JERRY OLEA
Hahayaan kaya ng City Government of Manila ang Vivamax na gamitin ang "Manila" sa title ng sexy anthology series na Erotica Manila?
Ipinost ng Vivamax ang trailer ng Erotica Manila sa kanilang Facebook page nitong Enero 13, 2023, Biyernes ng gabi.
Sabi ng Vivamax, “1 ANTHOLOGY FILM. 4 DIFFERENT STORIES. 4 WEEKS OF MANILA HEAT.
“Abangan ang upcoming Vivamax Anthology film, EROTICA MANILA! Featuring 4 different stories: CINEMA PARAUSAN starring Azi Acosta and Alex Medina, GIRL 11 starring Cara Gonzales, Josef Elizalde, and Chesca Paredes, MILF AND THE OJT starring Mercedes Cabral and Vince Rillon, and DEATH BY ORGASM starring Alona Navarro, Felix Roco, and Benz Sangalang. Directed by Lawrence Fajardo.
“Series Premiere on January 29 only on Vivamax!
“Mainit ba sa Manila?”
Ang mga blurb sa website mismo ng Vivamax:
“Laos na sexy star, tinuhog ng OJT sa set?”
“Cinephile nagparaos sa sinehan.”
“News writer laman ng balita: tumuhog ng pokpok?”
“Misis nabasa, mister naghinala.”
Noong Disyembre ay lumampas na sa 5M ang subscribers ng Vivamax worldwide.
Maliban sa Pilipinas, available ang Vivamax sa UAE, Saudi Arabia, Kuwait, Oman, Bahrain, Qatar, Hong Kong, Japan, Malaysia, Singapore, Indonesia, Thailand, South Korea, Taiwan, Brunei, Macao, Vietnam, Maldives, Australia, New Zealand, USA, at Canada.
Maaalala na iyong controversial Regal movie ni Ishmael Bernal na Manila By Night (1980) ay pinalitan ng title bago ipalabas sa mga sinehan. Ginawa iyong City After Dark, pero mas kilala rin pa rin bilang Manila By Night.
Si Manila Muñoz ay inilunsad sa Regal movie na Lady L (1989), sa direksyon ni Anthony Taylor. May mga umangal sa screen name niya kaya ginawa iyong Maniya Muñoz.
Ang pelikula ni Robin Padilla na Manila Boy (1993) ay naging Boy na lang ang title nang ipalabas sa mga sinehan. Tinagurian noon si Robin na "Bad Boy ng Philippine Cinema."
Idineklara ng Manila ang Hollywood actress na si Claire Danes na persona non grata noong 1998 base sa pinagsasabi nito sa mga magasing Vogue at Premiere tungkol sa nasabing lungsod, kung saan syinuting ang pelikulang Brokedown Palace (1999).
Nagprotesta ang MMDA Chairman noon na si Francis Tolentino sa paglalarawan ni Dan Brown sa Manila bilang “the gates of hell” sa nobelang Inferno (2013).
Kabilang sa mga mapangahas ba series ng Vivamax last year ang L, Iskandalo, High (School) On Sex, ‘Wag Mong Agawin Ang Akin, An/Na, at Secrets of A Nympho.
Iyong ongoing series na Lovely Ladies Dormitory ay noong Disyembre 18 nag-premiere.
Sa tingin ninyo, OK lang kina Mayor Honey Lacuña at Vice Mayor Yul Servo ang title na Erotica Manila sa anthology series ng Vivamax?
GORGY RULA
Kung papansinin ito ng mga opisyales ng LGU ng Maynila, maaring makatulong sa promo ng serye.
Kung deadma na lang sila rito, dadaan lang iyan at ewan ko kung kakagatin ng mga subscribers ng Vivamax.
Sa totoo lang, ang sakit pala sa ulo kapag sinubukan mong magbabad sa panonood sa Vivamax!
NOEL FERRER
Imbes na pansinin pa ang pagkakagamit ng Manila sa palabas na Erotica Manila, baka mas nanaisin na lang nilang i-promote ang bagong content ng kanilang kapanalig na si ex-Mayor Isko Moreno sa kanyang IskoVery Vlog.
Ang unang guest ni Isko ay walang iba kundi ang Batang Quiapo na si Coco Martin.
Nagsimulang ipalabas ang vlog ngayong Friday The 13th.
Balitang si Vice Ganda daw ang susunod na guest ni Yorme Isko next Friday.
Kayo, ano ang mas matatagalan ninyo: ang Erotica Manila o ang IskoVery or none of the above, and why?
