beverly Salviejo (Biday), Diego Loyzaga (Bongbong Marcos), Cristine Reyes (Imee Marcos), at Ella Cruz (Irene Marcos).
Kasama rin sina Isko Moreno (Ninoy Aquino), Jerome Ponce (young Ninoy Aquino), Marco Gumabao (young Ferdinand E. Marcos Sr.), Elizabeth Oropesa (Lucy), Rose Van Ginkel (Maricar, kaibigan ni Imee sa Morocco), Sachzna Laparan (young Cory Aquino), at Marlon Mance.
